Chapter 27

30 3 2
                                    

Chapter 27
Setting Into the Horizon



"Ano bang nangyari sayo?" nag-aalala na tanong ni Ry. Malamig na hangin ang yumakap sa amin at isinayaw nito ang suot kong dress. Inayos ng kaibigan ko ang coat na nakatakip sa mga balikat ko para hindi ako lamigin.



Napapikit ako at huminga ng malalim, pinipilit pinapakalma ang sarili. Naka layo-layo na kami sa pwesto kanina kung saan ako naabutan ni West. Ramdam ko pa rin ang mabibigat na titig niya sa likuran ko. Gusto ko man na lumingon ay pinipigilan ko ang sarili ko dahil alam kong maiiyak na naman ako.



Inalala ko ang init ng yakap sa akin kanina ni West. Ang init niyang bumalot sa akin ay ang nag pabuhay sa nararamdaman ko. Sa tagal kong nawalay sa kanya, ni minsan hindi ko ulit naramdaman ang ganoong pakiramdam: yung kalmado, mainit, saya, lungkot; halo-halo. Sa kanya lang talaga. Pero para rin akong binuhusan ng tubig at agad itinulak ang sarili palayo sa kanya. Naalala ko ang emosyong dumaan sa mukha niya, humakbang si West, lalapit sana ulit sa akin pero gaya nga ng sabi niya, tinakbuhan ko ulit ang mga sitwasyong ayaw kong bigyan ng solusyon. Doon ko nakasalubong si Ry.



Nakita kong nilingon ng kaibigan ko ang aking likuran at tsaka ibinalik sa akin ang kanyang mga titig. Tinanggal niya ang suot na coat at ipinatong sa balikat ko at habang ginagawa niya 'yon ay pinunasan ko ang mga luha kong natuyo na. Nakatingin pa rin si Ry, pero hindi siya nagtanong at agad din niya akong inalalayan paalis.



Hinatid lang ako ni Ry hanggang sa labas ng resort dahil may dapat pa itong aasikasuhin, hindi pa kasi tapos ang reception. Pinakiusapan ko rin siya na dalhin nalang muna niya pauwi ang gitara ko at ang ibang gamit.



Mag isa akong naglalakad pauwi sa bahay, may nakasalubong akong ilang kakilala kaya nakihalubilo muna ako pero hindi rin ako nagtagal. Binuksan ko ang gate na gawa sa yero at nakita ko naman na sumilip mula sa bintana si Aling Manda.



Nakabusangot ang mukha niya habang bitbit ang gamit at papalabas sa bahay.



"Magandang gabi po," bati ko.



"Hay nako, Koa! Yung nanay mo ang hirap alagaan. Inaaway ako. Kita mo 'tong damit ko," tinuro niya ang parte ng damit niyang parang nabasa ng tubig. "Tinapunan lang naman niya ako ng isang tabong tubig habang pinaliguan ko sana! Pinahanap niya pa sa akin yung bag niya raw pero inabot na ako ng gabi at hindi ko pa rin mahanap!" reklamo ng Ale.



Galit pa rin ito base sa emosyon na pinapakita sa akin. "Pasensya na po kayo," sagot ko at kinuha sa bulsa ang 500 pesos. "Ito po pala. Salamat po sa pag aalaga kay Mommy. Bukas po pala–"



Hinablot niya mula sa akin ang pera at agad nilagay sa kanyang bag. "Hindi! Wala ng bukas. Ayaw ko na pagsilbihan ang nanay mo!"



Nagmartsa siya papunta sa gate namin at agad 'tong sinarado. Wala akong magawa kundi sundan nalang ng tingin ang babae. Unang araw lang niya sa pagbabantay kay Mommy at umayaw na kaagad siya.



Pumasok ako sa bahay at nakitang nanonood ng TV si Mommy. Narinig niya akong pumasok kaya napalingon siya. Nagmano ako at agad dumiretso sa kusina.



"Magkano ang bayad mo dun kay Manda?" rinig kong tanong ni Mommy mula sa sala.



"Sakto lang po," maikli kong sagot.



Sa totoo niyan, ang hirap makahanap ng mag aalaga kay Mommy sa tuwing may trabaho ako. Inaaway niya ang mga umaalaga sa kanya kaya hindi sila tumatagal kaya wala akong magawa kundi ang taasan ang bayad nila sa isang araw lang na pagbabantay. Limang daan—pero wala ni isang nagtagal ng tatlong araw.



Setting Into The Horizon (Painted Colors Series 1) ON HOLD Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin