12. First Pain

55 9 48
                                    

"Aray," daing ni Sparkle na dahan-dahang bumangon mula sa pagbagsak. Naramdaman niya ang pag-alalay ni Benedict sa tabi niya at paghawak nito sa kaniyang balikat. Sinilip niya ang braso niya at nakita ang gasgas doon na dumurugo dahil sa paggasgas nito sa konkretong kalsada.

Unti-unting humahapdi ito na tila nagkikiskisan ang balat niya sa isa't isa. Hindi niya na napigilan pa ang pag-iyak nang tahimik. Nilingon niya si Benedict na alalang-alala sa kaniya. Wala itong ideya kung paano siya matutulungan. "Ang sakit, Benie."

Nilingon nito ang lalaking dumaan sa harapan nila at binigyan ito ng matalim na tingin. Nakasuot ito ng grey cargo pants, puting thrasher na napapatungan ng itim na loose shirt, suot nito ang tipikal na porma ng isang skater. Pinulot nito ang skateboard sa sahig at tiningnan sila.

"Sorry," mahinang saad nito habang nakakunot ang noo na nakatingin sa kanila.

Nagsilapitan na rin ang scooter riders at tiningnan ang nangyari.

"Okay ka lang, Spark?" Tumabi kay Sparkle si Keen, na lagi niyang nakakasama sa scooter park. Tila kuya na niya ito na minsang nagtuturo sa kaniya ng tricks.

"Sabi kasi sa 'yo 'wag ka rito nag-i-skateboard," parinig ni Keen kay Bucky, ang taong may-ari ng skateboard na nagpadisgrasya kay Sparkle.

"Bakit, pareho lang naman 'yong park," ipinagpipilitan nitong sagot.

"Magkaiba kasi 'yong gamit natin. Pa'no 'pag nagkabangga-banggaan tayo," inis niyang sagot. Nasa likod niya ang mga scooter riders na nakiki-usyoso na rin.

"Sus, dali-dali lang kasi mag-scooter." Padabog nitong ibinagsak ang skateboard sa sahig. "Scooter riders are weak!" sigaw nito bago umabante paalis sakay ng skateboard.

"Yabang!" sigaw ng nasa likod nila. Ang iba ay tumatawa at ang iba ay naiinis sa ugaling ipinakita nito.

"Uwi!" Nag-fuck you sign pa ito at sinundan na lamang ng tingin si Bucky na unti-unting nawala sa paningin nila.

"Siraulo talaga 'yon." Hinawakan ni Keen ang braso ni Sparkle at tiningnan ang sugat dito. "Uwi ka na, gamutin mo na yan," bilin nito sa kaniya sabay punas sa luhang nasa pisngi niya gamit ang likod ng isang kamay.

Nagsalubong ang kilay ni Benedict nang makita ito. Napakuyom ang kamay at masamang tiningnan si Keen. Hindi niya alam kung bakit gusto niyang manakit at sumigaw nang malakas.

"Uy, kaibigan mo?" Tiningnan siya nito at muling ibinalik kay Sparkle.

"Oo, si Benedict." Hinawakan ni Sparkle ang kamay niya, saglit na nagpakalma sa hindi maipaliwanag na nararamdaman.

"Sige, uwi na kayo." Nginitian ito ni Sparkle at tumango, sabay lakad-pabalik ng mga ito sa lugar na pinanggalingan habang kumakaway.

Nagulat si Sparkle nang humarang si Benedict sa harapan niya at maingat na hinawakan ang braso niya at inangat ito. Tiningnan nito ang sugat roon habang matalim ang tingin.

"Ano . . . anong nararamdaman mo?"

Napanganga siya nang kaunti, hindi maintindihan ang tinatanong nito. "N-nararamdaman?" Tila may nagkakarerahan sa puso niya.

Tinatanong niya ba kung crush ko siya?

Napailing siya sa naisip, kung talagang namumula nang sobra ang pisngi ng isang tao kapag nakararamdam ng ganito ay tiyak siyang halata na ang kaniya. Siya lamang ang nag-iisip ng nakakikiliting bagay na ito.

"Ito." Itinuro nito ang sugat niya.

Tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib, akala niya'y mapaaamin siya nito na may kaunti siyang atraksiyon na nararamdaman. Normal lang naman para sa kaniya na magkaroon ng crush, pero hindi normal sa kaniya ang umamin.

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now