TDEW 2: Misha's New World

4.5K 109 30
                                    

MALAWAK na pasilyo ang bumungad kay Misha nang tuluyan silang makapasok sa loob ng Federal Viper Group. Napakalaki ng receiving area at gawa sa purong makakapal na transparent glass ang buong gusali.

Ito na ang magiging tahanan niya simula ngayon. Mahigpit ang seguridad sa buong tanggapan at nasisiguro niya ang kanyang kaligtasan.

Halos lahat ng mga taong nakikita niya sa loob ng gusali ay mga nakasuot ng pare-parehong uniporme. Kulay abuhing pantalon, leather jacket na hapit sa katawan, at lahat ay may nakalagay na logo-bibig ng ahas na may apat na matutulis na pangil. Nakalagay iyon sa kaliwang dibdib nila.

"Uy... Cool! Gusto ko rin ng ganyang mga costume. Nirerentahan ba 'yan? SD? O libre?" parang batang tanong niya sa dalawang kasamang sina Rod at Nagi.

"Libre," tipid na sagot ni Nagi.

"Gusto ko rin! Magkakaroon din ba ako?"

Naitirik ni Nagi ang mga mata na para itong nagbabantay ng maliit na paslit na walang kasing kulit. Pinili nitong huwag nang sagutin pa ang kanyang tanong. Ganoon din si Rod na napapangiti't napapa-iling na lamang sa kanya.

Nagpatuloy sila sa paglalakad at diretsong tinungo ang isang mahaba't paikot-ikot na salaming hagdan paakyat sa ikalawang palapag. May kataasan din iyon kaya bahagya siyang nalulula tuwing mapapagawi ang tingin niya sa ibaba.

Dahan-dahan siyang naglalakad at mahigpit ang kapit sa railings ng hagdan. Pakiramdam niya'y mahuhulog siya o madudulas kung hindi siya kakapit ng mabuti. Kaya naman sinisikap niyang huwag mapatingin sa ibaba.

"Naku naman! May galit ba sa mahihiluhing tao ang may gawa ng hagdanan na 'to? Jusko!" reklamo niya. Totoong nahihilo siya sa desinyo ng hagdanan. Hindi na iyon acting o pagkukunwari. Kahit noon pa man ay may phobia na talaga siya sa matataas na lugar lalo na ang makita ang nasa ilalim ng kanyang tinatapakan.

Sa kalbaryong nilalakad ni Misha ay mayroon silang nakasalubong na isang lalaki. Mula ito sa itaas at may hawak na isang tasa ng kape. Abot balikat ang itim at kulot nitong buhok na bumagay sa suot na makapal na salamin sa mata. Nakasuot din ito ng unipormeng kapareho ng lahat. Sa tantiya niya'y mukha itong computer nerd na malapit na sa trenta ang edad.

Nakuha nito ang atensyon ni Misha kaya hindi niya natiis na hindi ito pansinin.

"Hi! Kumusta ka?" magiliw niyang bati sa lalaki nang marating nito ang baitang na kinaroroonan niya.

Bagamat nabigla ang lalaki'y sandali itong huminto at pumihit paharap sa kanya. Naguguluhan itong ngumiti at tila hindi inasahan ang kanyang pagbati. "M-mabuti naman... Ikaw?"

Binigyan niya ito ng isang matamis na ngiti. "Heto, mabuti rin naman. Hmmm... magaling na!"

"A-ah, mabuti kung gano'n," ngingiti-ngiting sagot nito. Halatang naguguluhan pa rin ang lalaki sa kanya at nawiwirduhan. Hindi siya kilala ng lalaki at lalong wala itong ni katiting na alam tungkol sa kanya.

"Saan ka galing?" mayamaya'y out of the blue na tanong ni Misha may mapag-usapan lang upang libangin ang sarili.

"A-ah... Sa p-pantry? Kumuha lang ng kape," nakangiwing sagot nito't bahagya pang itinaas ang kamay na may hawak na tasa ng kape.

"Oh..." Tumango-tango siya. "Enjoy your coffee then!"

"Sure..."

Nagsimula na rin siyang maglakad nang makitang naiiwan na siya ng dalawang kasama.

"Nga pala, ako naman galing mental hehe," pahabol pa niya bago tuluyang tumalikod at hinabol ang dalawang kasama.

Malapad din ang kanyang pagkakangiti na tila ba proud pang ipangalandakang nanggaling siya sa rehabilitation center.

The Dangerous Ex-WifeWhere stories live. Discover now