16. Name Keeping

36 8 29
                                    

"Alam kong mawawala ka rin dito." Sinipat ni Benedict ang ina ni Sparkle sa kaniyang harapan. Nasa tapat sila ng lamesa habang inililipat nito ang pagkaing hinatid sa kaniya.

Wala siyang mga salitang mabigkas. Hindi alam kung anong tamang sabihin.

"Hindi ko alam kung bakit kailangang si Sparkle pa."

Lungkot ang naramdaman niya nang marinig ito. Sa tingin niya'y mali nga siguro ang pagpili niya kay Sparkle.

"Ayokong. . . ." Nagdalawang-isip pa ito kung itutuloy ang sasabihin, napagdesisyunan na lang nitong ayusin ang mga lalagyan at nagpaalam. "Aalis na 'ko." Tumalikod na ito at naglakad.

"Mali ba 'yong ginawa ko?" Napatigil ito sa paglakad.

"May maiiwan ka kasi. Ayokong masaktan si Sparkle." Nilingon siya nito, puno ng pag-aalala ang mukha.

"Masasaktan ba siya 'pag nawala ako?"

Tumango ito, hinihila ng bigat ang puso. "Hindi mo pa nga pala nararanasan ang maiwan. . . . Sana maihanda mo na lang si Sparkle na hindi ka magtatagal sa mundo namin."

"Bakit may alam kayo tungkol sa 'min?"

Nahigit nito ang sariling paghinga, bahagyang nakabuka ang bibig, naghahanap ng isasagot. "Aalis na 'ko."



"Benie!" Nakatingin si Sparkle sa bintana mula sa loob ng kanilang bahay habang naglalakad, balak na salubungin si Benedict na nasa labas ng kanilang bahay. Pinayagan ito ngayon ng ina ni Sparkle na magpunta sa kanila.

Nang makalapit ay humawak ito sa kamay niya at hinila, masiglang pumasok sa loob ng bahay. Ang nasa isipan niya ay nasa pagitan pa rin ng mga sinabi ng ina ni Sparkle at sa bagay na ginawa nito kani-kanina lang.

Itinulak siya nito paupo sa sofa. "Wait lang, kukunin ko lang 'yong unan ko." Nanakbo ito paalis na sinundan niya lang ng tingin.

Narinig niya ang paghakbang sa kaniyang gilid na agad niyang nilingon. Nakita niya ang nag-aalala pa ring ina ni Sparkle. Kalmado ang mukha nito, hindi gaya noong una na laging magkasalubong ang kilay kapag nakatingin sa kaniya.

"Just do my only request, sabihin mo sa kaniya." Tila lumipad ang isipan niya sa sinabi nito. Wala sa plano niya ang sabihin kay Sparkle na aalis din siya, mawawala rin. Ayaw niyang matakpan ng lungkot ang saya nito.

Narinig nila ang mga hakbang ni Sparkle kasabay ng pag-alis ng ina nito. Nakita niya ang abot-tainga nitong ngiti habang yakap-yakap ang isang unan. Magaan sa pakiramdam habang tinitingnan niyang maaliwalas ang mukha nito.

Inilagay nito ang unan sa tabi at nagsimulang itulak ang maliit na lamesa papunta sa gilid. "Lalagyan ko ng kutson, manonood tayo ng movie!"

"A—" Bago pa man niya maituloy ang sasabihin ay nanakbo na naman ito nang mabilis paalis.

Hindi pa rin niya mapakalma ang sarili.

"Sabik kasi 'yon sa kaibigan." Nilingon niya ito, kasalukuyang ipinapatong ang dalawang mangkok na may pagkain sa lamesitang nasa gilid. "Only child tapos hindi naman palakaibigan no'ng junior high school."

Sinundan niya ng tingin ang paglakad nito paalis patungo sa itaas, sa kuwartong pinasukan ni Sparkle. Hinintay niya ang paglabas ng mga ito mula roon. Una niyang nakita ang ina nito na may dala-dalang banig, kasunod ay si Sparkle na may hila-hilang kutson. Napatingin ang ina nito sa kaniya.

"Tulungan mo si Sparkle," maotoridad nitong utos.

Mabilis ang pagtayo niya at paglakad papunta kay Sparkle. Hinawakan niya ang kabilang gilid ng hawak nito at tinawanan si Sparkle na nakatulala sa kaniya.

"Sparkle, tara," mahina niyang tawag dito na tila ikinagulat nito.

Pareho na silang naglakad papunta sa sala at inilapag ang kutson sa banig na nakalatag sa carpet. Biglang tumalon si Sparkle sa kutson at bumagsak nang pahiga.

"Walang lalabas ng bahay, Sparkle, nando'n lang ako sa kuwarto." Nakataas ang kilay nito sa pagbibilin.

"Opo," sagot ni Sparkle na bumangon mula sa pagkakahiga.

"And no funny businesses," nanlalaking mata nitong pahabol.

"Opo," paninigurado nito. Labis ang takot ni Sparkle para hindi sumunod sa ina.

Binigyan pa nito ng huling tingin si Benedict bago tuluyang umalis. Sinundan pa nila ito ng tingin hanggang makarating sa kuwarto nito sa taas, at nang marinig ang pagsara ng pinto ay humawak si Sparkle sa kamay niya at hinila siya paupo.

"Manonood tayo ng. . . ." Gumapang ito papunta sa maliit na cabinet sa ibaba ng TV rack kung saan naroon ang mga disk. Inisa-isa nito ng tingin ang mga disk at nang makita ang hinahanap ay hinila ito at itinaas, kapantay ng mga mata ni Benedict. "Monsters Incorporated!"

Tila natutunaw ang puso niya sa tuwing iniisip na masaya itong kasama siya, dahil ganoon rin siya kay Sparkle.

Inilagay nito ang disk sa DVD player, pagkatapos ay umatras nang paupo sa tabi niya. Ngunit muli itong umalis at kinuha ang mangkok na may pagkain, ang isa ay ipinatong nito sa hita niya.

Tiningnan niya ang laman nito at nakita ang mumunting puting bilog-bilog na may kurba-kurba, kasing-hugis ng mga ulap.

"Popcorn 'yan, tikman mo." Inalok nito ang isang piraso sa bibig niya na tinanggap niya. May mga lasa itong matabang at maalat, naririnig niya rin ang ingay na lumalabas mula sa kinakain. "Masarap?"

Tumango siya at kumuha sa sariling pagkain. Unti-unti niyang nagugustuhan ang lasa nito at hindi napapansin na napapabilis na ang pagsubo niya. Mukhang mauuna pang maubos ang pagkain niya kaysa matapos ang pinanonood nila.

"Hindi nakapasok sa ten winners 'yong video ko," pagsasalita nito habang nasa kalagitnaan sila ng panonood.

Nilingon niya ito na ang atensiyon ay nasa panonood pa rin, tipid na nakangiti.

"Ano'ng nararamdaman mo?" Ipinatong niya ang kamay sa ulo nito at pikatingnang mabuti.

"Okay lang, expected ko naman na." Pilit itong tumawa.

"Maganda 'yong ginawa mo no'ng pinakinggan ko." Lumingon ito sa kaniya. "Kasi 'yong sarili mo 'yong sinulat mo."

Kumurba na sa isang ngiti ang mga labi nito na matagal niyang hinihintay. Ipinatong nito ang kamay sa kamay niyang nasa ulo nito at tinapik-tapik.

"Thank you, Benie, you are my favorite kartigo," bulong nito na tuluyang nagpakalma sa nararamdaman niya, kahit pa iniisip niyang siya lang naman ang kilala nitong kartigo. Siguro ay hindi muna niya sasabihin na mawawala rin siya, gusto niya munang manatili sa ganito ang lahat habang kasama niya si Sparkle. "Ekis na ang pagiging music artist sa akin dahil tamad akong magsulat. Susubok ulit ako ng bago, basta kasama kita."

Inihagis nito ang isang piraso ng popcorn pataas, at bumagsak ito sa ilong na ikinatawa niya.

Naging tahimik ang panonood nila. Maya't mayang pagtawa ang nakikita niyang reaksiyon kay Sparkle na gusto niyang naririnig. Pigilan man niya'y nasasabay niya ang pagtawa niya sa pagkatuwa nito.

Isang linya mula sa pinanonood ang nakakuha ng atensyon ni Sparkle. Tungkol ito sa 'pag sinimulan nating pangalanan ang isang bagay, maa-attach na ito sa atin.

Napatango-tango si Sparkle nang marinig ito. "Tama, that's why I named you, I am already attached to Benie."


Your Start is My Endingحيث تعيش القصص. اكتشف الآن