Chemistry

7.1K 163 12
                                    


“HI,” SIMPLENG bati ni Robert bago ito lumapit palapit kay Besille.
Inakala niya na isa lang itong aparisyon. Isang optical illusion na nabuo dahil sa kaiisip niya rito. Pero totoong-totoo ang napaka-cute na ngiti ni Robert, ang bahagyang imbay ng mga balikat nito habang naglalakad, at ang nagwawalang tibok ng puso niya sa loob ng ribcage.
Lumamig-uminit ang pakiramdam ni Besille nang lalo itong mapalapit. “H-hi,” bati rin niya. Bahagya na lang lumabas ang boses sa kanyang lalamunan.
Naupo si Robert sa mismong silya na binakante ni Lola Eufemia. “I could see na pati pala ikaw nahikayat na rin ni Lola na mag-weave?”
Parang malulunod si Besille sa presence nito. Umaabot sa ilong niya ang bahagyang samyo ng ginamit nitong men’s cologne. Parang magnet din na humahatak sa kanya pati ang suot nitong crew-necked shirt. Makinis na makinis ang mukha ni Robert na halatang bagong ahit.
“M-maganda naman kasing hobby ito. Useful na, magiging creative ka pa.” Hindi niya magawang tingnan ito sa mga mata nang matagal.
“Tama ka,” ayon nito. Hindi pa rin nawawala ang nakapagpapatureteng ngiti. “Kahit nga ako, bata pa lang noon, naturuan na rin ni Lola na maghabi.” Hinawakan nito ang frame ng panghabi. “Usually, hindi ang weaving ang kukuha ng interes ng isang kabataan na tulad mo.”
Itinuon ni Besille ang mga mata sa kamay nito na nakakapit sa kahoy. Malaki iyon at mukhang metatag. “Siguro kasi hindi ako kagaya ng isang average na kabataan.”
“Medyo mahigpit kasi ang parents mo.”
Parang biglang nakahanap si Besille ng kakampi. “Hindi lang medyo. Talagang mahigpit sila.”
“Pinoprotektahan ka lang nila.”
“Mula saan? Hindi naman ako magwawala kung magiging maluwag sila sa ‘kin kahit konti.”
“May parents talaga na over protective sa kanilang mga anak. Wait for your time, Besille. Mas masarap i-enjoy ang freedom kapag kaya mo nang maging responsible sa magiging outcome ng decisions mo.”
Napamaang siya rito. Hindi niya agad maunawaan ang ibig nitong sabihin. Para namang nahulaan nito ang kanyang reaksiyon. Sinundan nito ng paliwanag ang sinabi.
“Di ba alam mong lahat ng action may katapat na reaction? Gano’n din sa freedom. Ang paggamit mo dito ay puwedeng maging constructive, pero puwede din na maging destructive. Kung pinapayagan kang uminom at manigarilyo sa age mon a ‘yan, mas maaga kang magiging potential alcoholic o lung cancer victim. Kung malaya kang inuumaga sa gimikan, mas exposed ka sa mga taong mapagsamantala. Mas prone din sa premarital sex at unwanted pregnancy.”
“Para kang si Daddy kung magsalita.”
“I’m just stating some facts about the much-craved freedom. And I don’t fancy being your father.” Tumayo na ito at tinanguan siya.
Nagmadali si Besille na mangapa ng sasabihin. Ayaw pa niyang umalis ito. “B-bakit?” nabigkas niya sa wakas nang malapit na ito sa pinto.
Tumigil ito at pumihit paharap sa kanya. Matiim na tumitig ito sa kanya. “In time, malalaman mo din, Besille. Huwag ka lang maiinip.”
Wala na roon si Robert ay nakatunganga pa rin siya sa pintuan. Lord, ano po bang ibig niyang sabihin?
Sa pagdaan ng mga araw, lalong sumisidhi ang nararamdaman ni Besille para kay Robert. Parang isang uri ng sakit iyon na kumapit sa kanyang sistema na kahit kailan ay hindi na mawawala pa. Maaga man siyang nagigising, pero tanghali na siya bumabangon sa kade-daydream kay Robert. Parang hindi pa sapat na napapanaginipan niya ito sa gabi.
Mabuti na lang at bakasyon pa. Hindi siya inoobliga ng mommy niya na bumangon nang maaga.
Pero nang umagang iyon ay napilitan na siyang bumangon kaagad. Nakarinig kasi siya ng tunog ng nilalagaring kahoy sa gitna ng tahimik na umaga.
Tiningnan niya ang table clock sa bedside table sa bandang ulunan niya. Lampas-alas sais pa lang doon. Bumangon siya at sinilip sa sliding window ang pinagmumulan ng ingay. 
Napamulagat ang hindi pa niya gaanong maibukang mga mata. Nawalang bigla ang natitira pa niyang antok nang makita ang hubad-baro na si Robert. Naglalagare ito ng kahoy sa front yard ni Lola Eufemia. Jersey shorts lang ang suot nito.
Ang guwapo niya talaga! Hunk na hunk sa lahat ng angle. Nangingintab sa tama ng manipis pang sinag ng araw ang mauumbok nitong muscles sa dibdib at braso.
Napanganga siya sa pagkagulat nang biglang tumigil si Robert sa ginagawa at direktang tumingin sa kinatatayuan niya. Huling-huli nito ang panonood na ginagawa niya.
Lumapad ang ngiti ni Robert. Itinaas pa sa kanya ang isang kamay. Dama ni Besille ang pag-iinit ng pisngi niya. Hiyang-hiya siya na mahuli nito kahit hindi niya intensiyon na manubok. Nagawa pa rin niya na gantihan ito ng tipid na ngiti bago niya nakuhang lumayo sa bintana.
Inayos ni Besille ang hinigaan. Pinipigilan lang niya ang sarili na lumingong muli sa bintana. Nang makaligo siya at makapagbihis, nasilip niya na nagpupukpok naman si Robert. Sa takot na mahuli na naman nitong nakasilip siya, bumaba na lang siya sa komedor. Naabutan niyang nag-aalmusal na ang kanyang mga magulang. “Good morning, Daddy, Mommy.”
“Sumabay ka na sa ‘min, anak,” tawag ng kanyang ama.
Kakaiba ang sigla ni Besille nang umagang iyon. Pakiramdan niya kaya niyang ubusin ang lahat ng pagkaing nakahain sa dining table.
“Besille, tanungin mo nga mamaya si Tita Eufemia kung matuturuan ka niyang gumawa ng tapestry. Gusto kong maglagay no’n sa den,” sabi ng mommy niya.
“Mahirap ‘yon, Mommy. Baka hindi ko makaya.”
“Magaling naman siyang magturo, di ba? Tingan mo nga, nakakapag-weave ka na ngayon ng kumot na may design.”
Nang maisip ni Besille na nakina Lola Eufemia si Robert ay hindi na siya kumontra pa. Chance na iyon para mas mapalapit siya kay Robert. “Susubukan ko, Mommy.”
“Magandang hobby ‘yang natutunan mo, anak,” komento ng daddy niya bago ito tumayo. “Productive. Hayaan mo, maghahanap ako ng puwedeng mapagpagawaan ng loom para hindi ka na nakikigamit pa kay Tita Eufemia.”
Nagpasalamat siya sa ama pero napipilitan lang. Hindi niya gusto ang idea. Kung may sarili na siyang loom, hindi na siya makakapunta nang madalas kina Lola Eufemia. Mangangahulugan din iyon na less na ang chance na makakapag-usap sila ni Robert.
Tinapos na niya ang pag-aalmusal. Kating-kati na ang mga paa niya na makalipat kina Lola Eufemia. Kaya lang ay tinawagan siya sa phone ng kaibigang si Dey bago pa siya makalipat sa kabilang bahay. Sinagot na raw nito ang pinakaguwapong manliligaw. Nag-date na raw ang mga ito kahapon.
Kasing-edad lang niya si Dey. Pero nakakatatlong boyfriends na ito. Siya naman, kahit palihim, ay takot magpaligaw.
May isang oras na silang nag-uusap ni Dey sa phone nang madaanan siya ng mommy niya.
“Ano ba ‘yan, Besille? Hindi pa ba matatapos ‘yan? Baka may tumatawag dito sa bahay na importanteng call. Hindi tuloy maka-contact dahil sa pagtetele-babad mo.”
Napilitan na siyang tapusin ang pakikipag-usap kay Dey.

Besille & Robert COMPLETEDWhere stories live. Discover now