Putahe

176 5 1
                                    


Putahe

Isinulat ni Aymadrimer

Walang sisidlan ang tuwa ni Aling Bebang nang malaman niyang naging matagumpay ang negosyong karinderya ng kaniyang anak na si Maria. Kakaumpisa pa lamang nito sa pagnenegosyo ay kagyat na siyang umasensyo. Talagang ipinagmamalaki niya ito dahil sa kahusayan sa pagluluto na namana sa kaniya.

Dahil sa lubos na kagalakan, napagdesisyunan niyang sorpresahin si Maria. Dagli siyang lumuwas ng Maynila upang bisitahin ito sa kabila ng kakulangan sa salapi. Nang makarating, napatunayan niyang asensado na talaga ang anak dahil sa kasikatan nito sa lugar at sa rami ng taong dumadagsa upang makabili lamang sa karinderya. Nakipagsiksikan pa ito upang makita nang malapitan ang dalaga at ang produktong ipinagmamalaki niya.

Sa ibabaw ng lamesa na nakaharap sa mga nagkikislapang mata at mga nagkakarerang kamay, naroon ang hinahanap ni Aling Bebang. Ang kaninang abot langit na ngiti ay mabilis na bumagsak nang makita ang putahe ni Maria — ang kaniyang gumigiling na katawan. Mainit. Masarap.

#KarakathaPutahe

#SobrangShortStories

KarakathaWhere stories live. Discover now