Farewell

5.1K 150 13
                                    

10

PINAGHAHAMPAS muna ng ina ni Besille si Robert bago ito nagawang awatin ng daddy niya. Nanatiling hindi kumikilos si Robert, tinatanggap lang ang mga paghataw ng kanyang ina sa katawan nito. Wala siyang tigil sa pag-iyak habang nakamasid lang at walang magawa.
“Umalis ka na!” utos kay Robert ng kanyang ama. Mabuti na lang at umawat ito sa mommy niya. Pinigilan ang mga kamay ng kanyang ina.
“Malinis po ang intensiyon ko kay Besille, Sir, Ma’am. Kahit kailan hindi ko po sinamantala ang anak ninyo,” nagawa pang sabihin ni Robert bago ito umalis.
“Walanghiya ka talaga!” talak naman ng kanyang ina. “Kahit kailan, hindi ako makakapayag na mapunta sa iyo ang anak ko!”
Walang nagawa si Robert kundi ang sulyapan siya bago ito tuluyang makalayo.
Umiiyak pa rin si Besille nang iwan niya roon ang mga magulang para pumanhik sa kanyang silid. Pagpasok niya roon ay nag-lock siya ng pinto. Isinubsob niya ang mukha sa kama. Doon niya ibinuhos ang lahat ng sama ng loob.
Mayamaya ay kinakatok na siya ng mommy niya. Dinig na dinig niya ang malakas nitong pagtawag sa pangalan niya. Hinayaan niya ito. Hindi siya kumilos man lang para pagbuksan ito ng pinto. Sa katagalan ay nagsawa rin ito at hindi na nagpilit pa.
Nang mahimasmasan ay humangos siya sa bintahang katapat ng kina Lola Eufemia. Nakita niyang nakaupo sa landing ng front porch si Robert. Nakasandal ito sa column ng porch at nakaharap sa bintana niya.
Naupo si Besille sa pasamano ng sliding window at nakipagtitigan kay Robert. Sinabayan ang kapanglawan nito ng pamamalisbis ng kanyang luha. Ngayon niya nararamdaman ang bigat ng kalungkutan ng kanilang separation ni Robert. Natatanaw man niya ito ngayon, alam niyang hindi rin magtatagal at mawawala na ito sa paningin niya. Iilang oras na lang ang mayroon sila, Iilang oras silang magtatanawan lang. Hindi man lang makapag-usap.
Ilang saglit muna ang dumaan at narinig niyang kumakanta na ito. Mahina lang. Pero malinaw na nakakaabot sa kanyang pandinig. Isang lumang ballad song ang kinanta nito, ang kantang Love Without Time.
Bawat titik ng kanta ay tila patungkol sa pag-iibigan nila ni Robert. Habang ang melody naman ay tila daing. It was haunting…poignant. Parang humahatak sa bawat hibla ng puso niya.
Wala na ba talagang puwang sa panahon ang pag-iibigan nila ni Robert?

PAGKATAPOS ihagis sa ataul ng malalapit na kamag-anak ni Mr. Banaag ang mga bulaklak na hawak ng mga ito, inihagis na rin ni Besille ang nag-iisang rosal na pinitas pa niya sa hardin nila bago siya magtungo sa memorial park.
Paalam…
Sinimulan nang ibaba ang casket at tinabunan iyon. Nagpapasalamat siya at hindi na siya napaluha. Naubos na yata ang luha niya sa ilang araw na pag-iyak dahil sa pag-alis ni Robert.
Naisip niya ang parallelism ng pagkamatay ni Mr. Banaag sa pag-alis ni Robert. Nakapagtataka na halos sabay pang nangyari.
Tiyak na mami-miss niya ang matanda. Pero higit pa roon ang lungkot at pangungulila na naramdaman niya sa paglayo ng kanyang nobyo.
“Umuwi na tayo,” pagyayaya ng kanyang ina nang magsimula nang mag-alisan ang mga nakipaglibing. Kumilos na siya para sumunod dito. Pero tinawag siya ng babaeng katiwala ni Mr. Banaag.
“Pinapupunta ka sa malaking bahay ng panganay na anak ng amo ko bukas ng hapon,” imporma nito sa kanya.
“Bakit daw po?”
“May ipinagbilin yata sa kanya ang namatay para sa iyo.”
Ipinagtaka iyon ni Besille. “Sigurado po kayong ako ang pinapupunta sa malaking bahay?”
“Oo. Ikaw si Besille Altamero, di ba?”
Tumango na lang siya, nagtataka pa rin. “Sige po, salamat.”

KINABUKASAN, hindi alam ni Besille kung ano ang dapat asahan sa muli niyang pagtungtong sa malaking bahay ng mga Banaag. Hindi na niya maalala kung kailan siya huling tumungtong doon. Ang natatandaan lang niya ay ang kapanglawan ng namayapang matanda nang huli silang magkausap.
Siya naman ang nilulukuban ng kalungkutan ngayon habang iginagala niya ang tingin sa loob ng malaking bahay.
Wala pa ring ipinag-iba ang kabahayan. Ngayon lang niya naisip, mula nang unang pagtungtong niya sa bahay hanggang ngayon ay wala pa ring nagbago roon. Palaisipan pa rin sa kanya hanggang ngayon kung bakit hinayaan ni Mr. Banaag na mabuhay ito sa nakaraan.
Kabaliktaran ito ni Lola Eufemia na sa kabila ng edad ay punung-puno pa rin ng buhay. Na walang inaaksayang sandali.
Dinala siya ng katiwala sa loob ng library. Nagtaka siya dahil walang nakitang tao roon. Binalingan niya ang katiwala.
“Umalis ang mga anak ni Mr. Banaag kaninang pagkatapos basahin ang testamento ng matanda,” paliwanag nito sa tahimik niyang pagtatanong. “Ibinilin na lang nila sa akin na ibigay sa iyo ang mga gustong iwan sa iyo ng namatay.” Itinuro nito ang patas ng mga librong nasa ibabaw ng malapad na oak desk ni Mr. Banaag.
Lumapit siya roon. Sa palagay ni Besille hindi iyon kukulangin sa labinlimang mga libro na pulos hardbound.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga aklat. Iyon ang mga libro na alam ni Mr. Banaag na gustung-gusto niya. Kasama roon ang unexpurgated na kopya ng Noli Me Tangere na may nakaipit pang mga papel na may scribbles ng matanda. Inilagay nito roon ang mga paliwanag sa mga bahagi mg libro na hindi niya maunawaan.
Biglang nagkaroon ng harang sa lalamunan niya. Namasa ang kanyang mga mata. May mga pagkakataon noon na naisip niyang parang bato at walang pakiramdam ang matanda kapag pinagagalitan siya. Nagagalit ito kapag hindi niya isinasauli sa takdang oras ang mga hiniram na libro.
Paanong naging unfeeling at insensitive ang isang tao na pinagtiyagaang sulatin at iwan para sa akin ang mga paliwanag sa mga bagay na hindi ko maintindihan?
Pumatak ang luha niya nang makitang kasama sa salansan ng mga libro ang Sonnets From The Portuguese ni Elizabeth Barrett-Browning. Ngayon niya natanto na ganoon pala siya kahalaga sa matanda.
“Siguro alam ni Mr. Banaag na napakahalaga sa iyo ng mga librong ‘yan kaya ipinamana sa iyo,” pukaw sa kanya ng katiwala sa tahimik niyang pag-iyak. “Teka, ikukuha kita ng plastic bag na paglalagyan mo ng mga ‘yan,” dagdag nito nang mapansin marahil na umiiyak siya.
Nang makatalikod na ang katiwala ay binuklat ni Besille ang unang pahina ng libro. May nakasulat doon. Sulat-kamay ni Mr.Banaag. To Besille. For the sake of the inevitable, irrepressible predicament one must go by.
Lalong nag-unahan sa pagpatak ang mga luha niya. Nauunawaan pala talaga ni Mr. Banaag ang nararamdaman niya.
   

Besille & Robert COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon