Halik

5.5K 147 16
                                    


“MA’AM, dalawang araw na pong hindi pumapasok si Mr. Zafra. Hindi ko nga po alam kung ano nang nangyari sa kanya. Hindi ko makontak sa cellphone niya at wala din daw po sa bahay ng parents niya.
Nanlumo si Besille sa sinabi ng sekretarya ni Robert. Pagkababa ng eroplano ay nagtuloy na siya kaagad sa address ng opisina nito. At ganito lang pala ang balita na sasalubong sa kanya.
“Alam mo ba ang address ng bahay na pinapagawa ni Robert?”
“Yes po, Ma’am. Pero wala pa pong telepono doon.”
“Okay. Hindi na bale. Ang address lang ang kailangan ko.”
Pagkabigay ng sekretarya kay Besille ng address ay wala na siyang inaksayang oras. Sakay ng isang taxi ay hinanap niya ang address ng bahay na ipinagagawa ni Robert.
Hindi siya nahirapang makita ang address. Nakatayo ang bahay sa isang exclusive subdivision. Halos tapos na palang gawin iyon. Napakaganda ng bahay. Landscape na lang niyon ang hindi pa nagagawa. Katamtaman lang ang laki ngunit halatang pinagbuhusan ng husay, pagod at salapi.
And he made this house for me…
Parang may pakpak ang mga paa na pumanhik siya nang mapansing bukas ang pinto. Alam niya na nasa loob si Robert dahil nakaparada sa labas ang isang Volvo S60. Sosorpresahin niya ang nobyo.
May narinig si Besille na nag-uusap pero hindi niya matukoy kung saan. Wala pang gamit ang kabahayan pero tapos na itong pintahan. Interior decoration na lang ang kulang.
Umakyat siya hanggang sa ikalawang palapag. Malapit na siya sa landing ng veranda kaya doon siya nagtungo. Tanaw mula roon ang malawak na bahagi ng subdivision. Napakaganda ng view. Ganoon ang lugar na pangarap niyang tirhan ng kanilang magiging mga anak ni Robert.
Muli, narinig niya ang mga boses na nag-uusap. Umalis na siya sa veranda. Pinasok niya ang pinto ng mga silid na mabuti na lang at hindi naka-lock.
“I’ll make this house your dream house, Robert. Tingnan mo kung paano ako mag-magic. Baka hindi ka na pumasok sa office at gustuhin mo na lang na mag-stay dito.”
Narinig ni Besille na tinawanan iyon ni Robert. “I think that will happen in the next couple of months. Sino ba kasing tao ang gustong lumabas ng bahay sa kanyang honeymoon?”
Gulat at pagkagimbal ang naramdaman ni Besille. Nanggigil siya agad sa galit. Honeymoon na ang pinag-uusapan ng mga taksil!
Nagulat si Besille nang pagbukas niya ng ikalawang pinto ay makita niyang nasa loob ng silid si Robert at ang isang magandang babae. Nakakapit pa sa braso nito ang babae habang parehong nakatunghay sa isang nakalahad na malapad na papel. Magkasabay na lumingon sa kanya ang mga ito.
Gulat na gulat din si Robert pagkakita sa kanya. Sigurado siya na nakita nito sa mukha niya ang magkakahalong sakit, galit at hinanakit dahil sa tagpo na nakita.
“Besille? How did you— W-what are you doing here?” bulalas ni Robert.

MABILIS na kumapa sa isip si Besille ng maisasagot. Gusto niyang mamanhid nang mga sandaling iyon. Sari-saring emosyon ang dumadagan sa kanyang kamalayan. Gusto niyang umalis, takasan ang eksenang nadatnan. Pero gusto rin niyang manatili roon at marinig mismo sa bibig ni Robert ang paliwanag kung bakit siya niloko kasama ng babae nito. Sobra-sobrang disappointment ang nararanasan niya ngayon.
Ilang ulit siyang lumunok at sumagap ng hangin bago lumapit sa kinaroroonan ni Robert at ng babae. “I-I came here to deliver your due,” sabi niya kasabay ng pagkaalala sa iniwan nitong maiksing note noong debut party niya. Para siyang pangangapusan ng hininga. Pero pinilit niya ang sarili na sabihin ang mga salita na nabuo sa kanyang isip. “At… a-at para sabihin sa iyo na handa na ako na magpakasal kahit kailan mo gusto,” dagdag pa niya bilang pagbibigay ng warning sa babaeng kasama nito na committed na si Robert sa kanya.
Nilapitan niya ang nobyo at hinatak mula sa pagkakakapit ng babae na tulala pa rin. Walang seremonya na niyapos niya ito sa batok at kaagad na nagkatapat ang kanilang mga mukha. Bago pa siya panghinaan ng loob, inilapat na niya ang bibig sa mga labi nito.
Ilang segundo muna na hindi makakilos si Robert sa pagkabigla. Mabuti na lang at nagising din ito. Hindi na niya alam ang susunod na gagawin. Hindi siya marunong humalik!
Gumalaw ang mga labi ni Robert at sinimsim ang kanyang bibig. Napakatamis niyon. Parang ayaw na niyang bumitiw rito. Pero ito rin ang pumutol sa halik. Pinakatitigan siya nito, manghang-mangha.
Inalis na ni Besille ang pagkakapulupot ng mga kamay sa batok ni Robert. Itinaas niya sa line of vision nito ang kamay niya na may suot na singsing. “That was also to thank you for this beautiful engagement ring.”
May dinukot siya sa bulsa. Nang makuha roon ang papel na kinasusulatan ng address ng bago niyang tirahan ay isinalaksak iyon sa kamay ni Robert bago siya nagtatakbong palabas. Kung may pagpapahalaga pa sa kanya ang nobyo ay gagawa ito ng paraan para hindi siya mawala sa buhay nito. Dahil sa kasalukuyan niyang estado, kung talagang pinalitan na siya ni Robert sa puso nito ay hindi niya na ipagsisiksikan pa ang sarili dito.
Laking pasasalamat ni Besille nang madaanan siya ng isang taxi. Pinara niya iyon at kaagad siyang sumakay. Dinig niya ang pagtawag ni Robert. Hindi na nga lang niya ito nilingon. Masamang-masama ang loob niya.
Hindi niya gustong buuin sa isip ang nakita sa bahay na pinaggalingan. Dalawang araw pa lang ang nakakaraan mula nang tangkain ni Robert na hingin ang kamay niya sa kanyang mga magulang. Bakit may kapalit na yata siya agad? Give up na ba ito sa relasyon nila?
Tahimik siyang umiiyak habang sakay ng taxi. Sobrang sakit na makitang may ibang babae si Robert. Parang sasabog ang dibdib niya. Sinabihan niya ang driver na ihatid siya sa airport. Nagulat siya pagbaba sa harap ng Mactan Airport. May isang malaking kamay na mahigpit na humawak sa braso niya.

Besille & Robert COMPLETEDWhere stories live. Discover now