Chapter 15: Press Release

2.9K 211 9
                                    

Isa pa sa malaking pinoproblema ni Colonel Laxamana ay ang media

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Isa pa sa malaking pinoproblema ni Colonel Laxamana ay ang media. Kapag balita na sangkot ang military at gobyerno, ay asahan mong mabilis pa sa alas-kuwatro, ay naririyan na ang mga reporters na naguusisa. Sila na malakas ang mga pang-amoy. Lalo pa't nalaman nila na naglagay ng blockade ang military sa buong bayan ng Callejon at na hindi nagpapapasok sa loob. Hindi sila titigil hangga't hindi makakuha ng scoop kung ano ba ang nangyayari.

Kung kaya't mariin na inatasan si Laxamana ng kataas-taasan, ng National Security Chief na ilihim ang nangyayari sa bayan ng Callejon. Isa itong matter of national security. Hindi dapat mag-leak ang nangyayari doon. Walang dapat makaalam sa naganap na alien abduction.

Pero, paano mo itatago ang isang buong bayan na hindi napapansin? Kahit na ang isang liblib na lugar tulad ng Callejon. Sa kalaunan ay lalabas at lalabas din ang balita.

"'Wag na 'wag mong papasukin. I'm on my way," mariing utos ni Laxamana kay Esguerra sa cellphone.

May usapan naman na sila nina Andy at Jang-Mi na magbabalik muli sa bahay ni Andy mamayang alas-dos ng madaling araw para subukang ma-kontak ang ama ni Andy. Marahil ito na ang inaantay nilang breakthrough sa kanilang imbestigasyon. Pero, ngayon kailangan muna nilang harapin ang media. Sumakay ang tatlo ng Revo at nag-drive sila paalis.

"Sinong media ba ito?" tanong ni Andy.

"Mga tauhan ni Marge," sagot ni Laxamana habang nagmamaneho. Umaga nang magpunta sila sa bahay ni Andy at ngayon ay patanghali na.

"Si Marge? Si Marge natin?" may sorpresa sa boses ni Andy, kilala niya ang nabanggit.

"Oo, pare."

Ang tinutukoy nila ay si Marge Valdes na dating reporter at ngayon ay Editor-in-Chief na ng isang pahayagan, at kapuwa nakatrabaho na nila dati, ikanga, back in the old days. Nakatrabaho ni Laxamana si Marge noong dalagang reporter pa ito noong 1979s. Panahon ni Macoy, nang i-cover nila ang pagsuko ng isang Japanese straggler sa Mindoro. Si Andy nama'y noong nagsisimula pa lamang siya bilang isang patrolman, sa isang mutual beneficial arrangement kung saan sila nagpapalitan ng mga impormasyon. Impressed ang dalawa na si Marge ang unang nakatunog sa balita.

Nang makarating ang Revo sa checkpoint ay nakita nila ang news van na hindi pinapapasok ng mga armadong sundalo. Naroon sina Esguerra at Diazon na nakikipagtalo sa matapang na babaeng news reporter na may kasamang photographer at driver. Bata-bata pa ang babaeng reporter na ipinadala ni Marge Valdes, pero may taglay itong tapang. Feisty lang.

Nagsibabaan sila ng Revo at agad na tumungo si Laxamana sa kaguluhan habang nagantay sa gilid ng Revo sina Andy at Jang-Mi.

"Colonel! Colonel!" sigaw ng babaeng reporter nang makita siya.

"Off limits ang area na ito. We have orders na bawal magpapasok," pagpigil ni Esguerra.

"Narinig mo si Tinyente, miss," sabi ni Laxamana habang papalapit.

"Roberta Fuentes, Manila Insider," pakilala ng reporter. "May clearance kami from Malacañang kaya padaanin n'yo kami!"

"Let me see your clearance," sabi ng colonel. Alam niya full well na hindi magbibigay ng clearance ang Malacañang dahil doon din mismo nanggaling ang order to supress the media.

Natigilan ang news reporter, wala siyang maibigay.

"Tinyente, paki-escortan paalis ang mga civilians," sabi ni Laxamana at sa reporter, "Pakisabi sa boss Marge mo, I said "hi."

Tumalikod si Laxamana at naglakad paalis.

"Colonel! Ilalabas ko ang istorya na ito whether you like it or not!" dare ng babaeng reporter. "Isang buong bayan na nawawala? Mahigit limandaang mga residente naglaho? UFO sa kalangitan? Tingin n'yo ba maitatago n'yo ito?"

Napahinto si Laxamana at tumingin pabalik.

"May karapatan ang mamamayan na malaman ang nangyayari dito!" sabi ng reporter.

"You want the truth?" sabi ni Laxamana na ikinagulat ng reporter. Makikitang pumuporma na ang photographer. "No camera, please," utos ng colonel sa kanya.

Tinapik ang photographer sa magkabilang balikat ng dalawang sundalo na armado ng armalite.

"Ingat, bro. Baka makursunadahan namin 'yang camera mo," bulong ng isang sundalo.

Dahan-dahang ibinaba ng photographer ang kanyang camera.

"Anong gusto mong malaman? Come on," ulit ng colonel sa reporter.

Lumunok nang malalim ang babaeng reporter. "A-anong nangyayari sa bayan ng Callejon? Ito ba'y mass abduction ng aliens? Judging sa presence ng military..."

"Corporal..." senyas ni Laxamana kay Diazon. "Paki-explain nga sa kanila ang nangyayari."

Napaindak si Corporal Diazon sa utos sa kanya. "Sir?"

"Go ahead, Corporal," udyok ng colonel. "Sabihin mo sa kanila kung anong nangyayari dito."

"L-lahat, sir?" Napalunok si Diazon.

"In detail," sabi ni Laxamana.

"I-in detail, sir?"

"Bingi ka ba, corporal?" inis na sabi ni Laxamana. "Go ahead."

"Ye...yes, sir..." sabi ni Diazon at sa kanyang isipan, bahala na. Utos eh. Inadjust niyang salamin sa mata bago nagsalita. "T-tama kayo, m'am, may possibility na alien abduction ito. Extra-terrestrial..." aniya sa reporter.

"Okay, alien abduction nga," paglaki ng mga mata ng babaeng reporter. "What else, corporal?"

"May paranormal activity din, ma'm," patuloy ni Diazon.

Tumaas kilay ng babaeng reporter.

"Paranormal activity?"

"Yes. May mga, uh, bangkay na nabuhay," sabi ni Diazon. "Gumapang palabas ng libingan nila. Pero, 'di pa namin sila nahahanap."

Tumaas na rin kilay ng photographer.

"Kaya may Private Detective kami para hanapin ang mga nawawalang bangkay." Tinuro ni Diazon sina Andy at Jang-Mi na nakatayo sa labas ng Revo at mga nagsipagkaway. Patuloy niya, "At ang mga espiritu ng mga bangkay na ito ay kasalukuyang nagmumulto, kaya meron din kaming Koreanang esperitista para kausapin ang mga kaluluwa."

Nagkatinginan ang reporter at photographer. Hindi sila makapaniwala sa naririnig, at heto't hindi pa pala tapos si Corporal Diazon sa pagsalita. In fact, on a roll na siya. Ginanahan lang.

"May theory kami na ang mga multo at aliens ay iisa," patuloy ni Diazon. "Na tulad natin, may kaluluwa pala ang mga aliens. At mula sa malayong planeta kung saan man sila nanggaling, ay nagpadala sila ng mga lalaking aliens na nagkatawang tao para makihalubilo sa mga taong taga-Earth, at makipagsiping sa mga babae. At ang pagsiping nila ay nagbunga ng mga half-breeds. Kalahating-tao, kalahating-alien, at..."

Hindi nakatiis ang babaeng reporter. "Ano ito? Aliens versus zombies versus multo? Niloloko n'yo ba kami? Sinong tanga ang maniniwala dito?"

Nakangiting tumalikod si Colonel Laxamana at naglakad pabalik ng Revo.

Napangiti rin si Esguerra habang si Diazon ay nakahinga nang maluwag.

"Colonel! Colonel!" habol ng babaeng reporter sa papalayong colonel at gusto pang sundan ito, pero pinigilan siya ng mga sundalo. "Hindi kami aalis dito hangga't 'di namin nalalaman ang katotohanan! Colonel! COLONEL!"

Nagsisakayan sina Laxamana, Andy at Jang-Mi ng Revo, at ito'y umandar paalis.

NEXT CHAPTER: "Ilang Mga Pamamaalam"

Ang Bayang NaglahoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon