Chapter Twenty-five

1.3K 35 0
                                    

TINAPOS lang ni Alexa ang kanyang ginuguhit saka siya nagtungo sa opisina ni Roger. Nagulat siya pagdating niya ay nakita niya si Franco na nakaupo sa silya katapat ng lamesa ng daddy nito.

"Maupo ka, hija," alok ng ginoo.

Umupo naman siya sa silyang katapat ni Franco. Kakaiba ang aura nito. Napakadilim at sobrang seryoso.

"Katatapos lang naming mag-usap ni Atty. Sandoval. Hindi na niya kayo nahintay na dalawa kaya ako na lang ang kinausap niya. Tungkol iyon sa mana. Sinabi niya na sa katapusan ng buwan na ito ay kailangan nang mailipat sa pangalan ng magmamana ang mga ari-arian ni Papa," sabi ni Roger.

Kinabahan si Alexa. Dalawang linggo na lang ay katapusan na ng buwan. Wala man lang naging komento si Franco. Tahimik lang ito.

"Huwag na tayong mag-aksaya ng panahon. Kailangan maikasal na kayo ni Franco nitong linggong ito," patuloy ng ginoo.

Hindi siya kumibo. Hinayaan niyang si Franco ang magsalita.

"Hindi pa puwede nitong linggo, Dad. Meron pa akong kailangang ayusin," ani Franco.

"Pero wala na tayong panahon, Franco. Inuuna mo kasi ang trabaho mo sa labas kaya lalo tayong nagagahol sa oras! Nagiging pabaya ka kaya hindi mo alam kung ano ang nangyayari habang wala ka!" nanggagalaiting sabi ni Roger.

Marahas na tumayo si Franco. "Ako ang ikakasal kaya ako ang masusunod. Hayaan n'yo akong mag-ayos ng lahat. Mag-uusap lang kami ni Alexa," anito.

Walang nagawa si Alexa nang hawakan ni Franco ang kanang kamay niya saka siya hinila. Napasunod siya rito hanggang sa labas. Huminto sila sa beranda ng third floor. Marahas na binitawan nito ang kamay niya.

Nagtataka siya sa kilos nito. Nagkunwari siyang hindi apektado.

"Akala ko next week ka pa uuwi," kaswal na sabi niya.

Marahas siya nitong hinarap. "Bakit, nasorpresa ka ba?" masungit na tanong nito.

"Ah, h-hindi ka kasi nagpasabi," naiilang na sabi niya.

"Surprise nga 'di ba? Paano mo malalaman kung busy ka habang tumatawag ako? Kumusta naman ang bakasyon mo sa Tagaytay?"

Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Kinakabahan siya sa kakaibang timbre ng boses nito na parang nagpipigil ng galit.

"Ahm, okay naman. Nag-enjoy naman ako kahit wala ka," balisang sagot niya.

"Of course dahil kasama mo si Gaizer. Kumusta naman siya sa 'yo?"

"Kuwan, okay naman. Mabait naman pala siya."

Tumawa nang pagak si Franco. "Ngayon ko lang nalaman na may mabait palang ahas," sabi nito sa matigas na tinig.

Hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ng binata. "Nagkasama lang naman kami dahil sa project," pilit niyang pagkakaila.

"Please, huwag na tayong maglokohan, Alexa!" asik nito na ikinagulat niya. "Huwag kang magsinungaling sa akin. Alam kong hindi lang proyekto ang nag-uugnay sa inyong dalawa ni Gaizer," mataas ang tinig na sabi nito.

Napalunok siya. "Nagkakamali ka sa-"

"Tama na!" singhal nito, nanggagalaiti. "Magsisinungaling ka pa, eh. Kitang-kita ko kayong dalawa kanina sa lodge ninyo na nagtatalik! Hindi ako tanga para hindi malamang mukhang kabisado na ninyo ang isa't-isa!"

Nangatog siya sa sindak. Binalot ng kaba ang puso niya. Naroon ang pagtataka bakit kailangang magalit nang ganoon ni Franco samantalang wala naman silang malalim na pinagsamahan. Naunahan ng pagkabalisa ang guilty na nadarama niya. Sa halip na magpasindak ay tumapang siya.

Obsession 1, Owning Her (Complete) Under EditingWhere stories live. Discover now