PROLOGUE

2.7K 56 3
                                    


HUMINTO ang isang mamahaling Chevrolet van sa mismong harap ng entrance ng isang six-storey building. Pinanatili ng driver na buhay ang makina ng van.

Nilingon ni Mrs. Montañez ang manugang na si Karla na dinaanan nito mula sa clinic ng ob-gyn niya.

"Are you sure you can take the long hour drive, Karla?" tanong ni Mrs. Montañez sa manugang, who was heavy with child. Walong buwan ang nasa tiyan niya. "Baka matagtag ka sa biyahe."

Ngumiti si Karla at sinulyapan ang sister-in-law na si Annie. Ang asawa niyang si Kiel at ang asawa nitong si Luke ay magpinsang-buo. Katabi nito sa upuan ang limang taong gulang na anak na lalaki. Nasa mukha rin ni Annie ang pag-aalala.

"Baka mapaanak ka nang wala sa oras niyan..." wika nito.

"I'll be fine," paniniyak ni Karla, nakangiti at hinahaplos ang tiyan. "Para namang hindi ako sanay sa biyahe pauwi ng Capistrano."

"Oo naman," patuloy ni Mrs. Montañez. "Pero hindi sa kalagayan mong iyan. Sana'y sumabay ka na lang kina Kiel at Luke sa yate kahapon."

"'Ma, kailan ba naman ako sumakay sa yate. Pakiramdam ko'y lagi akong naduduwal at nahihilo. Kung sumabay ako'y alalahanin pa ako ni Kiel, eh, may mga bisitang ini-entertain ang dalawang lalaking iyon."

Hindi na kumibo si Mrs. Montañez at tinanaw ang asawang si Enrico palabas ng Montañez building kasama ang kapatid nitong si Alfonso at ang asawang si Harriet.

"Everybody's here?" nakangiting sabi ni Enrico at nilibot ng mga mata ang kabuuan ng van. "You're doing fine, Karla, hija?"

"Yes, Dad," sagot niya sa biyenang lalaki.

Pumuwesto na rin ang mag-asawang Alfonso at Harriet. Habang daan ay walang pinagku-kuwentuhan ang magkapatid na Enrico at Alfonso Montañez kundi ang isang multimillion joint venture project with Japanese businessmen na nakatakdang mangyari.

Ang anak ni Annie ay nilalaro ang 15-inch tall na si Optimus Prime, transforming the robot into battle vehicle.

Tahimik ang mahabang oras na biyahe patungong norte. Huminto lamang sila upang mananghalian sa Fort Ilocandia. Pagkatapos ay sandaling namili sa duty free ng hotel at muling nagpatuloy sa biyahe.

"You aren't tired?" si Annie kay Karla, a bit concerned.

"Just a little," nakangiting sagot niya. "But nothing to worry. I feel comfortable." Inihilig nito ang ulo sa headrest at wala sa loob na ikinabit ang seat belt.

For hours ay walang maririnig kundi ang diskusyon ng magkapatid na Enrico at Alfonso at ang manaka-nakang pagtatanong ng mga asa-asawa at ang banayad na halakhakan. Everybody was excited for the forthcoming project. Nauna na sa Montañez Ranch ang tatlong Hapones na makakasosyo nila sa multimillion project.

Natahimik ang magkapatid makalipas ang ilang oras at tila naiidlip na rin. Ang dalawang matandang babae'y kanina pa nakatulog. Ganoon din si Annie at ang anak nito.

Si Karla ay nanatiling gising. Hindi niya matiyak kung bakit gising siya. Karaniwan na'y itinutulog niya ang buong biyahe patungong Rancho Montañez. She didn't feel well but she knew it had nothing to do with the baby inside her. She couldn't explain.

Dinama niya ang tiyan. Hinaplos-haplos. Walang sawa hanggang sa makarating sila sa mataas at matalim na mga kurbada sa bahaging iyon ng daan. Malapit na iyon sa Marcos Bridge patungong Cagayan. Pinagsawa niya ang mga mata sa pagtingin sa karagatan at sa matarik na bangin. The sea usually had a balming effect on her. Subalit hindi sa pagkakataong iyon.

All-Time Favorite: Kiel Part 1 & 2Where stories live. Discover now