ms11

9 0 0
                                    

11

---


Isang lingo pagkatapos ng pagkakahuli sa ama ay siya namang pagkakabunyag sa ginagawa ng aking ina sa mga panahon na wala siya. Ang pagkakaalam ng lahat na nagtatrabaho siya para sa kaniyang pamilya ay hindi na pala.


Pareho sila ni Papa. Pareho sila ng ginagawa. Pareho nilang pinagtaksilan ang isa't-isa. Pareho nila kaming sinaktan. Ang batang isip ko noon ay nasaksihan kung paano sila magsumbatan at kung paano kaming pinapili na magkakapatid kung kanino sasama sa kanilang dalawa... na nauwi sa pang-iiwan nila at pananatili naming tatlo kay Lola Klarisa Celestina. Ang ina ni Mama. Ang mahinang si Lola. Kaya sa murang edad ay natuto akong magtrabaho sa isang gallery.


Hindi pa tumutuntong sa hustong edad ay kumuha na ng trabaho habang nag-aaral. Ako ang katulong ni Lola Klarisa sa pagbuhay sa aming lahat. Ang batang katawan at isip ay natutong isantabi ang pag-iyak dahil sa gutom at kawalan ng pera. Gumawa ng paraan upang hindi umasa sa matandang mahina na.


Sa edad na 12 taong gulang, natuto akong gumawa ng portrait gamit ang charcoal at graphite dahil sa may-ari ng gallery na pinagtrabahuhan ko noon. Isa siyang artist, photographer at painter. Sa tuwing masisilayan ako ng mga tao sa loob ng gallery niya ay ipinapakilala niya akong pamangkin upang protektahan ako. Ayokong mapaalis sa trabahong iyon kaya nakiusap ako sa kaniyang iyon ang idahilan upang hindi siya kwestyunin ng mga tao.


Sa pagkakatuto sa pagguhit, dahil sa panonood sa amo sa mga libreng oras, ang gawa ko ay maligayang inilagay ni Ms. Renielle sa gallery niya. Masaya niya akong pinuri at ang gawa ko. Hindi ko akalaing ang paglalagay niya ng portrait ko sa kaniyang art gallery ay siyang simula ng pag-ibig ko sa arts. Ang makitang nakahanay sa mga gawa ni Ms. Renielle ang portrait ng lobong matalim ang titig ay kumabog ng malakas ang dibdib ko.


It's mine. It's my work.


Simula noon ay hindi na lang ako tagalinis sa art gallery ni Ms. Renielle, tinulungan niya akong hasain ang galing sa pagguhit at kahit sa pagpinta. Tumulong rin siya upang maibenta ang mga gawa ko. Ang kinikita ko ay buo niya sa aking ibinibigay. Simula noon ay hindi na kami kinukulang ng pagkain sa bahay.


Apat na taon ako sa art gallery ni Ms. Renielle. Iyon nga lamang at natigil ang trabaho ko dahil liipat na siya ng ibang bansa para sa malaking oportunidad na dumating sa kaniya. Umiiyak siya ng nagpaalam sa akin noon habang ako ay parang nakalutang na nakatitig sa kawalan habang pinapanood siyang umalis. Iniwan niya rin ako. Pero ganoon nga siguro ang buhay.


Hindi ako nasaktan noong umalis siya. Parang wala akong naramdaman habang pinapanood siyang lumalayo. Siguro ay kaya ganoon ay wala nang makakatalo sa naramdaman ko noong magkasunod akong iniwan ng mga magulang. Iyong kitang-kita ng dalawang mata ko. Kaya itong paglisan ni Ms. Reniella... I felt nothing but numbness.


Sa huling pagkakataon ay nilingon ko ang art gallery na ngayon ay tuluyan ng sarado. Linggo ng hapon, lumulubog na ang araw at nakaalis na rin si Ms. Renielle ngunit nanatili ako roon, nakatitig sa kabilang street na purong ricefields. Ang kulay kahel na langit ay sumasabog sa kalangitan. Ang dilaw na sinag ay tumatama sa aking mukha habang pinagmamasdan ang saradong gallery. Ang buhok ay bahagyang sumasayaw sa indayog ng panghapon na hangin.

Midnight SoundsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon