10. Hurt Me

47 9 38
                                    

"Pa'no kung . . . ang purpose mo ay hulihin ang puso ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa ng mga kanta at pagtugtog ng gitara?" Isang mahinang tawa ang pinakawalan ni Sparkle mula sa sinabi ni Benedict. Nakaupo sila sa sofa sa loob ng house cottage, kung saan siya dumiretso matapos makauwi ng bahay.

"Hindi naman ako masyadong marunong maggitara, 'no. Hirap na hirap ako sa bar chords." Ipinuwesto niya ang mga daliri sa kuwerdas ng gitara.

"Hindi naman kailangang magaling ka agad," pagpapagaan nito ng loob niya.

"Hindi rin naman ako magaling kumanta." Kasunod nito ay ang pag-strum niya nang isang beses sa gitara.

"Hindi naman kailangang magaling ka agad," pag-uulit nito na napansin niya.

Tinawanan niya itong muli. "Hindi ako magaling gumawa ng lyrics . . . ng tula."

Tinanggal nito ang hair clip na nasa buhok niya, inayos at sinuklay ito at maayos na inipit ulit. "Hindi mo pa naman kasi sinusubukan."

Nahalata niya ang seryosong tono sa boses nito. Ipinatong niya ang isang kamay sa kamay nitong nasa buhok niya. "'Seryoso, bakit ka napunta sa mundo ng mga tao?"

Ibinaliktad nito ang kamay at tuluyang hinawakan ang kamay niya. "Gusto kitang mahawakan."

May kung anong namulaklak sa puso niya. Itinaas niya ang magkahawak nilang kamay at ngumiti. "Nahahawakan mo na 'ko!"

Sa isip ni Benedict, ganito pala ang pakiramdam ng pagiging masaya. Ang daming rason ng kaligayahan ng isang tao, kapag kumakain siya ay masaya siya, kapag nakikita niya ang sikat ng araw paggising niya, ang tawa ni Sparkle, kapag inaayos niya ang buhok nito, kapag hawak niya ang kamay nito. May maliliit na bagay ang nasa tiyan niya, kumikiliti sa bawat bahagi nito. Ang pagsilay ng ngiti sa mga labi niya na hindi niya kayang kontrolin. Ang sayang maging tao.

"Nang una kong makita si Glint, tinanong niya ako kung nagiging tao raw ba kami." Ibinaba niya ang kamay nila at hinawakan ito nang mahigpit. "At ipinangako ko sa kaniya na ako ulit ang susundo sa kaluluwa niya kapag namatay ulit siya."

Interesadong nakikinig si Sparkle sa kaniya, gaya ng pakikinig nito kay Aling Tessie sa tuwing nagkukuwento ng tungkol sa isang kartigo. "Ibig sabihin, ikaw ang susundo sa akin kapag namatay na ulit ako?" masaya nitong tanong, natutuwa na may pagkakataon palang makikita niya ulit ang kartigo.

"Siguro." Pinilit niyang ngumiti, kahit na ang tamang sagot doon ay hindi na. "At mas lalo kong ginustong maging tao nang tumingin ka sa mga mata ko noong kartigo pa lang ako. Nakikiusap ka no'n, alam kong nakita mo ako."

Inalala ni Sparkle ang mga pangyayari na sinasabi ni Benedict. Umaasang nakita niya nga ito noon, ngunit wala talaga siyang maalala. "Saan?"

"No'ng sinundo ko si Brinley, umiiyak ka no'n."

Maingat niyang ipinatong ang gitara sa sahig habang iniisip kung ano'ng isasagot sa sinabi nito. Alam niyang hindi niya ito nakita. Wala siyang nakitang kartigong may malagintong mga mata at magandang buhok. Hindi niya nakita si Benedict noon.

"Siguro nga." Nginitian niya ito at nakita niya ang masayang reaksiyon nito. Ayaw niyang mawala ang saya sa mukha nito. "Hindi ka naman siguro mawawala, 'no?"

Hindi agad ito sumagot, may pag-aalinlangan. "Hindi."



"Aling Tessie!" sigaw ni Sparkle sa cellphone kung saan nasa kabilang linya ang matanda. "Aling Tessie! May surprise ako sa inyo."

Pinakinggan niyang mabuti ang pagsagot nito upang maikuwento na agad ang tungkol kay Benedict.

"Ano 'yon?"

"May kasama akong kartigo."

Isang matagal na katahimikan ang bumalot sa kabilang linya. Saglit niyang tiningnan ang screen ng cellphone at nakitang hindi naman siya nito pinatayan. Pinindot niya ang speaker, baka sakaling mahina lang ang boses nito. "Bakit siya pumunta rito? May masasaktan na naman sila," seryoso nitong saad na ikinagulat nilang dalawa.

"Aling Tessie, hindi po siya nananakit. Mabait po si Benedict," magkasalubong ang kilay niyang sagot. Malakas na kumakabog ang dibdib at tiningnan nang may pag-aalala si Benedict. "Hindi mo na dapat pinatuloy ang kartigong 'yan sa inyo Sparkle. Alam ba ng mommy mo?"

"O-opo, kaso hindi siya naniniwala sa 'kin, 'tsaka tumutuloy si Benie sa house cottage," kinakabahan niyang sagot habang pinaglalaruan ang kamay ni Benedict na ngayon ay litong-lito na rin sa sinasabi ng matanda. Kalmado lamang siya, hindi takot o kinakabahan, gulong-gulo lang talaga ang isipan sa sinasabi nito.

"Makasarili ang mga kartigo, ni-hindi nila alam kung ano'ng pakiramdam ng masaktan."

Ano nga ba? Sumagi sa isip ni Benedict ang sinabi nito. Oo nga, hindi niya alam kung anong pakiramdam ng sinasabi nitong masaktan. Ngunit hindi niya rin alam kung ano'ng koneksyon nito upang masaktan si Sparkle sa kaniya.

"Ang OA n'yo Aling Tessie, sabi niya hindi naman po siya aalis."

"Disisais ka pa lang, Sparkle, kaya inosente ka pa sa bagay na 'to. Sige, ibababa ko na ang tawag, mag-iingat ka lagi."

Nakaramdam ng lungkot si Sparkle sa mistulang pag-ayaw nito sa kanila. Kumunot lamang ang noo niya at may kaunting pagnguso ang sumilay sa kaniya. "Sige, Aling Tessie."

Ibinaba na ni Sparkle ang tawag at tumitig sa cellphone na hawak. Hindi sanay si Benedict na makita itong hindi nakangiti gaya na nakasanayan niya. Hindi pa rin nawawala ang magkasalubong nitong mga kilay.

"Ano bang pakiramdam ng masaktan?" Saglit lamang siyang nilingon nito at ibinalik ito sa naglalarong mga kamay. Napansin naman niyang bahagyang kumalma ang mukha nito.

"Masakit, parang hinihiwa 'yong balat mo, o kaya sinasaksak ka."

Napatingin lang siya sa nakayukong ulo nito, hindi pa rin naman niya alam kung ano'ng pakiramdam n'on.

"Sobrang sakit n'on, Benie." Gumaan ang loob niya nang makita ulit ang ngiti sa mukha ni Sparkle. Napakaaliwalas ng mukha nito, idagdag pa ang buhok nito sa gilid ng mukha na tila pag-agos ng tubig sa isang talon na magandang pagmasdan.

Alam na niya kung paano maging masaya sa maliliit na bagay na nararanasan bilang tao. Iniisip naman niya ang kung paano masasaktan ang sarili gaya ng nararamdaman ni Sparkle ngayon.

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now