CHAPTER EIGHT

2.2K 54 4
                                    


SA HAPUNAN nang gabing iyon ay sila lamang ni Lola Benita dahil muling umalis si Lotti. Kulang na lang ay iisang samsam ang gawin niya sa mga pinagkainan nila sa mesa na kung tutuusin ay wala naman halos siyang nagalaw.

"Sinusumpong ako ng rayuma, Madeline. Gusto kong matulog nang maaga."

Isang maluwag na paghinga ang pinakawalan niya. "Ako na po ang bahala sa mga ligpitin,Lola. Pagkatapos kong maghugas ng pinagkanan ay matutulog na rin po ako."

May kalahating oras ang pinalipas niya pagkatapos pumanhik ang matanda sa silid nito sa itaas. Sa kusina sa likod siya nagdaan upang hindi marinig ni Lola Benita ang pagbukas niya ng pinto. Ang silid nito'y nasa tapat mismo ng pinto sa sala. Sa likod-bahay na rin siya nagdaan paalis sakay ng bisikleta niya.

Hindi niya alam kung saan siya patungo. Hindi rin niya alam kung tama ang ginagawa niya. At kung bakit niya ginagawa iyon. Ang tanging alam niya'y kinatatakutan niyang baka masaktan ni Dante at ng mga barkada nito si Keith.

Gamit ang bike ay para siyang lokang tinungo ang mansiyon ng mga Montecillo. Mula sa kabilang daan ay sandali niyang pinagmasdan ang puting mansiyon. Tila ito hari na nakatayo sa isang nakataas na lugar at nakatunghay sa nasasakupan nito. Its grandeur awed Madeline. But given a choice, gusto pa rin niya ang bahay-Kastila sa burol.

Sinikap niyang silipin sa pagitan ng mga siwang sa bakod ang loob ng bakuran. There was nothing unusual. Pero wala sa garahe ang convertible ni Keith.

Lalo na siyang kinabahan nang mapunang wala rin doon ang kotseng ginagamit ni Dante. Panay ang usal niya ng panalanging sana'y hindi nagpang-abot ang dalawa at ang kani-kanilang barkada. Dinaanan niya ang ilang hangout ng mga taga-SIC na maaaring puntahan ni Keith at ng mga kaibigan nito. Pero hindi niya natatanaw ang convertible nito sa alinmang parking lot.

Tuloy siya sa pagbibisikleta. Ni hindi niya alintanang walang ilaw sa daang tinatahak niya. Ang tanging tanglaw niya'y ang liwanag na nagmumula sa buwan. Na kung may masasamang taong makakita sa kanya sa dilim na iyon ng gabi sa isang maliit na kalsada'y baka napahamak na siya.

Ang nagpapalakas ng loob niya'y ang katotohanang hindi maraming tao ang mangangahas na magtungo sa pribadong daan na iyon. Lalo at hanggang sa mga panahong iyon ay naniniwala pa rin ang marami na haunted ang lumang bahay-Kastila. Pangalawa'y wala pang ganoong uri ng krimen ang napapabalita sa San Ignacio o sa karatig-bayan man.

Bagaman muntik na siyang maging biktima, ikinakatwiran niyang hindi taal na tagaroon si Dante kundi dayo lamang kasama ng ina nito.

Malayo pa siya'y naaninag na niya ang gold yellow Camaro ni Keith sa paanan ng burol. Isang maluwag na hininga ang pinakawalan niya. Bumaba siya sa bisikleta at basta na lang iyon binitiwan sa damuhan. Tumingala siya sa itaas. May natanaw siyang aandap-andap na liwanag sa loob ng lumang bahay.

Nagmamadali niyang pinanhik ang mga apakang bato. Humihingal na siya pagdating sa itaas. Itinukod niya ang mga kamay sa tuhod at sandaling nagpahinga at pinuno ng hangin ang baga. May kalahating oras din siyang nag-bike at nagpaikut-ikot mula sa mansiyon ng mga Montecillo at sa bayan hanggang doon.

Tinungo niya ang dalawang panel na pinto. "Keith..." she called. Dahan-dahan niyang itinulak pabukas ang isang panel ng pinto.

Una niyang natanaw ang candelabra sa ibabaw ng parihabang mesa. Ang anino ng apoy niyon ay sumasayaw-sayaw sa dingding. Then she gasped when she saw him. Nakaupo ito sa sahig. He was naked from the waist up. Ang jacket at polo shirt nito'y basta na lang nakahagis sa baldosa. Sa kanang kamay ay isang bote ng beer. Sa sahig ay dalawang boteng wala nang laman at isang puno pa.

Sweetheart 17: Someone To Watch Over MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon