7. Familiar Danger

65 11 43
                                    

"Isa siyang Kartigo." Sinilip ng walong taong gulang na si Sparkle ang lumang litratong hawak ni Aling Tessie. Medyo naninilaw na rin ito at may gasgas, dahil na rin sa matagal nang nakaimbak at hindi masyadong naalagaan.

"Ikaw lang po 'yan, e." Inalis niya ang balat ng kendi na hawak at sinubo ito. Salitang idinuyan ang mga binti habang pareho silang nakaupo sa isang mahabang upuan na gawa sa maliliit na tabla ng kahoy. Sa harapan nila ay malaking puno ng mangga na nagbibiagy lilim sa kanila. Piniling magpalipas ng oras sa bakuran ng matanda na katabi lang ng bahay nila.

"Oo nga, pero may katabi talaga ako riyan."

Napakunot ang noo niya at muling tiningnan ang litrato. "Ikaw lang po 'yan, e," pag-uulit niya. Wala talaga siyang ibang nakikita sa larawan kundi si Aling Tessie lamang.

"Wala na siya sa mga litrato, pero nananatili siya sa alaala ko."

Muli niyang tiningnan ang litrato. "Asawa n'yo po ba siya?" inosente niyang tanong na tinawanan nito.

"Hindi ko siya asawa, naging kasintahan siya ng taong malapit sa akin . . . at sa 'yo."

Napaturo siya sa sarili. "Sa 'kin? Kilala ko po?"

"Oo."

"Sino po?" Bumagsak ang masayang reaksiyon nito mula sa itinanong niya.

"Hindi ko pwedeng sabihin." Saglit itong tumingin sa kanilang harapan at muling ibinalik sa kaniya. "Sabi niya hindi pwedeng sabihin."

"Damot." Pinaglaruan niya ang kendi sa loob ng bibig habang iniiisip kung ano ang kartigong sinasabi nito. "Ano po ang mga kartigo? Mga multo?"

"Hindi." Bahagya itong natawa. "Mga espiritu sila na ginagabayan ang mga kaluluwa patungo kay Bathala. Tapos papipiliin sila kung gusto nilang mabuhay ulit, o mawala na lang sa kawalan."

"Wow," bulong niya sa sarili, interesadong-interesado sa kuwento ng matanda.

"Ibig sabihin, walang langit at impyerno?" Tumango ito at ngumiti.

"A, edi hindi ka na mapupunta sa impyerno?"



"Isa kang kartigo," mahinang saad ni Sparkle. Unti-unting gumagapang ang malapad na ngiti sa labi niya. Mula sa mga kuwento ni Aling Tessie na sabik na sabik niyang pinakikinggan, nasa harapan na niya ngayon ang kinasabikan niya. "Isa kang kartigo," mas malakas niyang banggit, nakatulala lamang sa taong nasa harapan.

"Oo." Napangiti ang kartigo nang makita ang sayang namumutawi sa mukha ni Sparkle. Lagi na lamang may sumasabog sa kaniyang loob na nanaisin niyang araw-araw na maramdaman.

"Tara," sabik nitong wika sabay hawak sa laylayan ng puting damit na suot niya. "Isasama kita sa bahay." Hindi nawawala ang malaking ngiti nito.

Hanggang balikat niya lamang ang taas nito.

"Pwede ba kitang hawakan?" muling pagtatanong niya.

Hindi pa rin nagbago ang reaksiyon ni Sparkle sa tanong niya. "Ang weird mo. Alam mo, hindi mo pwedeng sabihin 'yan sa mga tao nang ganiyan ka-casual. Mapagkakamalan kang manyak," paliwanag nito sa kaniya.

"O-oo, sige." Ramdam niya ang mabilis na pagtibok sa parteng dibdib niya nang makita ang simpleng ngiti ni Sparkle. Itinaas niya ang isang kamay at kinabog ang dibdib niya.

"H-hoy." Hinawakan nito ang kamay niya. Tila may nakakikiliti at nakatutusok na dumaloy sa balat niya kaya't agad niyang inilayo at hinaplos ito.

"Ano 'yon?" takang tanong niya habang hinahaplos ang sariling kamay.

"Ha?" Nagkatitigan pa silang saglit bago nauwi sa pagtawa ni Sparkle ito. Napahawak pa ito sa tiyan habang inaalala ang reaksiyon niya, takot at naguguluhan.

"Wala, wala." Pinunasan nito ang luha sa mata dahil sa labis na pagtawa. "Tara, isasama kita sa bahay. Andumi pala ng paa mo, nakapaa ka lang."

Tiningnan niya ang mga paa niya at nakitang sobrang dumi nito mula sa mga alikabok na naging putik na. Malagkit at makati ang nararamdaman niya mula sa mga ito.

"Tara, ibibili muna kitang tsinelas—wait, ano nga palang pangalan mo?"

Wala akong pangalan.

Inilibot niya ang paningin upang makahanap ng gagawing pangalan. "Go—gotohan." Muli niyang ibinalik ang paningin kay Sparkle. "Gotohan," may pagkatuwang sagot niya.

Napakagat si Sparkle sa ibabang labi, pilit na pinipigilan ang pagtawa. Nilingon niya ang tindahan ng goto sa kabilang kalsada at nilingon ulit ang kartigo. Nang ilapat ang paningin sa inosenteng ngiti ng nasa harapan ay napahagalpak na siya ng tawa. Napahawak siya sa tuhod at naramdaman ang pagsakit ng tiyan niya.

Tumayo na siya nang maayos habang may pasulpot-sulpot pa ring tawa sa kaniya. "H-hi." Nakatingin lamang sa kaniya ang kartigo na may pilit na ngiti, hindi naiintindihan ang dahilan ng pagtawa niya. "Hi, Gotohan, I'm Sparkle." Inilagay niya ang kamay sa harapan ng kartigo.

Tiningnan muna ng kartigo ang kamay nito, magkahalong pagkasabik at takot ang nararamdaman. Maingat niyang inangat ang isang kamay at inilapat sa kamay nito. Ito ang kagustuhan niya, ang malaman kung gaano kainit at kalambot ang kamay ni Glint sa kamay niya. Ito ang hinihiling niya.

Nang simulan ang pag-alis ay nakasunod lamang ang kartigo sa likuran ni Sparkle, sa paglalakad, pagbili ng tsinelas, at hanggang sa pagsakay ng sasakyan. Wala itong kamuwang-muwang sa mundo ng mga tao na lalong nakapagpaniwala kay Sparkle na isa nga itong kartigo. Walang-kaalam-alam ang ina niya na isasama niya ang estrangherong lalaki sa pag-uwi sa kanilang bahay.

"Hindi totoo ang kartigo." Gulat na gulat ang ina ni Sparkle nang salubungin niya ang anak na may kasamang lalaki na kakaiba ang itsura.

"Totoo 'yon. Tingnan mo nga siya." Itinuro niya ang katabi. Napatuwid ito ng tayo. Tiningnan ng ina ni Sparkle ang mukha nito habang magkasalubong ang kilay. Hindi makapaniwala sa sinasabi ng anak.

"H-hindi totoo ang sinasabi ni Nanay Tessie," kinakabahang saad nito sa kaniya, tila may bumabagabag sa isip.

"Totoo 'yong sinasabi ni Aling Tessie, mommy," pagpupumilit niya.

Muling bumalik ang tingin nito sa kartigo at bumuntong-hininga, wala na itong magagawa pa. Alam nito sa sarili kung bakit hindi ito natatakot sa lalaking nasa harapan, pamilyar ang itsura.

"Pasok," matigas na litanya nito sa kanilang dalawa. Hinawakan niya ang laylayan ng damit ng kartigo at hinila ito papasok. Sumunod sa kanilang likuran ang ina.

Naupo sila sa sofa habang nasa harapan ang ina. Samantalang ang kartigo ay hindi alam ang gagawin sa pangyayaring ito.

"Hindi siya pwedeng mag-stay rito."

"Wala siyang bahay."

"Hindi pa rin." Napatahimik siya sa isinagot nito. Hindi niya alam kung paano makukumbinsi ang ina. "Magpapapasok ka na lang basta-basta ng hindi mo kakilala rito?"

Napayuko siya, pinaglaruan ang dulo ng damit, may punto naman talaga ang sinasabi ng ina. Masasabing hindi pag-iingat ang ginawa ni Sparkle.

"Doon siya mag-i-stay sa house cottage, hindi siya pwede rito." Nabigyan ng kaunting saya ang puso niya dahil sa narinig at nilingon ang katabi.

"Maganda sa house cottage, doon ako laging tumatambay dati," mahinang kuwento niya rito, animo'y batang sabik nang maging kalaro ito.

Tumayo na ang ina ni Sparkle at tumingin nang mariin sa kanila. "Magluluto ako ng ulam. Mamaya ipapahatid kita roon."

Tumango lamang ang kartigo at tumalikod na siya. Naglakad siya patungo sa kusina ngunit tumigil din sa kalagitnaan at nilingon ang anak at ang kartigo, may lungkot at pag-aalala sa mukha.

Your Start is My EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon