Padaplis na Pagtingin

9 1 0
                                    

“ Bakit ang iyong lihim na pagtingin ay pilit mong pinapadaplis sa hangin?”

Sa laro ng pag-ibig. Bakit mas pinipili mong ipadaplis sa hangin ang iyong nararamdaman. Bakit pilit kang lumiliko sa daan ng katotohanan? Marahil ay hinihintay mo ang paghudyat ng aking kamay. Ang mga kamay kong magiging senyales upang pagsinta mo ay aking mahawakan. Walang panubali kung ikaw ay natatakot na malayo sa kinang ng bituin ang ninanais mong kasagutan. Walang  pagkakamali kung ikaw ay natutuliro sa habag at kaba na iyong nararamdaman.

Karaniwan lamang sa isang tulad mo ang maramdaman ang bugso ng damdamin, subalit pilitin mong huwag ipadaplis sa hangin ang iyong pagtingin. Mapalad ka, at ang pagtingin mo'y marangal. Ngunit mas mabibigyan ng saysay ang iyong nararamdaman, kung kalalabanin mo ang hanging hadlang sa iyong lalakaran.

Kung nababatid mo ang ating dating tagpuan, naroon ako't nakasalampak sa damong luntian. Sasalubungin kita ng may ngiti sa aking labi at sasaluhin ko ang iyong kulay rosas na pag-ibig.





-------------------------------
Isinulat ni Sapantaha

PIECE OF MINDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon