Hapdi

45 3 2
                                    

Hapdi

Isinulat ni Aymadrimer


"Ate, bilyan mo ku ayts krim!"

Tulad ng panahon, ganoon din ang init na naramdaman ng dalaga nang pinisil ng kaniyang bunsong kapatid ang kamay niya. Inaapoy ng lagnat si Bok at hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Kanina pa ito umiiyak.

Kinapa niya ang kaniyang bulsa at kinuha roon ang kaniyang kalupi. Binuksan niya ito at tumambad sa kaniya ang tatlong limampiso na sapat lang para sa kaniyang pamasahe papuntang trabaho. "Bok, walang pera si Ate e. Mamaya, bibilhan kita. Uminom ka na lang muna ng tubig tapos magpahinga. Aalis na ako," aniya at linapit ang labi sa noo ng kapatid. Tulad ng araw, ganoon din ang init ng halik na binigay ng dalaga kay Bok. Gusto niyang iparamdam dito kung gaano niya ito kamahal. Gusto niya sanang manatili sa tabi nito ngunit sayang ang kikitahin niya. Pambili na rin ito ng makakain nila sa loob ng isang linggo.

Tuluyan nang nakaalis ang dalaga. Tulad ng temperatura ng kapatid, nakakapaso rin ang init na dumadampi sa kaniyang balat habang naglalakad. Matindi ang sikat ng araw, ngunit wala siyang pakialam. Wala siyang pakialam kung mangitim siya, kung pumangit, o ano mang sabihin ng iba sa kaniya. Gagawin niya ang lahat para sa kaniyang kapatid. Gagawin niya ang lahat.

Sanlibong piso, ito ang kikitain ng dalaga na ginagawa niyang motibasyon habang nasa kalagitnaan ng trabaho. Hirap na hirap na siya. Kasabay ng pagtulo ng kaniyang pawis ay ang sabay-sabay na pagtulo ng kaniyang luha. Tulad ng init ng tag-araw, ganoon din nagliliyab ang kagustuhan niyang maiangat ang buhay nilang magkapatid.

"Ahhh!" ungol ng dalaga dahil tulad ng hangin na dumadampi sa kaniyang mukha, ganoon din ang init ng labi na nasa pagitan ng kaniyang dalawang hita.


#KarakathaHapdi

KarakathaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon