Chapter 3: Ang Kaso ng Mga Nawawalang Tao

3.6K 255 6
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Mainit na sa labas kung kaya't hindi isinuot ni Andy ang kanyang leather jacket at naka-short sleeved na polo lamang. May ilang minuto rin siyang naglakad patungo sa Rizal Park mula sa public parking area, at siya'y pinagpawisan. May mailan-ilan na taong nagjo-jogging, ang iba naman'y nagbibisikleta, o nagpapalipad ng papel na ibon na may lastiko. May mga magkasintahan, legal o hindi, na dito nagtatagpo, mayroon namang mga istambay lamang, abala sa cellphone at nag-uubos oras.

Inabutan ni Andy na naghihintay sa park bench, sa lilim ng puno, ang unipormadong si Colonel Laxamana. Na-ispatan agad ni Andy ang military bodyguard nito na umaaligid sa hindi kalayuan.

"Andy! Pare!" masayang tawag ng colonel na tumayo para kamayan siya. Ka-edad ni Laxamana si Andy at may puti na ring buhok. "Tagal nating 'di nagkita ah!"

"Ano bang maipaglilingkod ko, colonel?" nakangiting sabi ni Andy.

"Pare, tigilan mo na 'yang colonel," saway ng militar habang sabay silang naupo sa park bench. "Batchmates tayo. Nagkataon lang na retired ka na at ngayon ay isa ng..."

"Private Investigator," sabi ni Andy at nagbiro. "'Wag mo kong maliitin, pare ha. Magandang raket ito."

"Oo naman, pare," hayag ng colonel. "At itong trabaho mo..."

"Basically, surveillance, background check, infidelity check," ani ni Andy, at napangiti, "...alam mo na, mga nangangaliwang asawa."

Napangiti rin si Colonel Laxmana at dugtong nito, "And Missing Persons."

"Kadalasan," kumpirma ni Andy. "Ito ba ang papatrabaho mo? Ano ito, sundalong nag-AWOL?"

"Special case ito. Nirekomenda kita sa HQ," sabi ng colonel.

"Special case?" kunot-noo ni Andy.

Biglang nagsiryoso ang mukha ng colonel, pagka't alam niyang magre-react si Andy sa susunod niyang sasabihin. "May insidente sa Quezon Province," aniya. "Sa bayan ng Callejon."

Gulat na napaindak ng ulo si Andy.

"Callejon? Sinong nawawala sa Callejon?"

Hindi agad sumagot si Laxamana. Huminga nang malalim bago sinabi, "Lahat sila. Lahat ng mga mamamayan."

Hindi agad naka-react si Andy. Wala siya sa mood para sa mga jokes. Nguni't alam niyang hindi ito joke, lalo na't galing sa kaibigan na matagal na niyang hindi nakikita at isa pang military. Hindi siya makapagsalita, ang mukha niya'y nabitin sa isang shocked na reaksyon.

Kinuha ng colonel mula sa kanyang briefcase ang isang folder na may tatak na Top Secret, at ipinakita ang mga nilalaman niyon kay Andy. Mga litrato ng bayan ng Callejon na nagmistulang isang ghost town.

"Ang mga residente ng Callejon, San Gallego, Quezon Province, liman-daan at walong katao, isang araw, naglaho na walang kadahilanan. Disappeared without a trace," sabi ng colonel.

Nanlaking mga mata ni Andy. Hindi siya makapaniwala sa tinitignang mga litrato at paper reports.

"Paano maglalaho ang limang daang katao?" tanong niya.

"We don't know," sabi ng colonel. "Tatlong linggo mula nang mangyari ito, wala pa kaming kasagutan. Meron lang kaming theories."

Napatingin si Andy.

"At ang theories na ito?"

"Abduction," mariing sabi ni Colonel Laxamana. At tinignan ng diretso si Andy. "Extra-terrestrial."

Napanganga si Andy.

"Ang sinasabi mo ba'y...alien...alien abduction?"

Tumango ang colonel.

"Pare, naman. Siryoso ba ito?" hindi na napigilang sabi ni Andy. Marami na siyang kasong nahawakan sa career niya, mga kaso na kakaiba, may mga hindi kapani-paniwala, pero, ngayon lang niya na-engkwentro ang ganito. Alien Abduction. Parang pelikula lang. Pero, siryoso ang kausap niya, at alam niya ito.

"Nagbuo na ang Presidente at Joint Chiefs of Staff ng special task force," ulat ng colonel. "Joint forces ng military, NBI, National Security, at mga scientists."

Sa paligid, patuloy ang pagjo-jogging at page-exercise ng mga tao, lingid sa kanilang kaalaman sa pinag-uusapan ng dalawa. Isang kababalaghan na kalas sa ordinaryo nilang mga buhay. Saglit na napatingin si Andy sa mga tao sa paligid. Normal na nagumpisa ang kanyang araw, at heto't mayroon na nito. Dinukot niya ang kaha ng sigarilyo sa kanyang bulsa at sumubo ng stick, at ito'y sinindihan, bagama't alam niyang bawal sa park. Walang siyang pakialam, masita man sila'y kasama niya'y isang colonel. Kailangan niyang kontrolin ang kanyang tensyon.

"Isang buong bayan na nawawala," muni ni Andy habang bumuga ng usok. "Napaka-imposible. Ngayon ko lang narinig ito."

Nagsindi rin ng sariling sigarilyo si Laxamana.

"Ang tutoo, marami ng insidente na tulad nito ang nangyari sa iba't-ibang parte ng mundo," aniya, at kinuha ang isa pang folder sa kanyang briefcase. Classified reports na may mga litrato, at kanyang ipinakita iyon.

"1587, isang settlement sa Roanoke, na ngayon ay North Carolina sa Amerika. Kulang-kulang na 115 na mamamayan, naglaho na parang bula."

At inisa-isa pa niya ang iba.

"Hoer Verde sa Brazil, 1923, 600 katao, Lake Anjikuni sa Canada, 1930, 3,000 katao, ganon din nangyari sa Urkhammer, Iowa, at sa Ashley, Kansas, USA. Buong bayan kung saan ang lahat ng mga mamamayan ay basta na lamang nawala."

Nanlalaking mga matang tinitignan ni Andy ang mga reports.

"Galing na ako mismo sa Callejon," patuloy ng colonel. "Wala ni isang kaluluwa."

"Pero, paano?" kunot-noo ni Andy.

Nagbuntong-hininga ang colonel. Wala siyang sagot para doon. Nilapat niyang kamay sa balikat ng P.I. at sinabi, "I need your help, pare."

Mabagal na tumango si Andy. Alam niyang hindi niya ito matatanggihan.

"Kailan alis natin?" tanong niya.

"Papasundo kita bukas ng umaga," sagot ng colonel, relieved na pumayag ang kaibigan. "Basahin mo ang buong report. Pag-aralan mo. At tungkol naman sa bayad sa services mo, 'wag kang mag-alala, sisiguraduhin kong may malaki kang compensation."

Muling tumango si Andy.

"Good to see you, Andy," sabi ni Colonel Laxamana habang tumayo ng park bench.

Muli silang nagkamay at nagpaalam ang colonel kasama ang kanyang bodyguard. Pinanood silang umalis ni Andy habang sumandal sa upuan. Nagsindi siya muli ng sigarilyo habang ang isipan ay nalunod sa misteryong kanyang hinaharap. Ang bayan ng Callejon. Ang Bayang Naglaho. Ang malaking posibilidad na ito'y isang alien abduction. Pero, kung bakit sa dinami-dami ng bayan sa buong Pilipinas ay sa bayan pang ito?

Bakit sa bayan pa kung saan siya nanggaling? Kung saan siya ipinanganak?

Isang oras pa siyang naupo sa park bench bago siya nagdesisyon na umalis.

NEXT CHAPTER: "Bisita sa DIlim"

Ang Bayang NaglahoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon