Chapter Fourteen

15.1K 411 9
                                    

NAKAHIGA sa buhangin si Lola Amara habang suot ang mamahalin nitong sunglasses. Nilapitan ito ni Alexa at tinabihan. Palubog na ang araw kaya hindi na niya kailangang magsuot ng salamin.

"Gawain ko ito noong kabataan ko. Palagi akong tumatambay sa dalampasigan at pinapanood ang paglubog ng araw. Sa tuwing nalulungkot ako, makikita ko lang itong dalampasigan ay masaya na ako," kuwento nito.

"Dito po ba kayo lumaki sa Tagaytay?" usisa niya.

"Oo. Katunayan ay nakilala ko si Lucio sa resort."

"Wow! Paano po kayo nagkakilala?" Nasabik siyang makinig sa kuwento ng matanda.

"Mayroong resort ang mga magulang ko rito noon. Guest namin siya noon. Napakasuplado ng taong iyon. Marami siyang complain sa kuwarto maging sa pagkain. Ako ang manager ng resort noon kaya ako ang humarap sa kanya para ayusin ang complain niya. Pero kahit masungit siya, isang ngiti niya lang ay napapawi ang pagod at inis ko. Hanggang sa niligawan niya ako. Pero bago ko siya sinagot, nakipaghiwalay muna ako sa nobyo ko. Hindi ko alam noon na buntis ako sa ex ko. Inilihim ko iyon kay Lucio. Noong ikinasal na kami ay saka ko inamin sa kanya na hindi siya ang ama ng ipinagbubuntis ko. Nagalit siya sa akin pero kalaunan'y natanggap din niya si Roger na anak ko," kuwento nito.

Nawindang si Alexa. Napaupo siya bigla at hinarap ang matanda. "Ang ibig n'yo pong sabihin ay hindi anak ni Sir Lucio si Sir Roger?" kumpirma niya.

"Oo. Isa iyon sa palaging pinagtatalunan namin. Alam ko kahit tanggap ni Lucio si Roger ay hindi pa rin nito magawang ibigay ang patas na pagmamahal sa kanila ni Hector. Hindi ko naman siya masisi. Naawa ako noon kay Roger dahil palagi siyang nanlilimos ng atensiyon at pagmamahal kay Lucio. Kaya nagsikap siya at pinatunayan kay Lucio na karapat-dapat siyang maging anak. Alam ni Roger na anak ko siya sa labas, maging ni Hector. Pero sabi nga, iba pa rin ang lukso ng dugo," malungkot na kuwento nito.

Nababag ang damdamin niya sa natuklasan. "Ahm, alam po ba ito ni Franco at Gaizer?" aniya.

"Alam ni Gaizer pero hindi alam ni Franco. Ayaw kong ma-disappoint si Franco kaya wala akong ikinukuwento sa kanya tungkol doon. Mabait na bata si Franco at may malasakit. Ang gusto ko lang naman ay magkasundo ang mga apo ko."

Napalingon siya sa puwesto nila Aleng Lucy nang marinig niya ang tinig ni Gaizer. Naroon na ito at tumutulong sa pag-ihaw. Habang unti-unti niyang natutuklasan ang personal na buhay ni Gaizer ay tila unti-unti ring gumagaan ang loob niya rito. Gusto pa niya itong makilala nang lubusan nang matigil na ang bumabagabag sa kanya kaya siya naiinis dito.

"Meryenda na po!" anunsiyo ni Aleng Lucy.

"Pumunta ka na roon, hija. Magmeryenda ka na," udyok ng matanda.

Tumayo naman siya at lumapit sa ihawan. Nakaluklok si Gaizer sa inilatag niyang bandana habang kumakain ng hotdog. Natakam siya nang makita niya ang iniihaw na mais at binalatang manibang saging na saba. Hinakot naman ni Aleng Lucy ang ibang nalutong manok at hotdog. Dinala nito sa puwesto nito sa 'di kalayuan kung saan nakatambay si Kristel at nagmamasid sa alaga nito. Hindi na bumalik si Lolo Rick matapos silang tulungang mag-ayos ng ihawan.

Kinuha niya ang natitirang hotdog sa grill. Pinahiran niya ito ng ketchup. Tinawag niya si Aleng Lucy na hindi pa nakakalayo.

"Ate Lucy, pahingi ng mais, ah!" aniya.

Huminto ang ale. "Naku, kay Gaizer 'yan!" sabi nito saka nagpatuloy sa paglalakad.

Hindi siya nakakibo. Tiningnan niya si Gaizer. Naubos na nito ang kinakain. Gumuhit ito sa buhangin gamit ang barbecue stick ng imahe ng babae. Nahihiya siyang abalahin ito para humingi ng mais. Amoy pa lang kasi nito ay naglalaway na siya.

Obsession 1, Owning Her (Complete) Under EditingWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu