21. You are the Ending

29 6 29
                                    

Sinilip ni Benedict ang loob ng attic mula sa pintuan, hindi maipinta ang mukha. Nakahinto at pinagmamasdan ang paligid, tila may hinahanap.

"Umuwi na sina Gray," wika ni Sparkle na pumutol sa pagmamasid niya sa kuwarto. Kinuha nito ang kamay niya at hinila papasok sa loob. "Sabi niya, 'wag ka na raw magalit sa kaniya. Bestfriend na raw kayo."

Naglakad siya paupo sa sahig, sa tapat ng maliit na lamesa. Nasa kabila naman si Sparkle na inaayos ang mga papel at lapis sa ibaba nito.

"Bakit. . . ." Pinagmasdan niya lamang ito habang hinahanap sa dulo ng dila ang nais itanong. "Bakit ang lapit-lapit niya sa 'yo?"

Hinawakan nito ang lapis at ngumiti. "Childhood friend ko lang si Gray, promise. No'ng nag-ten ako, lumipat kami rito sa Perith kaya hindi ko na siya nakakasama." Sinilip nito ang mukha niya. "'Di ba sabi ko ikaw ang favorite kartigo ko." Tinusok-tusok nito ng likod ng lapis ang pisngi niya, hindi natitinag ang blangko niyang ekspresiyon.

"E, si Gray?"

"Favorite person."

Sarkastiko siyang napatawa. "Ako lang naman kasi kilala mong kartigo, si Gray, maraming kagaya ni Gray, maraming tao pero siya ang favorite mo." Pagnguso na lang ang kulang upang maipakitang nagtatampo ito.

Napatawa ito dahil nahahalata ang inis sa boses niya. Ngayon lamang nito nakita ang ganitong kilos niya. "Maganda nga 'yon, 'di ba? Ikaw lang, nag-iisa ka."

Inabot nito ang mga pisngi niya at pinisil ito nang kaunti. Nakikita niya ngayon nang malapitan ang mukha nito. Nalulungkot lamang siya dahil bakit ganoon lang kadali kay Gray na makasama siya, na mahawakan siya, makipagtawanan sa kaniya. Siya, napakaraming oras ang hinintay niya para dito, pero bakit parang may mas lamang pa rin sa kaniya. Sa huli ay mawawala rin siya, ayaw niyang umabot ang pakiramdam na ganito hanggang dulo.

"'Wag ka nang malungkot! Ikaw ang favorite kartigo ko." Pinisil-pisil pa nito ang mga pisngi niya habang tumatawa.

Ipinatong niya ang isang kamay sa kamay nitong nasa pisngi niya, huminga nang malalim at pumikit. Ganito pala kahirap pakalmahin ang damdamin ng isang tao. Hindi agad-agad na natutunaw at naaalis.

Nang idilat ang mga mata ay nakita niyang nagpipigil si Sparkle ng tawa.

"Para kang pusa." Binawi na nito ang mga kamay at inilipat sa mga papel at lapis. "Goods na tayo?"

Tango ang isinagot niya at pinanood na lamang ang ginagawa nito.

"Ang tawag dito, grid lines." Itinuro nito ang mga linyang nasa isang puting papel. Ipinatong nito ang cellphone sa itaas niyon bilang naroon ang picture para sa reference. "Hindi pa kasi ako marunong mag-free hand. Tapos isa pa lang na portrait ang natatapos ko, 'yong iba tinamad na akong ituloy." Kinuha nito ang lapis at nagsimulang gumuhit sa papel.

Tiningnan niya ang picture na nasa cellphone nito. "Sino siya?"

"Si Menzy," sagot nito na nagpatuloy sa pagguhit. "Three time champion sa national competition ng scooter riding. Sobrang galing niya."

Nabalot ulit sila ng kalmadong katahimikan.

Ang pinakapaborito niyang bahagi ng araw ay tanghali, mainit at tahimik, ngunit kung nasa tamang silong ay mahinahon. Minsan ay naroon sila sa abandonang lupa, lugar na maraming puno at mahangin. Nasa taas sila ng puno nang walang takot, nang hindi na naduduwag sa mga bagay sa oras na bumaba sila. Minsan nama'y rito sa tahanan nina Sparkle. Nasa loob ng kahoy na mga pader, nakasilong at tahimik, sa dulo ng araw ay sabay na panonoorin ang paglubog nito.

"Sa tingin mo, ano ang sign mo na nahanap mo na 'yong purpose mo?" Unang tunog na narinig niya mula sa pagmumuni-muni.

"Siguro . . . kapag nakakapagod ang gawain na 'yon . . . pero masaya ka. Nakakapagod, pero ang sarap ibuhos nang buo 'yong sarili mo roon." .

Sumilay ang ngiti sa mga labi nito, para itong nabunutan ng tinik—na may haplos ng lungkot, magulo. "Hindi ko pa 'yan nararamdaman. Alam mo kung bakit?" Tiningnan siya nito ng mga matang parang walang kinang, walang sigla. "Kasi takot akong mag-try. Takot akong matalo. Hindi ako laging sapat."

"Sinusubukan mo naman ngayon." Muli itong nagsimula sa pagguhit, matamlay ang pagbuo ng mga linya.

"Nasa bahay ako, e. Nasa comfort ako. Pero kapag sinubukan ko na mula sa labas nitong bahay, matatameme na naman ako." Halata sa tono nito ang tila hinanakit sa mundo, o kaya sa sarili, gaya ni Glint. Pareho ang dalawang ito na hindi kasundo ang buhay.

"Kaya nga nandito ako." Minsan ay hinihiniling na lang niyang hindi mahanap ang purpose niya, para walang maiwan. Ngunit kahit pagbalibaliktarin ang mundo, parusa lang naman ang pagiging tao niya, parusang ginusto niya mula pa noong una. Gusto niyang ibahin kung anong maaabutan niya sa dulo, kung may paraan, kung meron lang.



'Hindi ko alam ang dulo, pero tutuloy ako.'

Dalawang araw ang nakalipas at nakagawa si Sparkle ng poster, ngayon naman ang binabalak niyang gawin ay slogan.

"Ano'ng ibig sabihin niyan?" Nginitian niya ang pintang nasa harapan, imbes na oil pastel ang gamitin ay gumamit siya ng watercolor.

"Hindi ko alam kung ano'ng nakaabang sa akin sa dulo, pero magpapatuloy ako sa paglakad." Inilapat niya ang paint brush na may kulay asul sa dulo at ipinahid ito nang maingat sa itaas na bahagi ng canvas. Nagdaragdag ng kulay asul na may kadiliman.

"Gusto ko sanang makasama ka sa dulo na 'yon," mahinang wika ni Benedict habang nakatulala sa pintang nasa harapan. Alam niya kasing sobrang imposible na mananatili siya rito nang matagal.

"Oo naman," mahina nitong pinalo ang braso niya.

Pareho lang silang nakatingin sa pinta habang nakasanday sa likod nila ang sinag ng araw. Habang bumubulong ang mahihinang hangin mula sa nakabukas na bintana. Parehong iniisip ang dulong madaratnan nila.

"Paano kaya kung hindi pala maganda 'yong dulo na 'yon?" banggit ni Sparkle, muling nawawalan ng pag-asa. Ang gulo ng isipan niya minsan kapag tamihik, kapag walang abala, at ang mga bulong lang na iyon ang maririnig.

"Naniniwala akong lahat ng dulo ay masaya." Napalingon si Sparkle kay Benedict, hindi sigurado sa pinaniniwalaan nito.

"E, bakit si Glint, sabi mo namatay siya nang hindi pa nagagawa 'yong mga pangarap niya, 'yong purpose niya."

"Hindi naman 'yon ang dulo niya." Nang tingnan niya ito ay nakatingin na ito sa kaniya.

"Ano pala ang dulo niya?"

Hinayaan muna niya ang sarili na pagmasdan ang mukha nito. Kung paanong ang amo-amo lagi ng tingin nito sa kaniya. Kapag bumubuka ang bibig at nagbibigay ng mga salitang minsan ay hindi pamilyar sa kaniya, ngunit gugustuhin niyang paulit-ulit na marinig. Ang mga hibla ng buhok nitong kumakawala sa pagkakaayos, na minsan ay nagdadagdag sa banayad nitong ekspresyon. "Ikaw . . . ikaw ang dulo niya."

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now