32. Grace of Memory

18 5 26
                                    

"Gagawa kayo ng sanaysay tungkol sa kung ano na kayo sampung taon mula ngayon."

Napatulala si Sparkle sa kaniyang guro habang inuulit-ulit sa kaniyang isipan ang ipinapagawa nito. Unti-unting inilipat ang paningin sa yellow paper na hawak sa kaniyang desk.

"Ten years from now," bulong niya sa sarili. Walang reaksiyon ang mukha niya, wala ring pumapasok na sagot sa isipan niya. Hindi niya makita kung anong naghihintay sa kaniya sa taong 'yon, malabo.

Malungkot siyang napabuntong-hininga at sinimulan na lamang ang pagsulat.

Sa unang talata ay inilagay niya kung gaano kahalaga ang isang pangarap. Sobrang halaga nito na kapag hindi niya nahanap ay alam niyang wala siyang patutunguhan. Sa ikalawang talata ay ang sa tingin niya'y mangyayari sa kaniya, kahit' di sigurado. Isinulat niya na mas pinapalaki na niya ang bahay nila. May trabaho na siya at ginagastusan ang sariling mga luho.

Sa taon na 'yon, masaya siya. Sa panahon na 'yon ay kilala na niya ang sarili niya. Ang pinakagusto niyang nailagay roon ay ang isang bagay na sigurado siya, kasama niya pa rin ang mga kaibigan—si Yannah, Emie, Andy, Katrina . . . at si Benedict.

Sa huling talata ay nilagyan lamang niya ng mga makabuluhang aral na natutuhan niya ngayon at kung paano maaabot ang mga pangarap na sinabi niya.

Muli niyang binasa ang sinulat, ngunit kahit ilang beses niyang basahin ito ay may kulang. Wala ang pangarap na makakasama niya at gagawin niya habang-buhay.

"Anong nilagay mo?" tanong ni Andy sa kaniyang tabi. Agad niyang ipinakita ang papel niya at kinuha ang kay Andy upang basahin.

"Uy, teacher. ESP." Napangiti siya sa nabasa. Bagay na bagay ang asignaturang ito sa kaibigan dahil napakabait nito. Tiyak na magiging masaya ito roon.

"Ikaw, soon malalaman mo rin gusto mo." Nginitian niya ito, nagpapasalamat na nagkaroon siya ng kaibigan na naniniwala at nagpapatatag sa kaniya.



"Good job, Bruce," bati ng trainor nila pagkatapos ng ginawang tail whip ni Bruce.

Bumalik ito sa puwesto sa tabi niya at bahagyang tinapik ang likod niya. Nahalata nito ang kaba niya. "Kaya mo 'yan." Tipid niya itong tinanguan.

"Si Sparkle naman."

Napabuga siya ng hangin at sumipa sa sahig upang umandar ang scooter. Sinilip niya si Benedict na nakaupo, hindi kalayuan sa may bench sa gilid.

Nginitian siya nito at nagsabi ng 'kaya mo 'yan' na hindi niya masiyadong narinig ngunit nababasa niya sa paggalaw ng bibig nito.

Nagbilang siya nang tatlong beses sa kaniyang isip at nagsimula.

Sumipa siya sa sahig at muling ipinatong ito sa scooter habang umaandar. Humawak siya nang mahigpit sa handlebars at bahagyang itinupi ang tuhod upang bumwelo. Hinila pataas ang handlebars kasabay ang pagtalon.

Habang nasa ere ay sinipa niya pagilid ang deck o ang likurang bahagi ng scooter gamit ang back foot niya at iginalaw ang handlebars upang mapaikot ang apakan ng scooter, at nang maibalik sa puwesto ang apakan ng scooter ay ibinagsak niya ang paa roon.

"Good job, Sparkle," bati sa kaniya ng trainor.

Tuwang-tuwa niyang nilingon si Benedict na pumapalakpak na rin sa kaniya ngayon. Malaki ang ngiti sa mga labi nito at halata ang pagkamangha. Sa katunayan lang ay basic lang naman ang trick na ginawa niya ngunit mas nakabibilib ang pagsubok niya na gawin ito sa harapan ng ibang tao.

Nang matapos ang lahat ay pinayagan na silang umuwi. Nagpaalam na sa kaniya sina Bruce na mauuna nang umuwi at sila naman ni Benedict ay tatambay pa sa isang park malapit sa convention.

"Chocolate o vanilla?" tanong ni Sparkle na nagpaawang nang kaunti sa bibig ni Benedict dahil hindi alam ang isasagot. "Okay, vanilla na lang sa 'yo, sa 'kin, chocolate." Hindi na siya sumagot nang harapin na nito ang nagtitinda ng ice cream.

Inilibot niya ang paningin at nakita ang mga nagtataasang puno sa paligid na nagsisilbing bubong sa park. Mayroong isang malawak na espasyo sa gitna kung nasaan ang bermuda grass, doon nakaupo ang karamihan ng mga tao habang nagpapalipas ng oras. Tinawag ito kanina ni Sparkle na Calina forest park.

Ngayon lamang siya nakapunta rito at masasabi niyang maganda ito sa paningin niya, presko rin ang hangin, ngunit mas presko pa rin ang abandonadong lugar sa loob ng Perith Village na lagi nilang pinupuntahan.

"O." Inabot sa kaniya ni Sparkle ang ice cream na mabilis niyang kinuha.

Naglakad na ito sa kaniyang unahan na agad niyang sinundan.

"May dala akong picnic mat." Kinuha nito gamit ang isang kamay ang tela sa loob ng maliit na bag at inilatag sa tabi ng puno. Napansin niya na nahihirapan ito kaya't inabot niya ang ice cream rito.

"Ako na."

Nang mawala na ang hawak sa kamay ay maayos niyang inilatag ang picnic mat. Mabilis itong umupo roon at muling inabot ang ice cream sa kaniya. Umupo siya sa tabi nito at isinanday rin ang likod sa puno.

Hindi ganoon katahimik ang paligid dahil hindi lang naman sila ang tao rito, ngunit sapat na ang lilim upang pagaanin ang pagod nila. Masakit ang liwanag na tumatama sa labas ngunit hindi ang munting pagsulpot-sulpot nito sa loob dahil sa mga puno.

"Alam mo, pinagawa kami ng teacher namin ng essay tungkol sa kung ano na kami ten years from now."

Pinakinggan niya ang pagsisimula ng kuwento nito na gustong-gusto niyang naririnig. Tila nagiging bahagi siya ng araw nito kahit hindi sila magkasama.

"Hindi naman ako sure kung mangyayari nga 'yon." Pinagmasdan niya ang mahina nitong pagtawa. "Pero may nilagay ako na sure do'n." Sinilip siya nito saglit. "Na ten years from now, kasama ko pa rin ang mga kaibigan ko . . . lalo na ikaw."

Kung mangyayari ngang matagal pa siyang mananatili rito, sana nga ay matupad. Kaso hindi niya naman madidiktahan ang panahon kung mahahanap niya agad ang kailangan niyang hanapin.

Paano kung maagang dumating? Maaga niya ring maiiwan si Sparkle. Pero paano kung magawan ng paraan? Dito na lang siya at hihintayin na lang ang kamatayan niya. Dito na lang siya at habang-buhay na maranasan ang hinihiling niya noong hindi pa siya nagiging tao.

"Hello po." Naputol ang pagmumuni-muni nila nang bumati ang isang babae sa harapan nila.

Nakasuot ito ng unipormeng pang-kolehiyo, pamilyar ang suot nito kay Sparkle, bukod sa uniporme, pamilyar din ang mukha nito kay Benedict, ngunit iwinaksi na lang sa isipan niya dahil malamang ay nakikita niya lang siguro ito tuwing sumusundo siya ng mga kaluluwa noon.

"Hello po," bati pabalik ni Sparkle habang si Benedict ay pinanonood lamang ang dalawa.

"Ako nga pala si Grace."

"Akala ko, masasamahan pa kitang mahanap 'yong pangarap mo. Akala ko, sabay pa tayong ga-graduate." Kasunod niyon ay narinig ni Benedict ang isang pag-iyak mula sa alaala niya. "Mahal na mahal kita, Grace."

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now