6. Kartigo

64 11 44
                                    

Itinaas ng Kartigo ang paningin sa mga taong naglalakad sa kaniyang gilid, nakatingin nang may pagtataka sa kaniya. "Nakikita ba nila 'ko?" pabulong niyang tanong sa sarili.

Nakakunot ang mga noo nito habang may dala-dalang mga pinamili. Nagtataka dahil sa malagintong kulay ng mga mata niya, maputing kulay ng balat, at maganda at maitim niyang buhok—habang nakangiting nakaupo sa gilid ng kalsada, sa mga nagtitinda.

"Okay ka lang?" takang tanong ng matandang babaeng nagtitinda ng cellphone accessories sa kaniyang gilid.

Mabilis siyang tumayo at tiningnan ang taong kumausap sa kaniya. Lumaki ang ngiti sa mga labi dahil sa labis na saya. "Nakikita mo 'ko?" Nagsalubong ang mga kilay nito at napatingin sa bantay ng tindahang katabi. Tumingin lamang ito at tumawa habang naiiling.

"'Wag ka diyan sa gitna ng kalsada, daanan 'yan ng mga tao." Napalingon siya sa mga taong dumaraaan sa kaniyang harapan at sa likuran. Parang sumasabog ang puso niya dahil natupad na ang kagustuhan niya.

"Pasensya." Naglakad na siya ngunit agad namang napahinto nang maramdaman niya ang basa sa kaniyang paahan. "Tubig." Napangiti siya nang maramdaman ang lamig nito sa kaniyang talampakan.

Naglakad siya nang naglakad, mainit ang sahig sa kaniyang mga paa. Dito siya laging napupunta kapag nagsusundo ng mga kaluluwa sa Hilaga. Kabisado na niya ang lugar kaya't hindi na siya maliligaw pa. Ang kailangan na lang ay makita niya si Sparkle.

"Sementeryo." Naalala niya ang pinuntahan niya upang makita si Sparkle. Hindi niya alam kung ilang araw ang lumipas dahil mas mabilis ang oras sa mundo ng mga tao.

Lakad lamang ang ginagawa niya habang panay ang lingon sa kaniyang paligid. Kapag may mga taong napapatingin sa kaniya ay tinititigan niya rin ang mga ito upang masigurong nakikita siya. Sa halip na maging maayos ay lalong nalulukot ang mga mukha nito na parang ayaw sa ginagawa niya.

Hapon na at lumulubog na ang araw sa kaniyang paligid, rinig na rinig na ang mga tunog ng mga sasakyang dumaraan sa kaniyang gilid.

Nang matanaw na malapit na siya sa destinasyon ay natigil siya sa harapan ng isang tao. Malalim ang mga paghingang ginagawa niya.

"Kilala mo ba si Glint?" hingal niyang tanong. Sa tingin niya ay mamamatay siya dahil nahihirapan siyang huminga. Hindi niya alam kung normal lamang sa mga tao ang ganito.

"Ha?" naguguluhang balik na pagtatanong nito. Itinulak nito ang salamin sa mata na dumudulas na sa ilong, at inayos ang pagkakasukbit ng bag na nasa likod.

"Malapit na 'ko sa sementeryo, tama?" Umayos siya ng tayo kaya't tila tumore siya sa kausap. Matangkad siya kung ikukumpara sa estudyanteng nasa harapan niya.

"A, oo." Inilagay nito ang bag sa harapan at kinuha ang lalagyanan ng tubig sa gilid ng bag at inabot sa kaniya. Kinuha niya ito kahit hindi alam kung ano'ng gagawin sa bagay na hawak. "Senior high ka, Kuya?" Napaawang ang bibig niya sa sinabi nito, hindi alam kung ano'ng ibig nitong ipakahulugan.

"A-anong senior high?"

Napakamot sa ulo ang kausap niya. "Grade eleven, o kaya grade twelve. Ako nasa junior high pa lang, diyan sa Palana National High School."

"A . . . o-oo. Siguro," kinakabahan niyang sagot at tumingin sa paligid. Maingay ang pag-andar ng mga sasakyan dahil nasa tabi sila ng kalsada. "Ano palang gagawin ko rito?"

"Hinihingal ka, inumin mo na 'yan. Pauwi na rin naman ako."

Napangiti siya at napatingin sa boteng hawak. "Normal lang ba na nahihirapan akong huminga?"

Lumukot ang mukha ng kausap niya dahil sa pagtataka. "O-oo yata. Sa'n ka ba galing?"

"Sa maraming tindahan." Inikot niya ang takip sa boteng ibinigay nito at agarang uminom. Nabasa ang bibig niya at naramdaman ang pagdaloy ng tubig sa lalamunan niya. Tila nililinis nito ang loob niya.

Napakunot ang noo at napanganga ang batang nakatingin sa kaniya nang magkandatapon-tapon ang tubig sa bibig niya.

Pinunasan niya ang bibig niya at akmang iaabot ang bote pabalik sa bata. "O."

"H-hindi na, hindi na. Sige, uwi na po ako."

Ibinaba niya ang kamay at inilagay ito sa kaniyang gilid. "Salamat ulit . . . sa tubig—hindi mo talaga kilala si Glint?" Umiling ito nang mabilis, gusto nang makaalis sa harapan niya.

"Sige, aalis na po ako." Nagmadali itong naglakad palampas sa kaniya na sinundan na lamang niya ng tingin. Nang ibalik ang paningin sa harapan ay nakita niya si Sparkle na naglalakad mag-isa.

"Glint." Tila may sumasabog sa kaniyang loob nang makita ang mukha nito. Nakasuot si Sparkle ng school uniform at nakabagsak ang buhok na sumasabay ang kaunting hibla sa hangin. Payapa ang mukha nito na nakatingin sa daanan.

Nagmadali siyang naglakad upang masalubong ito. Sabik siyang mahawakan ito. "Glint." Gulat na napahinto si Sparkle sa paglakad.

Napatulala ito sa mga mata niya na tila kumikinang pa dahil sa mga nagdaraanang sasakyan sa kanilang gilid, sa gitna ng kadiliman na unti-unting lumalamon sa kanilang paligid.

"H-hindi po ako si Glint," mahinahon nitong sagot sa kaniya, namamangha pa rin sa mga mata niya.

"Sparkle," tila pabulong niyang saad. "Ang tagal kitang hinintay."

Nagsalubong ang mga kilay nito. Nawiwirduhan na sa mga salitang binibigkas niya. "Sa Palana National High School ka po ba nag-aaral?" 

Sa pisikal na kaanyuan ng kartigo ay aakalaing high school pa lamang ito. Ngunit walang edad ang mga kartigo sa mundo nila, at kung paano sila nabuo ay mananatiling ganoon ang itsura nila, hindi rin nila alam kung ang pagtira sa mundo ng mga tao ay nadaragdagan ang edad nila.

"Pwede ba kitang hawakan?" Napanganga si Sparkle sa salitang binitiwan ng kartigo. Nabubuo ang galit at inis sa loob nito.

"Manyak ka." Tila umuusok na ang ilong nito dahil sa sinabi niya.

"Ha?" natatarantang sagot niya dahil sa nakikitang inis sa mukha ni Sparkle. Hindi niya alam kung anong masama sa sinabi niya, at kung anong ibig sabihin ng sinabi nito. "'Wag kang magalit, isa akong kartigo."

Nawala nang bahagya ang inis sa mukha nito at tila kumalma. Muling naalala ang salitang iyon mula sa pagkabata nito na akala'y hindi totoo. "Kartigo?"

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now