Seeking the Voice

8.7K 215 8
                                    


KINABUKASAN, araw na ng kasal ng pinsan ni Besille. Kahit alas tres pa ng hapon ang seremonya ay maaga pa rin siyang nagising. Ilang sandali siyang tumambay sa gilid ng bahay nila. Nagkukunwari siya na namimitas ng mga bulaklak ng rosal kahit alam niya na wala na siyang mapipitas doon.

Ang totoo, nagbabaka-sakali siya na marinig man lang ang boses ng lalaki na narinig niyang nagsalita mula sa katabing bahay nila kahapon. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit. Gusto niyang makita ang mukha sa likod ng boses. Nasasabik siya na makita kung ano ang hitsura. Kung kagaya ng magandang boses ay guwapo rin ito. Noon lang nangyari na nagka-crush pa yata siya sa boses ng isang tao na hindi pa man lang niya nakikita.

Mainit na sa balat ang dantay ng sikat ng araw nang mapilitan siyang pumasok sa kanilang bahay. Bigo siya na marinig ang boses na inaabangan niya. Baka bumisita lang ang taong iyon kina Lola Eufemia at umalis na rin kahapon.

Frustrated na naligo na lang siya. Inabot yata siya ng isang oras sa paliligo sa loob ng banyo. Nangungulubot na ang balat niya sa mga daliri nang lumabas siya roon.
Nang matapos siyang mag-lunch ay muli na naman siyang naligo. Para bang sa pamamagitan niyon ay mapapawi ang pagka-miss niya sa hindi nakikilalang may-ari ng magandang boses. Gusto tuloy niyang pagdudahan ang sarili. Normal pa ba ang ganoong pakiramdam niya?
Mga katok sa pinto ang nagpagising sa kanyang pag-iisip.

“Ano ba, Besille? Hindi ka pa ba lalabas diyan?” Malakas na tinig ng mommy niya ang maririnig sa labas ng banyo. “Naiinip na sa iyo sa paghihintay si Eppie. Bihis na ako at tapos nang ayusan pero nasa banyo ka pa rin hanggang ngayon. Baka maunahan pa tayo ng bride sa simbahan sa kabagalan mo.”

“Nand’yan na, Mommy!” napilitan na si Besille na putulin ang pagbababad sa bath tub.

Nakabantay ang kanyang ina habang inaayusan siya. Panay ang puna nito kapag napapakapal ang makeup sa kanya ni Eppie. Hindi na tuloy ito makangiti. Kapag nagmukha siyang bruha sa halip na gumanda, kasalanan ng kanyang ina.

Mayamaya ay tinawag ito ng daddy niya. Napilitan na itong lumabas ng kuwarto niya. Pareho silang nakahinga ni Eppie. “Ang kulit ni Mommy, ‘no?” sabi niya sa makeup artist na ngumiti lang.

Si Eppie na ang tumulong sa kanyang pagbibihis matapos siyang ayusan. “Walang magsasabi na fourteen years old ka pa lang,” sabi nito. Pareho nilang pinagmamasdan sa harap ng salamin ang ayos niya  habang suot ang damit-pang-abay.

Blue-violet in lightest shade ang kulay ng gown niya. Sabrina cut ang neckline at walang manggas. Hinayaan lang ni Eppie na nakalugay ang mahaba at tuwid niyang buhok.

“Matangkad kasi ako.”

“At maganda ang bone structure mo. Puwede ka ngang mag-model.”

Dinunggol niya si Eppie sa braso. “Huwag sobrang mambola, Teh. ‘Sagwa kong tingnan mamaya ‘pag naglakad ako sa isle na ang lalapad ng tenga.”

Benta kay Ate Eppie ang joke niya at napahagikgik pa ito. “Seryoso ako, ‘no. Hindi na ako magtataka kung bakit mahigpit sa iyo sina Tita Bethsaida. Dalaga ka nang tingnan at ang ganda-ganda pa.”

“Hayaan mo, dadagdagan ko ang tip mo. Huwag mo lang sasabihin kay Mommy, baka harangin.”

Nagkatawanan sila ni Eppie.

Bago lumabas ng silid si Besille pinakatitigan muna niya ang sariling repleksiyon sa salamin. Sa taas niyang five feet-four inches, walang magsasabi na hindi pa siya dalaga. Oo nga at hindi pa gaanong malalaki ang dibdib niya, pero may maganda nang hubog ang kanyang katawan.

Nginitian niya ang sariling repleksiyon. Dalaga na ‘ko. 

NAKO-CONSCIOUS si Besille sa tingin ng mga taong dumalo sa kasal ni Jackie at ng fiancé nitong si Mig. Hindi pa siya sanay sa mga tingin na parang naghahanap ng maipipintas sa kanyang ayos. Lalong hindi siya komportable sa mga humahangang sulyap sa kanya ng iba. Itinuon na lang niya ang pansin sa seremonya ng kasal.
Makikita sa mga mukha nina Jackie at Mig ang labis na kaligayahan. Parang mga modelo ng toothpaste commercial ang dalawa, laging nakalitaw ang mga ngipin sa lapad ng pagkakangiti. Panay pa ang malalagkit na sulyapan sa isa’t isa. Kung pang artista lang ang hitsura ng mga ito, dapat na sigurong kabahan ang love team nina Judy Ann Santos at Wowie De Guzman. At napa-fascinate siya sa dalawa sa halip na ma-corny-han!
Guwapo din naman ang escort ni Besille. Wala nga lang itong dating sa kanya. Hindi naman kasi siya nagkaka-crush sa lahat ng guwapo. Hindi pa siya gaanong aware pagdating sa opposite sex. Lagi kasing nakabantay sa kanya ang mga magulang. Para bang ano mang oras makikipagtanan siya sa kung sinong lalaki.
Siya ang cord sposor. Matapos nilang mailagay ng escort niya ang cord sa mga ikinakasal, kahiya-hiya sa lahat—kinukuhanan sila ng video at litrato, sabihin pa na nakatuon sa kanila ang pansin ng mga tao—nang bigla na lang siyang mapabahin. Hindi na niya nagawang kuhanin ang hankie sa secret pocket ng damit niya. Kamay na lang ang ipinantakip niya sa ilong at bibig.
Pag-angat niya ng mukha ay siyang pagtatama ng mga tingin nila ng isang matangkad na lalaki. Nakatayo ito sa gitna na kinaroroonan ng choir. Titig na titig sa kanya. Napansin tuloy niya na cute ito. Mabilis na nag-init ang mukha niya.
Bago pa maipahiya ni Besille ang sarili sa gitna ng maraming tao, binawi na niya ang tingin sa lalaking cute at bumalik agad sa kanilang table.
May hindi maipaliwanag na pakiramdam na biglang lumukob kay Besille nang mga sandaling iyon. Alam niya na nakasunod pa rin ang tingin ng lalaki sa kanya kahit nang makaupo na siya uli. Hindi nga lang niya maibalik ang tingin dito sa takot na lalong lumala ang nararamdaman niyang magkahalong hiya at kaba.
Pero hindi niya mapigilan na tingnan muli ang kinaroroonan ng lalaki nang pumailanlang ang isang suwabe at magandang boses. Kumakanta na ang guwapong lalaki ng kanta ni Basil Valdez, ang “Sana Ay Ikaw Na nga.”
At that precise moment, recognition washed over her. Hindi alam ni Besille kung paano. Ngunit natitiyak niya na ang kumakanta at ang may-ari ng boses-lalaki sa bahay nina Lola Eufemia ay iisa.
  

Besille & Robert COMPLETEDOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz