The Voice

16.6K 222 16
                                    


CHAPTER 1


“LET ME be, ‘Ma. Puwede bang patahimikin mo ‘ko kahit ngayon lang?”
Tumigil si Besille sa pamimitas ng bulaklak ng rosal. Nakatanim ang makapal na halaman sa tabi ng steel fence sa tagiliran ng kanilang bahay. Nagmumula ang malakas na boses sa bukas na bintana ng katabi nilang bungalow. Dati mga boses lang nina Lola Eufemia at sa mukhang tomboy nitong kasambahay ang maririnig mula roon.
Noon lang siya nakarinig ng boses-lalaki sa kanilang kapitbahay. Kahit galit ang tinig, masarap pa ring pakinggan ang buo at malagom na timbre ng boses.
Inilapit niya nang husto ang sarili sa tabi ng bakod. Nanghaba ang leeg niya at kumapit pa siya sa mga rehas. Hindi alam ni Besille kung ano ang biglang pumasok sa kukote niya para maging usisera.
Boses-babae ang narinig niyang sumagot. Halatang galit dahil malakas din. Hindi nga lang niya naintindihan ang sinabi.
“Nasunod ko na ang gusto n’yo. Kaya please, pabayaan n’yo na ‘ko sa vocation na gusto ko,” sabi na naman ng boses-lalaki.
Bigla niyang niyakap ang basket na naglalaman ng mga napitas niyang bulaklak. ‘Ganda talaga! Dadaigin ang boses ni Juan Rodrigo sa Mara Clara. Maganda din kaya siyang kumanta?
“You call that stupid work a vocation?” Mas malinaw na ang sinasabi ng boses-babae. “Robert, hindi ka naging unico hijo ng mga Zafra para magpakaburo sa sinasabi mong bokasyon!”
So the voice had a name. Robert. Ano kaya ang vocation na pinag-uusapan nila? God, hindi kaya magpapari ang Robert na ito? Hindi pa man pero nanghihinayang na siya.
“Ayokong maging lapastangan sa inyo, Mama. Igalang n’yo din sana ‘tong pamamahay ni Lola. Minsan na nga lang natin siya madalaw, ganito pa ba naman ang ipapasalubong natin sa kanya? Naeeskandalo na siya sa pag-aaway natin.”
Pinipit ni Besille na maaninaw sa manipis na kulay kremang kurtina ng bintana ang bulto ng may-ari ng boses. Kaya lang medyo madilim sa loob kaya wala siyang makita.
Biglang gumalaw ang kurtina. Wala naman siyang nakitang kamay na humawi. Bumitiw tuloy siya sa pagkakakapit sa bakod. Kung sakali na may isang tao na lalapit doon, siguradong mabibisto ang ginagawa niya na patagong pagmamasid.
Hiyang-hiya na tinapos niya agad ang pamimitas ng mga bulaklak ng rosal.
Pag-ikot ni Besille sa harapan ng kanilang bahay, nakahanda na ang mga gagamitin ng kanyang ina sa ibabaw ng bilog na garden table para sa paggawa ng bridal bouquet. Ang mga bulaklak na lang ang kulang. Iniabot niya sa ina ang basket ng mga rosal na napitas niya.
Kilala ang mommy niya sa kanilang lugar sa husay nito sa flower arrangement. Ayaw nga lang magtayo ng flower shop dahil wala itong hilig sa pagnenegosyo. Isa pa, conservative ang kanyang ama. Mas gusto nito na ito lang ang maghanapbuhay. Dapat daw na nasa bahay lang ang isang ina para maayos na maaasikaso ang asawa nito at mga anak.
“Ang tagal mong namitas pero ito lang ang nakuha mo?” reklamo ng mommy niya nang makita ang laman ng basket. “Pang bridal bouquet lang ito. Wala na tayong gagamitin para sa isasabog ng flower girls at para sa bouquet ninyo.” Bridesmaid din kasi siya ni Jackie, ang pinsan niyang ikakasal.
“Eh, Mommy, bakit kasi hindi na lang petals ng white roses ang isabog sa isle?” kontra-reklamo niya. “Sabi naman ni Jackie, kahit anong bulaklak daw basta puti.”
Pinandilatan siya ng ina. “Ano ka ba naman? ‘Yang rosal, nandito na sa ‘tin, pipitasin na lang. Fresh na fresh pa at mabango. Gusto mo pa yata na gumastos ako at maabala sa pagbili ng white roses na sinasabi mo.”
Hindi siya makasagot. Wala siyang mailusot sa katwiran ng mommy niya. Hindi kuripot ang kanyang ina. Praktikal lang talaga ito.
“Ang dami kong nakitang mamumukadkad na buko doon kahapon, ah. Imposible namang ito lang ang naging bulaklak no’n.” Ang mahabang linya ng rosal na nakatanim sa tagiliran ng kanilang bahay ang tinutukoy nito.
Naisip ni Besille na magdahilan na lang. “Mommy, mamaya na lang po ako ulit mamimitas. Gusto ko munang panoorin kayo kung paano gumawa ng bouquet.”
Mabuti na lang at hindi na ito kumontra. Inilabas nito ang mga bulaklak sa basket at sinimulang pumili ng mga hindi pa gaanong nakabukadkad.
Mabilis at tiyak ang mga kamay ng mommy niya sa ginagawa. Dati na siyang napapahanga sa paggawa nito ng mga flower arrangement. Napa-wish tuloy siya. Sana kapag siya naman ang ikakasal, ito rin ang gagawa ng bride’s bouquet niya.
Hindi sinasadya na nasabi niya iyon sa ina. Na ikinadilat nang todo ng mga mata nito. “Oy, Besille, katorse anyos ka pa lang, kasal na ‘yang nasa isip mo. Baka hindi ka pa man nakakatapos ng high school lumarga ka na sa pag-aasawa. Itatakwil ka talaga naming ng daddy mo,” banta pa nito.
Nanulis ang nguso niya. “Si Mommy, ang bata-bata ko pa kaya. Ayaw n’yo nga ako palapitin man lang sa mga nag-a-attempt na manligaw sa ‘kin.”
“Dahil napakabata mo pa para ligawan. Aba, hindi por que malaking bulas ka at mukha nang dalaga, papayag na kami ng Daddy mo na paligawan ka. Ito ang tatandaan mong bata ka. Ayokong tutulad ka sa mga kababata mo rito na bahagya pa lang tumataas sa lupa, nakikipagkerengkengan na sa mga lalaki—”
“At puwede lang ako magpaligaw pag nag-eighteen na ako,” agaw niya sa litanya ng ina habang nakatirik ang mga mata. Ilang ulit na ba niyang narinig ang sermon nito na memoryado na nga niya? “Pero hindi ako puwedeng mag-boyfriend habang nag-aaral pa ako.”
“At bakit? May mali ba ro’n?” sabi ng mommy niya sa tonong naghahamon.
“Wala po akong sinabi,” aniya sabay tayo at dampot ng basket.
Pabalik na siya sa mga tanim na rosal nang may tumawag sa kanya sa harapan ng bahay. Si Mr. Banaag, ang retiradong kapitbahay nila na madalas magpahiram sa kanya ng libro.
Naudlot ang pagpunta niya sa hardin. Nilapitan niya ang matanda at binati. “May kailangan po kayo?” tanong niya nang mabuksan ang gate na pantao.
“Ang libro ko,” sabi nitong walang emosyon.
Sanay na si Besille sa ganoong personalidad ni Mr. Banaag. Marami itong libro at madalas siyang humiram. Madali itong hiraman pero gusto nito na laging nasa takdang oras ang pagsasauli ng kanyang mga hinihiram na libro. “Pasensiya na po kayo. Medyo nalibang ako kaya nakalimuntan kong isoli agad. Pumasok po muna kayo.”
Ibinukas niya nang maluwang ang pedestrian gate. Pero gaya ng dati, nanatili itong nakatayo lang sa gilid ng kalsada.
Mabilis na pumanhik sa itaas ng bahay si Besille. Kinuha niya ang unexpurgated na salin ng Noli Me Tangere ni Rizal.
“Naintindihan mo ba?” tanong ni Mr. Banaag nang maiabot dito ang libro.
“Madami pong parte ng libro na hindi.”
“Kung isinauli mo ito sa takdang oras, ipaliliwanag ko sana sa iyo ang mga hindi mo maintindihan.” Pumihit na ito at iniwan siya.
“Maraming salamat po, Mr. Banaag,” pahabol niya kahit nakatalikod na ito.
Malamang na hindi na niya maunawaan kahit kalian ang mga parte ng libro na gusto sana niyang ipaliwanag nito sa kanya. Nanlulumo na bumalik na lang siya sa hardin.
Napansin ni Besille na tahimik na sa kabilang bahay. Inabala na niya ang sarili sa pagpitas ng mga bulaklak. Sinimot niya ang lahat ng rosal na nakabukadkad. Punung-puno ng bulaklak ang basket nang matapos siya.
Bago siya bumalik sa kinaroroonan ng mommy niya ay nilingon niya uli ang katabi nilang bungalow. Tulad kanina, nakita na naman niya ang paggalaw ng kurtina roon kahit walang humahawi. Napabilis tuloy ang pagtalikod niya. Pinanonood ba siya ng lalaking may magandang boses? Napangiti siya sa naisip. Sana.
 

 


Besille & Robert COMPLETEDWhere stories live. Discover now