Girlfriend

246 8 5
                                    

Girlfriend

Isinulat ni Aymadrimer


Iritang-irita ako dahil sa pagiging sardinas sa loob ng dyip. Masikip na nga, nagpapapasok pa ang drayber. Mukha na akong naliligo sa sarili kong pawis. Ibig ko nang makawala sa lugar na ito, ngunit sa isang iglap ay bigla na lang nagbago ang aking nais.

Nakita ko kasi na papasok sa sasakyan ang mga pasahero na pinapangunahan ng isang guwapong lalaki. Inaalon-alon pa ang bangs nito kasabay ang pag-alon ng aking puso. Napakabagal ng oras habang naglalakad siya, ngunit tuluyan nang tumigil ang pag-ikot ng mundo nang tumabi ito sa akin.

Lumipas ang ilang minuto at huminto na naman ang dyip. Nagpasakay na naman ito ng mga pasahero. Isang matandang babae ang umupo sa tapat  namin. Tumingin ito sa lalaking katabi ko. "Mister, puwedeng kandungin mo na lang ang nobya mo?" tanong niya. Hindi ko akalain na tatanungin niya iyon. Namula tuloy ang pisngi ko.

"Sige po," sagot ng katabi ko. Tuluyan na akong natunaw sa kinauupuan ko. Bumilis ang kabog ng dibdib ko. Hindi ako makahinga sa kilig. Bakit niya kasi hinayaan na tawagin akong nobya niya? May gusto ba siya sa akin? Na-love at first sight ba siya? Kung oo, sa tingin niya ba kaya niya akong kuhanin nang kay dali lang?

"Sorry po, Ale, pero hindi niya po ako nobya," kinikilig kong sagot. Hindi ko makuhang tumingin sa katabi ko dahil sa pamumula ng mukha ko. Kung gusto niya ako, puwede niya naman akong tanungin kung puwede ako ligawan. Papayag naman ako. Huwag lang 'yong ganitong biglaan.

"Babe, kandong ka na," utos ng lalaki sa akin. Naramdaman ko pa ang init ng hininga niya sa batok ko. Hindi ko na kaya. Kinikilig na ako nang sobra. Kaya tuluyan na akong lumingon sa kaniya nang pagkatamis-tamis ngunit agad iyong napalitan ng pagtataka nang makita kong may babaeng nakakandong sa kaniya.

"Sino siya?"

"Girlfriend ko po, Miss."

#KarakathaGirlfriend

KarakathaWhere stories live. Discover now