17. The Sun Will Rise

37 8 26
                                    


"Second to my list!" sigaw ni Sparkle habang nakasuot ng malaking cowboy hat at may hawak na dalawang baseball bat sa magkabilang kamay. "Doing art for a week!"

Litong tumingin lang sa kaniya si Benedict na nakaupo sa isang telang inilagay nila sa sahig. Nasa attic sila ng bahay nina Sparkle kung saan nakaimbak ang mga gamit nilang maaari pang mapakinabangan. Pinupuntahan lang ni Sparkle ang parte ng bahay na ito tuwing may hahanapin siya, ngunit dahil nandito na ngayon si Benedict ay may makakasama na siyang mag-imbento ng mga bagay-bagay sa kuwartong ito.

"Sa Monday, lalagyan ko itong part na to ng doodle art gamit ang spray paint!" Itinuro ni Sparkle ang kahoy na pader sa likuran.

"Marunong ka?" tanong ni Benedict.

Bumagsak ang ngiti niya. "Hindi . . . pero pwede namang pag-aralan, 'no." Naglakad siya nang pabalik-balik sa magkabilang-gilid sa harapan ng pader na kahoy habang kinukuha ang papel na nakaipit sa kilikili. "Sa Tuesday naman, ii-sketch kita!" Tinuro niya si Benedict gamit ang hawak na baseball bat.

"Marunong ka rin?"

"Oo naman, kaso kapag may reference lang, kaya ikaw ang reference ko." Tumango-tango ang kausap niyang si Benedict na animo'y naiintindihan lahat ng sinasabi niya. "At sa Wednesday, gagawa ako ng poster, sa Thursday ay slogan. At sa Friday, mag-e-experiment ako!"

Bahagya siyang napatalon dahil sa tuwa, dahil sa kalakihan ng suot na cowboy hat nahulog ito sa isang gilid ng mukha niya na tumakip sa mata niya. Ibinagsak niya ang dalawang baseball bat sa sahig at inayos muli ang sumbrero.

"At ngayon ay . . . magko-concert muna tayo." Itinaas-baba nito ang mga kilay at ngumiti nang nakaloloko sa kaniya.



"My," tawag niya sa ina nang pumasok siya sa kuwarto nito. Nilingon niya pa si Benedict na nasa kaniyang likuran, parang mga batang nakagawa ng masama. "Pwedeng dal'in 'yong TV sa attic?" Ngumiti siya nang pilit.

"Hindi." Nagpatuloy ito sa pagtipa sa laptop. "Mahulog mo pa 'yon."

"Si Benie naman 'yong magdadala." Tiningnan ng kaniyang ina si Benedict, taratanta itong tumingin at ngumiti sa seryoso nitong mukha.

Napakagat ang kaniyang ina sa ibabang labi, ngayon lang nito napansin ang kakulitan niya kaya't naipag-isipan nitong hayaan na lamang siya. Sa totoo lang ay bago sa paningin ng ina ni Sparkle ang ganitong ugali niya, siguro nga'y hindi niya ito nabigyan ng sapat na atensiyon kaya't sabik na sabik ngayon sa kaibigan.

"Oo na, mag-ingat sa pag-akyat n'on."

"Yey!" mahinang pagkatuwa niya. Maingat niyang isinara ang pinto at nagmamadaling bumaba sa sala. "Tara."

Humawak sila sa magkabilang gilid ng TV. Ang malaking porsyento ng bigat ay napupunta kay Benedict dahil mas malakas ito at matangkad. Dahan-dahan silang umakyat sa hagdanan papunta sa ikalawang palapag ng bahay. Nagdire-diretso sila sa kahoy na hagdanan ng attic na lumalangitngit sa pag-apak nila sa mga baitang.

"Kaya kapag madilim, hindi ako umaakyat sa attic, nakakatakot 'yang tunog ng hagdanan." Bahagya siyang natalisod sa hagdan habang nagsasalita.

"Ingat, Sparkle," paalala nito at binawasan ang bilis ng paglakad.

"Opo." Lumingon-lingon siya sa likuran habang umaakyat sa hagdanan.

Nang makarating sa taas ay nagmadali siyang naglakad paatras. "Malapit na."

Dahan-dahan nilang ipinatong ito sa lamesa. Pinagpagan ni Sparkle ang magkabila niyang balikat at ngumiti. "Let the concert . . . begin."



"Sparkle." Pareho silang nagulat nang bumukas nang biglaan ang pinto ng attic.

Agad hinagis ni Sparkle ang hawak niyang walis tambo na ginawa niyang gitara kanina. Napatingin siya kay Benedict na nakataas ang hawak-hawak na dalawang drum stick, nakaupo sa isang upuang kahoy habang may mga timbang nakataob sa harapan nito na animo'y isang drummer. Nakatulala lamang ito at nakanganga nang kaunti habang siya ay nilalamon na ng hiya. Pareho pa silang nakasuot ng jacket na pula na isinusuot ng mga parade drummers. Tumutunog pa rin sa paligid ang kantang Payphone ng Maroon 5.

"Hinaan mo raw 'yang music, naririnig sa kapitbahay," kunot-noo nitong utos sa kaniya.

"Sorry po." Patagilid niyang nilapitan si Benedict at hinablot ang dalawang drumsticks sa kamay nito at itinapon sa gilid.

"Hinaan mo, Sparkle."

"Opo."

Binigyan pa sila nito ng isang huling tingin bago muling isinara ang pinto. Nang marinig na wala na ito ay napahagalpak siya ng tawa. Napaupo siya sa sahig habang nakahawak sa tiyan, halos manakit na ito dahil sa labis na pagtawa. Inaalala ang itsura nila nang makita ng ina habang nagko-concert sa attic.

Samantalang si Benedict ay natatawa na rin dahil sa pagtawa ni Sparkle, nahahawa siya sa tunog na lumalabas sa bibig nito, nahahawa sa kasiyahan sa loob niya na paborito niyang nararamdaman.

"Hubarin mo na 'yan! Mainit!" Nauna nang tanggalin ni Sparkle ang pulang jacket at sinuklay ang gulo-gulong buhok.

Nang matanggal naman ni Benedict ang kaniya ay nilapitan siya ni Sparkle at muling hinila ang kamay niya papunta sa tapat ng bintana. Kinuha nito ang upuan sa gilid at lumuhod doon, isinanday ang sarili sa pasimano ng bintana upang mailabas ang itaas na bahagi ng katawan.

Sinalubong si Sparkle ng preskong hangin at kahel na liwanag na galing sa araw na nasa kanilang harapan. Animo'y ipinapasok ng liwanag na ito sa kanilang mata at balat ang init at ilaw ng araw.

Tumabi sa kaniya si Benedict at inilabas nang kaunti ang katawan upang sumilip din sa labas. Naghahalo ang kahel na liwanag na galing sa araw at kulay ginto nitong mga mata, napakaganda nito at nagniningning.

"Anong mas gusto mo, sunset o sunrise?"

Saglit na napaisip si Benedict, hindi niya alam kung anong itsura ng sinasabi nitong sunrise. "Hindi ko alam."

Muling tumingin si Sparkle sa araw sa kanilang harapan. Hindi na ito masakit sa mata dahil papalubog na ito.

"Ako, sunrise." Tumingin si Benedict kay Sparkle na maaliwalas ang mukha. "Parang new day, new hope." Sinuklay niya ang buhok nitong gulo at inipit sa tainga nito. "That every day, I have a chance to find myself—kahit ga'no pa katagal."

"Sa tingin ko, mas gusto ko naman ang sunset." Itinagilid ni Sparkle ang ulo at tumingin sa kaniya.

"Bakit naman?"

Inilapit niya nang kaunti ang mukha sa paningin nito. "Magkasama nating tatapusin 'yong araw, at gigising ka sa panibagong araw sa pagsikat nito, para hanapin ang sarili mo."

Itinaas nito ang hintuturong daliri at inilagay sa pagitan ng magkasalubong niyang kilay. "Anong gigising ako sa panibagong araw, ikaw rin, 'no, sabay tayong gigising."

Malungkot niyang kinuha ang kamay nito at hinawakan nang mahigpit. "Sana nga."

Inilapat nito ang labi sa kamay niyang nakahawak sa kamay nito. "Oo, 'no, tutulungan mo pa 'kong hanapin 'yong purpose ko. 'Tsaka sabi ko kay Mommy magiging magkaibigan tayo habambuhay."

Inilapit niya ang katawan kay Sparkle at ipinatong ang pisngi sa ulo nito, malungkot na tumingin sa papalubog na araw na alam niyang katulad ng mangyayari sa tadhana niya. "Sana nga."

Your Start is My EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon