23. Dana Girly

21 4 24
                                    


"Hi, friend ka ni Sparkle?" tanong ng isang babae kay Benedict sabay hawi ng buhok nito upang maiipit sa tainga.

Maganda ang mahaba at tuwid nitong buhok habang may nakaipit na iba't ibang kulay ng mga clip sa buhok nito. Matangkad at maganda ang unang masasabi kapag nasilayan ang itsura nito.

"Oo," sagot ni Benedict at napasuklay sa buhok dahil sa bahagyang pagtakip nito sa mga mata niya, nagiging abala sa panonood kay Sparkle.

"A." Napakamot nang kaunti ang babae sa leeg habang hindi mapigilan ang pagngiti. "Matagal ka na kasi naming nakikita kapag lumalabas kayo ni Sparkle. . . ." Napatingin ito sa dalawang kaibigan na nagbibigay ng mga mapang-asar na ngiti. "Gusto ko sanang makipagkaibigan." Napadila ito sa labi at ngumiti nang magkadikit ang mga labi.

Saglit na tiningnan ni Sparkle ang puwesto ni Benedict, agad na napakunot ang noo nang makita ang tatlong babaeng nasa harapan ngayon nito. Inilagay niya ang isang paa sa sahig upang mapigil ang pag-abante ng scooter. Pinakatingnang mabuti ang pigura ng matangkad na babae na nasa gitna.

"Kaibigan ba kayo ni Sparkle?" Tiningala ni Benedict ang babaeng nasa harapan. Nagtataka sa biglaang pagsulpot ng mga ito. Hindi niya alam kung may kailangan ang mga ito sa kaniya.

"Kami?" Muli nitong tiningnan ang mga kaibigan at tinaasan ng kilay. "O-oo, oo. Kaibigan kami ni Sparkle."

Iniayos ni Sparkle ang helmet sa kaniyang ulo at umabante sa gilid upang makita ang mga mukha nito at ang reaksiyon ni Benedict.

"Sige," sagot ni Benedict na muling hinanap ng paningin si Sparkle. Tila sinulid na kapag hindi naituwid kay Sparkle ay magkakabuhol-buhol.

"Ako nga pala si Dana." Inilahad nito ang kamay sa harapan ni Benedict. Nagsalubong ang kilay niya, hindi man lang siya sabik sa hawak nito, hindi gaya ng kay Sparkle.

"Benedict." Inilapat niya ang kamay rito at humawak. Tama nga siya, walang kahit anong kuryente, o karayom ang tumutusok sa kamay niya. Walang kahit na anong sigla.

Napasinghal si Sparkle na nanonood sa malayo nang makita ang magkahawak nitong mga kamay. Umirap siya sa ere at padabog na sumipa sa sahig upang maging mabilis ang pag-abante ng scooter.

Nagpabalik-balik siya sa halfpipe kung saan taas-baba ang ginagawa niya, may inis na nararamdaman sa babaeng lumalapit sa kaibigan niya.

Nakita niya ang paglakad ni Benedict papunta sa puwesto niya kaya't binagalan niya ang pag-abante sa pamamagitan ng pagsayad ng kanang paa sa sahig.

"Sparkle," sambit nito nang makalapag siya sa gitna ng ramp. Tiningala niya ito at sinamaan ng tingin.

Nagtaka si Benedict sa ekspresiyong ipinakita nito. Kung pagmamasdan ang mga kilay nitong magkasalubong at kaunting pagbagsak ng gilid ng labi nito, alam niyang hindi kalmado ang nararamdaman nito ngayon.

"Kakain daw tayo. Masayang kumain," diretsong saad niya, hindi mapakali ang loob habang binabasa ang emosyon nito. Itinaas niya ang kamay at inilagay ang hinalalaki sa gitna ng kilay nito at minasahe iyon.

"H-hindi," tarantang saad ni Dana sa sinabi niya at napahawak sa noo. "Ikaw lang sana ang gusto naming ayain."

Nakikilala na ito ni Sparkle, nakatira ito malapit sa house cottage na tinutuluyan ngayon ni Benedict. Kaedaran niya, maganda, at mayaman. Hindi niya maiwasang isipin na kapag wala siya roon ay baka inaaya ng mga ito si Benedict, nagpadagdag sa inis niya.

"Hindi kasama si Sparkle?" tanong ni Benedict.

Mabilis na iling ang isinagot nito. Napangiwi si Sparkle at pinagmasdan ang babae. Matangkad ito, makinis, mahaba at maganda ang buhok, mayaman, lumalaban sa beauty pageants. Nang isipin niya ang magandang katangian na mayroon siya ay wala siyang naisagot sa sarili. Kahit sa ugali ay hindi rin naman siya mabait. Ang mga tipong gaya ng babae na ito ang maaaring magustuhan ni Benedict sa tingin niya.

"Sabi n'yo kaibigan n'yo si Sparkle?" Napayuko siya at huminga nang malalim, tinatanggal ang lungkot na nararamdaman na naman.

"O-oo nga. Pero ngayon, gusto ka muna naming makilala." Nailagay ni Benedict ang mga kamay sa baywang, alam niyang hindi na agad siya sumasang-ayon sa sinabi nito.

"Ayoko." Napaawang ang bibig nito at naghanap ng salitang isasagot.

"A, a-ano . . . sige, sige, isama na lang natin si Sparkle." Pilit itong napangiti kahit na ayaw ang desisyong ginawa.

"Hindi na, kayo na lang." Itinulak ni Sparkle nang kaunti ang likod ni Benedict, ayaw naman niyang sumama sa grupo ng mga ito na hindi naman siya gusto.

Naramdaman niya ang pagdampi ng kamay ni Benedict sa noo niya at itinaas ito kaya't nailipat niya ang paningin sa babaeng nasa harapan. Napawi ang pagngiti nito nang makita siya. "Sasama siya."



"So . . . may parent ka ba from na galing sa ibang bansa?" Wala na ngang iba pang nagawa si Sparkle nang si Benedict na ang nagdesisyon para sa kaniya. Nasa loob na sila ng Aster café, isang mamahaling café na pinagdalhan sa kanila ni Dana.

"Wala," tipid na sagot ni Benedict sabay tapik sa tuhod niya. Inilagay nito ang hintuturong daliri sa baba niya at itinukod ito paitaas dahil kanina pa nananatiling ang paningin niya ay nasa ilalim.

"Hi, Sparkle," masiglang tawag ni Dana sa kaniya kaya't napatingin siya rito. Pakiramdam niya'y napakasama niyang tao dahil sa pag-iwas niya rito kahit wala pa naman itong ginagawang masama sa kaniya.

"H-hello." Kasalukuyan nilang hinihintay ang pagkaing in-order kaya't naging abala sila sa pag-uusap.

"Lagi kitang nakikita ro'n sa house cottage dati, grade twelve ka na sa pasukan, 'di ba?"

Tumango siya at tiningnan saglit ang dalawa nitong kaibigan na tila display lamang sa tabi nito. Kanina pa ang mga ito hindi nagsasalita at panay lamang tawa sa kung ano mang nakatatawang sasabihin ni Dana.

"Same. Sa Carlos International ako nag-aaral, grade twelve na rin ako sa pasukan. Ano palang strand mo?"

"GAS."

"Ah, 'yong mga undecided. So undecided ka?" May pagkamayabang ang tono ng boses nito na hindi niya nagustuhan. Binalewala na lamang niya ito dahil baka hindi naman ganoon ang nais nitong ipakahulugan.

"Parang gano'n," hindi siguradong sagot niya.

"A, ako kasi STEM, gusto kong maging cardiologist soon para kay Lola. May sakit kasi siya sa puso. 'Tsaka ako rin ang top one sa klase last school year, kaya umaasa ako na ako ang makakatanggap ng highest honor sa grade 12," pagkukuwento nito tungkol sa sarili na pinakinggan niya lamang.

Muli na naman niyang naikumpara ang achievements niya sa achievements na nabanggit nito. Top one, ang pangarap ay maging cardiologist, may goal sa buhay.

"Si Sparkle, sinusubukan niya ngayong hanapin kung anong gusto niya, kasama ako," sagot ni Benedict para sa kaniya. Napataas ang kilay ni Dana sa naging pagsagot nito.

"Benedict," pag-iiba nito ng usapan mula kay Sparkle. "Sana mapalapit pa 'ko sa 'yo."

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now