Magtanan Na Tayo

5.7K 146 6
                                    


MAHAL,
One week na lang at graduation ko na. I can’t wait for that time anymore. Kasi alam ko na kaunting panahon na lang at magkakasama na tayo.
Hindi ko pa nasasabi kay Daddy ang plano natin. Kumukuha pa ako ng magandang timing. Alam ko, kokontra siya sa umpisa. Pero sa kanila ni Mommy, alam ko na mas madali siyang kumbinsihin. Hindi ko muna aalamin ang reaction ni Mommy sa balak natin. Anyway, kung may blessing na tayo ni Daddy, wala na siyang magagawa.
Nasabi mo na ba sa parents mo ang plano natin na pagpapakasal? Ang totoo, kinakabahan din ako. Alam ko kasi na tututol din sa akin ang mama mo…
Hindi nga nagkamali sa agam-agam si Besille. Tumutol ang kanyang ama sa plano nila ni Robert. Pagkatapos ng graduation niya ay kinausap niya ito. Nanlumo siya nang hindi ito pumayag kahit nagmakaawa at iniyakan pa niya ito sa bandang huli.
“Twenty years old ka pa lang, anak. Bata ka pa rin. Katatapos mo pa lang mag-aral at hindi mo pa nakakaharap ang totoong challenges sa buhay. Kung talagang gusto ninyo ni Robert ang isa’t isa, hindi ako tututol. Pero nakapaghintay na din lang kayo nang matagal, ano ba naman ‘yong maghintay pa kayo ng kahit dalawang taon man lang?
“Magtrabaho ka muna, anak. Danasin mo muna kung paano ikampay ang mga pakpak mo at tumayo sa sarili mong mga paa. Saka ka uli lumapit at magpaalam sa akin pagkatapos.”
Matatag ang pasya ng ama ni Besille. Wala silang nagawa ni Robert kundi ang maghintay na naman muli.

“I’M FED up. Magtanan na lang kaya tayo!” sabi ni Besille kay Robert nang tawagan siya nito.
Uso na ang texting. At dahil cell phone ang graduation gift ng kanyang ama, malaya na silang nagpapalitan ng text messages at nagtatawagan ng nobyo.
Tumawa si Robert sa sinabi niya. “Gusto ko ‘yang suggestion na ‘yan.”
“Sige, lumuwas ka na dito at itanan mo na lang ako.”
Nagseryoso si Robert. “Sweetheart, may katwiran naman ang daddy mo. Kahit gustung-gusto ko nang magpakasal tayo, I can’t ignore the fact na talagang bata ka pa para sa pag-aasawa.”
“Pero thirty-two ka na at sabi mo nga, ipinagtutulakan ka na sa inyo sa pag-aasawa.”
“Kahit naman siguro mag-ninety-two na ‘ko, makakaya ko pa din na anakan ka.”
Natawa siya. “Loko mo, menopause na ‘ko no’n.”
“Dalawang taon pa pala akong makikipag-usap sa picture mo at magtitiyaga na lang sa pag-i-imagine.”
Naawa siya rito. “Robert…”
“Hmm?”
“I’m serious. Itanan mo na lang ako para hindi na tayo magkahiwalay.”
“Sweetheart, nang ibigay ko sa iyo ang unang singsing, nangako ako sa sarili ko na hindi kita sasamantalahin. Na ihaharap kita sa altar nang walang bahid-dungis. Akala mo ba hindi ko din naisip na itanan ka na lang sa loob ng six years na hindi tayo halos nagkikita? Mahal lang talaga kita kaya nagpipigil ako sa sarili na gawin ang sinasabi mo.”
“Missed na missed na kasi kita…”
“I know. Pareho lang naman tayo. Mabuti na din ang ganito. Para mas lalo ko pang mapaghandaan ang future natin. Magpapatayo na ako ng magiging bahay natin dito.”
“Di ba may sariling bahay ka naman?”
“Ipagbibili ko na ‘yon. Gusto ko kasi na malayo tayo kina Mama. Hindi ako papayag na away-awayin ka niya. Mabuti na ‘yong hindi kayo madalas magkikita kung sakali. Papayag ka naman na dito sa Cebu tayo tumira, di ba?”
“Of course. Kahit sa buwan mo pa gusto, sasama ako sa ‘yo.”
“Sweetheart, hindi tayo makakahinga do’n.” Nagkatawanan sila nito.

ANG MGA sumunod na araw ay ginugol ni Besille sa paghahanap ng trabaho. Lahat na yata ng job opening sa classified ads ng mga diyaryo na aakma sa posisyong tinapos niya ay na-apply-an na niya.
“Parang gusto ko nang sumuko, Minnie,” nasabi niya minsan sa kaibigan. Dalawang buwan na siya noon na hindi tumitigil sa paghahanap ng trabaho. “Mabuti ka pa, may mina-manage ka nang sarili mong internet café.”
“Ka-share lang po ako ni Kuya dito.”
“Kahit na. At least, hindi ka na tambay tulad ko.”
“Bakit kasi hindi ka na lang magpatulong sa daddy mo? Ano na lang ba ‘yong bigyan ka niya ng trabaho sa company nila?”
“Alam mo naman si Daddy, maprinsipyo. Against ‘yon sa nepotismo.”
Hustong tatlong buwan mula nang magsimulang maghanap ng trabaho si Besille nang matanggap siyang teller sa bangko kung saan naging trainee siya sa kanilang on-the-job training noong nag-aaral pa siya.
Pinagbuti niya ang pagtatrabaho. Bukod doon, nakisosyo pa siya sa negosyo ni Minnie at ng kuya nito. Nasapul nila ang biglang pagiging in-demand ng internet café at computer shops sa kalakhang Maynila.
Mabilis lumipas ang panahon kapag abala ang isang tao. Namalayan na lang ni Besille na tapos na ang dalawang taon na paghihintay nila ni Robert. Nasorpresa pa siya nang bigla itong dumating sa kanila isang hapon. Gusto niyang sugurin ito ng yakap at halik. Ganood din ang nakikita niya sa mga mata nito nang magtagpo ang kanilang mga mata. Kaya lang ay nakaharap ang kanyang ina.
“Hindi ba sinabi ko na sa ‘yong huwag ka nang magpapakita sa pamamahay na ‘to?” sita kaagad dito ng kanyang mommy.
“Mommy, please!” saway niya sa ina. “Nagpapakatao sa pag-akyat dito sa bahay si Robert. Pabayaan n’yo naman na sabihin no’ng tao ang sadya niya.”
Nanlisik ang mga mata ng mommy ni Besille. “Alam ko naman kung ano’ng sadya ng lalaking ‘yan, eh. Ipagpipilitan na naman niyang manligaw sa ‘yo. Ang kapal ng mukha! Sinabihan ko na nga noon na ayaw ko siya na maging boyfriend mo!”
“Bethsaida,” singit ng papa ni Besille, “pabayaan mo na munang makapagsalita si Robert.”
“Ma’am,” sabi naman ni Robert. “Hindi po ako manliligaw kay Besille. Ipapaalam ko lang po sa inyo na magpapakasal na kami.”
“Anong sinabi mo?” pa-hysteria nang sabi ng mommy ni Besille. “At kailan mo pa naging nobya si Besille? Hinding-hindi ako makakapayag na mapunta ang anak ko sa isang cradle-snatcher na kagaya mo!”
Marami pang masasakit na salita na idinugtong doon ng kanyang ina. Kaya walang nagawa si Robert kundi ang umalis na muna. Siya naman ang inaway ng mommy niya. Wala siyang magawa kundi ang umiyak na lang sa sobrang panlulumo. Magdamag siyang halos hindi nakatulog.
Bago mag-umaga, isang pasya ang binuo niya.

NAG-HALF day si Besille kinabukasan. Paglabas niya ay hinatak niya si Minnie para magpasamang maghanap ng apartment na malapit sa bangko na kanyang pinapasukan.
Nang hapon ding iyon, nakipagsara siya ng usapan sa landlady ng apartment na nakita nila. Hindi maganda ang ventilation ng unit ngunit may aircon naman. Luma na rin at nababakbak na ang pintura; wala ring exhaust fan sa kusina. Pero makakaya yata ni Besille ang tumira kahit sa kuweba ng mga Ita, makalayo lang siya sa nakasasakal na proteksiyon ng kanyang ina.
Binayaran niya ang paunang upa at deposito sa landlady.
“Talaga bang decided ka nang magsarili, Besille?” nag-aalinlangan na tanong sa kanya ni Minnie. “Baka naman nabibigla ka lang. Besides, sigurado na hindi ka papayagan ni Tita Bethsaida.”
“Nasa tamang age na ako, Minnie. Sakal na sakal na ako kay Mommy. Hindi ko na kaya na mag-stay pa sa amin at hayaan siya na magpatuloy i-manipulate ang buhay ko.”
“Nakausap mo na ba si Robert?” Naikuwento na niya kay Minnie ang ginagawa ng mommy niya kay Robert.
“Hindi ko siya ma-contact. Laging out of reach ang number niya kahapon pa. Alam ko masamang-masama din ang loob no’n. Nilait-lait siya ni Mommy at hindi ko man lang siya naipagtanggol.”
“Anong balak mong gawin ngayon?”
“Pupuntahan ko siya sa Cebu.”
Pagkatapos mag-hysteria ay dinramahan naman siya ng mommy niya matapos magsabi sa mga magulang na magsasarili na siya. Pero talagang disidido na siya. Hinayaan niya na maging bingi ang sarili sa mga pagmamakaawa nito habang nag-eempake siya. Wala na ring nagawa ang kanyang ama sa kanyang naging desisyon.

Besille & Robert COMPLETEDWhere stories live. Discover now