35. Pinky Promise Beetle

18 5 29
                                    

"Magvo-volunteer na 'ko!" salubong ni Sparkle sa kakabungad pa lang na si Benedict sa pintuan. "Magvo-volunteer na 'ko, Benie!"

Ibinuka ni Benedict ang mga braso na aktong yayakap sa kaniya. Masaya niyang tinanggap ang mga braso nito at yumakap sa leeg nito. Alam niyang malakas ang loob niya dahil kay Benedict..

"Dahil diyan, pupunta tayo sa malaking bahay gamit ang dalawang scooter."

Bumitaw si Sparkle sa yakap at umalis sa harapan niya, sinundan na lamang ito ng tingin. Mayroong dalawang scooter ang naghihintay sa labas, ang isa ay kay Sparkle at ang isa ay hindi niya alam kung kanino.

Isinuot niya ang tsinelas at lumapit dito. "Kanino 'yan?"

"Hiniram ko kay, Keen. Hindi naman na niya ginagamit." Alam niyang hindi pa siya komportable sa tuwing nababanggit ang pangalan ng lalaking iyon, ngunit sabi ni Sparkle ay kaibigan lang naman itong kagaya niya.

"Sakay na."

Sinunod niya ang sinabi nito, itinuntong ang isang paa sa scooter at inilagay ang mga kamay sa handlebars. Tiningnan niya si Sparkle na nasa gilid niya. Iba ang saya sa mukha nito ngayon. Maaliwalas at parang walang pangamba.

Hinawi niya ang buhok nito. "Sana ganiyan lagi ang nararamdaman mo."

Nalito pa ito noong una at agad na tumawa nang maintindihan ang ibig niyang sabihin.

"Ako rin." Tumingin ito sa daraanan nila. "May konting kaba, pero mas matimbang 'yong saya 'tsaka kapanatagan."

Lumingon din siya sa daraanan nila. Tahimik ang kalsada, mataas ang sikat ng araw. Mainit ang nararamdaman nila na tila naghahanap ng lilim. Sana ay pang-habambuhay niyang maranasan ito.

"Paunahan tayo ro'n!" Siningkitan niya ito ng mga mata at tumawa. Alam naman nitong hindi siya masyadong marunong ay hahamunin pa siya. Ngunit hindi naman niya matitiis na hindi ito pagbigyan.

Agad niyang sinimulan ang pag-andar nang hindi ito sinasabihan.

"Maduga! Hindi pa game!" Rinig niyang sigaw nito sa kaniyang likuran at nilakasan ang pagtawa.

Higit pa pala sa pisikal na kakayahan ng isang tao ang kaya nitong ibigay, ito ay ang saya at mga alaala.



"Ako na lang," pamimilit ni Benedict na nakahawak sa mga binti ni Sparkle, kasalukuyang umaakyat sa isang maliit na puno ng mangga.

"Ako na lang, mas magaan ako kaya okay lang," sagot niya nang hindi bumaba.

"Sparkle," madiin na tawag nito at hindi binitawan ang mga binti niya.

Ilang segundo sila sa ganoong puwesto nang sumuko na si Sparkle. "Oo na, basta siguraduhin mong may malalaglag, ha."

Dahan-dahan siyang bumaba habang inaalalayan siya nito sa likod. Umatras siya at ito naman ang pumalit sa kaniya sa pag-akyat. Sa tangkad nito, ilang hakbang lang ay nasa taas na agad ito ng puno.

"Lakasan mo 'yong alog, ha!" Lumipat siya ng puwesto at pumunta sa lilim ng puno at pinanood si Benedict sa itaas.

Nagsimula nitong alugin ang puno habang nakahawak sa sanga. Nagbagsakan ang mga dahon na naninilaw na, mahina na ang kapit sa puno. Naririnig sa paligid ang malakas na pagkikiskisan ng mga malulutong na dahon.

"'Yon!" Nakita niya ang pagkahulog ng salagubang sa sahig na agad niyang nilapitan. Inilapit niya ang daliri sa likod nito at itinulak upang ihiga, mahihirapan itong bumangon at makalipad.

Nagsalubong ang kilay niya nang may maramdamang bumagsak sa ulo niya at nananatili iyon doon. Itinaas niya ang kamay at kinapa ang tuktok ng ulo niya.

Isang tili na nakapagpapagising-diwa ang pinakawalan niya at agad na tumayo habang tarantang pinapagpagan ang ulo.

"Hala!" Pikit-mata niyang inalis ang kung ano mang kumapit sa buhok niya. Nang tuluyang mahulog ito ay nakita niyang isa itong salagubang.

Hindi siya takot na hawakan ang salagubang at panoorin, ngunit kung kakapit na ito sa kaniya ay ibang usapan na.

"'Yan ba 'yon?" Rinig niyang tanong ni Benedict. Muli siyang umupo upang ayusin ang mga salagubang sa sahig.

"'Yong iba tinatanggal 'yong paa para hindi mabuhol. Ako, ayoko, hindi ko kaya."

Hinawakan niya ang likod na bahagi ng salagubang at ipinakita ito kay Benedict. Natatawa niyang pinanood ang pag-atras nito at ang takot sa mukha nito.

"Hindi 'to nangangagat, matinik lang talaga 'yong galamay." Nabitawan niya ito nang kumaskas ang tulis ng galamay sa daliri niya.

Kinuha niya ang sinulid at tinalian ang tila leeg nito na naghihiwalay sa ulo nito at katawan. "Tapos. . . ." Nang maibuhol ay tumayo siya, hinawakan ang salagubang at inihagis ito sa ere habang nakahawak pa rin sa kabilang dulo ng sinulid.

Pinanood niya ang pagbukas ng mga pakpak nito at ang bilis ng pagpagaspas habang lumilipad. Sobrang lawak ng ngiti niya habang sinusundan ang direksiyon ng paglipad nito.

Samantalang si Benedict ay iwas na iwas sa insektong lumilipad. Napalunok pa dahil ayaw na ayaw gawin ang ginagawa ni Sparkle.

Ngunit hindi nakaiwas si Benedict nang makita niyang lumipad ito nang napakabilis papunta sa kaniya, halos lumuwa ang mata dahil sa takot nang kumapit ito sa damit niya.

Isang malakas na pagsigaw ang pinakawalan niya. Rinig niya ang paghagalpak ng tawa ni Sparkle habang takot na takot na pinapagpagan niya ang damit.

Nang maramdamang wala na ay tiningnan niya ang suot. Wala nang nakakapit na salagubang dito ngunit hindi pa rin nawawala ang mabilis na pagkabog ng puso niya. Napabuntong-hininga siya at sinamaan ng tingin si Sparkle.

"Ikaw naman kasi!" Ibinaba nito ang salagubang sa sahig at kinuha ang isa pang salagubang.

"O." Umatras siya nang akmang ibibigay nito ang insekto sa kaniya. "Please? Pipitsuran lang kita tapos . . . tapos na."

Tinitigan niya muna ito at nag-isip. Wala namang masama kung pagbibigyan niya ang kaisa-isang bagay na ito. "Oo na," mabigat sa loob na sagot niya.

Dahan-dahan lang niyang kinuha sa kamay nito ang sinulid. Takot lang ang nararamdaman niya, ngunit kung makikita naman niya ang ngiti sa mukha nito ay ayos na.

Pinanood niya ang paghagis nito ng insekto sa ere at tuluyang paglipad. Nang nagpaikot-ikot ito ay taranta niyang inikot ang katawan at nang akala niya'y pupunta sa kaniya ay agad na binitawan ang sinulid at tumakbo palayo.

Muli, ang malakas na tawa na naman ni Sparkle ang maririnig sa paligid habang kinukuhanan ng litrato si Benedict. Sa tingin niya'y nakakatawa talaga ang reaksiyon niya. Nakakatakot naman kasi talaga ang itsura ng insekto na iyon.

"Sparkle." Kunot-noo niyang nilapitan ito na kasalukuyang naluluha na sa pagtawa. Ang gusto niya lang naman ay ang maging masaya si Sparkle, at hindi ganito na pinagtatawanan siya.

"Sorry, sorry. Nakakatawa kasi talaga." Tila natunaw ang inis niya dahil sa hindi matigil na tawa nito. Kumurba sa isang ngiti ang mga labi niya at nilapitan ito.

"Sana palagi kang ganiyan kasaya, kahit pagtawanan mo 'ko maghapon, ayos lang." Tinapik niya ang ulo nito.

"Promise." Itinaas nito ang hinliliit sa harapan niya. "Pinky promise, ang hindi tumupad, puputulin ang daliri."

Kabadong natawa siya sa sinabi nito. Inilagay niya ang hinliliit sa daliri nito habang iniisip ang paghiwa ni Sparkle sa daliri niya.

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now