34. Robbed Second Chance

13 7 27
                                    


Kabadong-kabado si Sparkle habang palingon-lingon sa trainor at sa mga batang gumagawa ng tricks. Ipinatong niya ang kamao sa bandang puso at pinakiramdaman ang bilis ng tibok ng puso. Sumabay pa ang bagay na ito sa hingal niya.

Napagdesisyunan niyang panoorin muna si Bruce na kasalukuyang gumagawa ng trick sa half-pipe, isang slide na makapal at malapad. Nang matapos ay lumapit ito sa tabi niya, tagaktak ang pawis sa noo at leeg. Tumatama ang sinag ng araw roon na tila nagpapakinang dito.

"Bruce," mahina niyang pagkuha sa atensiyon nito.

Napataas ang dalawang kilay nito at inilapit ang mukha sa kaniya.

"Uwi muna ako. M-may emergency lang sa bahay."

"Hmm, paalam ka na lang kay coach Xanti." Tinapik nito ang likod niya at tumingin siya sa trainor nila.

Huminga muna siya nang malalim bago sinimulan ang paghakbang. Dahan-dahan lang ang paglakad niya upang hindi mapansin ng ibang kasamahan. Nang mapalapit sa tabi nito ay agad siya nitong napansin.

"Yes?" Napalunok siya at tiningnan ito sa mga mata.

"M-may emergency po sa bahay. P-pwede na po ba akong umuwi." Napakagat siya sa kaniyang dila dahil sa pagsisinungaling. Hindi naman niya nakitang galit ang mukha nito, ngumiti at tumango lamang.

"Oo, sige, sige."

Nabawasan ang bigat ng nararamdaman niya at hindi nagpahalata na sobrang saya niya.

"Sige po. Thank you po." Agad siyang tumalikod, malakas na sumipa sa sahig at ipinatong ang paa sa scooter, naging mabilis ang pag-andar niya, kasabay ng sabik na pag-uwi kay Benedict.



"Benedict!" Malakas niyang kinatok ang pinto at sumilip sa bintanang nasa gilid nito. Napatalon-talon siya dahil sa pagkatuwa habang pinanonood ang paglapit nito sa pinto.

"Bakit? Wala ka bang training ngayon?" kunot-noong tanong nito. Nakasuot pa rin ito ng pajamas at shirt.

"Pupunta na tayo sa park. Maaga raw sila nag-start."

"Tapos na training n'yo?" nagtatakang tanong nito.

"Hindi, pero sabi ko emergency para makatakas ako." Natawa siya nang maalala ang kabang nararamdaman kanina, ngunit nang ilipat ang tingin kay Benedict ay wala itong reaksiyon.

"Nagsinungaling ka?"

Bumagsak ang tuwa niya, guilty sa sinabi nito. "Pero promise, ngayon lang talaga 'to. Next time, hindi na ako magsisinungaling." Binigyan niya ito ng nakapanghihikayat na ngiti. "Kaya please? Samahan mo na 'ko."

Bagsak ang balikat nitong tumango at naglakad palayo. "Mag-shorts ka na lang, ha. Hintayin kita sa labas."

Dali-dali niyang isinara ang pinto at muling binalikan ang scooter niya sa gilid ng kalsada. Itinayo niya iyon at inilagay sa gilid ng house cottage. Inilapag niya sa sahig ang helmet at ang iba pang safety gears upang wala na siyang dalhin mamaya.

Lumabas si Benedict na nakasuot na ng basketball shorts. Sinalubong niya ito at agad na hinila sa kamay.

Bakit nga ba sinumpong siya ng saya ngayon? Siguro'y napalapit na ang loob sa mga batang pinanonood niya sa park na tinuturuan ng mga volunteers, ang mga batang ito'y humihingi rin ng tulong sa kaniya minsan.

Naisip niyang kung buhay pa si Brinley ay tiyak na matutuwa ang bata sa ginagawa niyang pagtulong sa mga ito.

Upang makarating doon ay sumakay sila sa tricycle dahil sa init ng panahon at pagkatapos ay sumakay ng jeep. Araw-araw niyang hinihiling na sana ay hindi magbago ang kinang sa mga mata ng mga bata sa tuwing nakikita siya, ang kagustuhan ng mga ito na makausap at makasama siya upang maging masaya at matuto.

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now