Luhang Tag-Ulan

7 2 0
                                    


“Kasabay nang pagbagsak ng tubig-ulan ay dala nito ang alaala at pagsamo ng ating nakaraan.”

Wala akong planong ungkatin ang nakaraang nakatali sa ating dalawa. Ni kahit sino sa atin ay walang nais balikan iyon. Marahil ay dala-dala nito ang pangakong nasira at ang kirot na patuloy gumuhit sa ating mga dibdib. Kasabay ng lahat ng ito ay ang pagtangis ng kalangitan, saksi ito sa kung paano tayo masakop ng lumbay.

Lumuha ang kalangitan, at lumuha tayong dalawa. Kapwa tayong nasaktan habang naging musika natin ang bawat pagpatak ng mga hibla ng ulan. Sa mga panahong iyon, naramdaman ko na nakikiayon ang panahon sa ating paghihinagpis. Nasaksihan nito kung paano tayo malunod sa sarili nating mga luha.

Kaya't sa tuwing ang kalangitan ay tumatangis, hinihiling ko na huwag manumbalik ang alaalang hindi ko nais pang bumalik. Ito na ang huling beses na hindi ko na muling mararamdaman ang nakalalason at mapanlaro mong halik.




---------------------------------
Isinulat ni Sapantaha

PIECE OF MINDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon