Digmaang Rosas

8.2K 183 5
                                    

DAPAT magkakasama ang mga abay sa iisang mesa nang nasa reception na sila. Pero tulad ng dapat asahan, napahiwalay si Besille. Kasama niya sa isang table ang kanyang mga magulang. Iyon ang gusto ng mga ito lalo na ng mommy niya. Ganoon na kahigpit ang mga ito mula nang magkaroon ng mga pagbabago sa kanyang katawan.
Bale-wala lang iyon sa kanya. Nakakahiya nga lang sa mga kapwa niyang abay. Siya lang ang napahiwalay sa grupo.
“Talagang malaki na ang dalaga mo, Juancho, at napakaganda.”
Napalingon si Besille sa nagsalita na nasa kanan ng kanyang ama. Si Lola Eufemia. Imbitado rin pala ang matanda.
“Mana ho sa ama,” pabirong sagot ng daddy niya.
“Pero bata pa ho si Besille namin,” sabad ng mommy niya na hindi na niya ipinagtaka. “Hindi pa puwedeng paligawan.”
“’Ku, eh, hindi mo mapipigil na maligawan ang ganyan kagandang dalaga. Sinisiguro ko sa inyo.”
Muli na namang napabahin si Besille. Mabuti na lang at hawak niya ang kanyang hankie. Pag-angat niya ng mukha, nakita niyang may katabi na si Lola Eufemia—ang lalaking kumanta sa simbahan. Nagtama ang kanilang mga mata. Pero nagbawi siya agad ng tingin. Nag-iinit na naman kasi ang mga pisngi niya.
Itinuon na lang ni Besille sa pagkain ang pansin. Hindi na niya maintindihan ang mga usapan at ingay sa paligid. Aware na aware siya sa lalaking ipinakilala ni Lola Eufemia na apo nito sa panganay na anak. Hindi nga siya nagkamali na ang apo ng matanda at ang boses na narinig niya nang umagang iyon ay iisa. Ito nga si Robert Zafra.
Kahit nakatingin siya sa kaharap na pinggan, lihim naman niyang pinagmamasdan si Robert mula sa sulok ng kanyang mga mata. Kung tama ang palagay niya, nasa mid-twenties ito.
Hindi pala ito kaguwapuhan. Pero may kung ano sa personalidad nito na natitiyak niya na nakakaangat sa ibang guwapo na makakatabi nito. Lalo pa nga na bagay na bagay sa malapad na pangangatawan nito ang suot na long-sleeved shirt. Kakulay rin iyon ng damit-pang-abay nila pero darker shade nga lang.
Katamtaman lang ang kapal ng mga labi ni Robert na ordinaryo lang ang hugis. May maliit at matangos itong ilong. Ang magaganda namang mata ay laging nakatago sa malalagong pilik. Para bang ayaw ipasilip kahit kanino ang kaluluwa nito.
Nakikihalo si Robert sa usapan sa kanilang mesa. Kontento naman siya na nakikinig lang sa magandang boses nito tuwing magsasalita.
“May anak po pala kayong dalaga,”dinig ni Besille na sinabi nito sa kanyang ama. Lumipad tuloy ang mga mata niya rito. Nagkatinginan na naman sila. Sa pagkakataong iyon, hindi na niya iniiwas ang mga mata. Kay lakas ng kabog ng dibdib niya habang nakatitig ito.
“Hindi pa dalaga itong anak namin,” sabad agad ng mommy niya. “Katorse pa lang itong si Besille.”
“So, second year high school ka pala pagpasok?” Iyon ang unang pagkausap sa kanya ni Robert.
“T-third year,” papiyok niyang sagot. Hinigpitan niya ang hawak sa kutsara at tinidor. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit tingin lang nito ay nanginginig na siya.
“Saang school?”
“R-Ramon Magsaysay.”
Tumango-tango lang ito, nakatingin pa rin sa kanya.
Tahimik na nagpasalamat si Besille nang mahilingan na muling kumanta si Robert. Nag-excuse ito sa kanila at tumayo na. Pumailanlang sa reception ang kanta ni Ariel Rivera na may pamagat na “Ikaw.”
Parang hinahaplos ang puso niya sa emosyong nakapaloob sa pagkanta ni Robert. Pakiramdam pa ni Besille, siya ang tinutukoy nitong ikaw.
Hindi na uli nakalapit sa kanila si Robert hanggang sa isa-isa nang mag-uwian ang mga bisita. Hindi niya ito nakitang nakisali sa pag-agaw sa tradisyunal na garter. Hindi rin siya pinayagan ng kanyang ina na sumama sa pagsalo nang ihagis na ang bridal boquet.
Kahit ganoon, lihim na natutuwa ang kanyang puso. Bago kasi sila umalis ay muli silang nagkatinginan ni Robert. Parang tahimik na paraan ng pagpapaalam nila sa isa’t isa.
Pag-uwi ng bahay ay nakaramdam na si Besille ng pananakit ng ulo. Maya’t maya na rin ang bahin niya.
“’Yan ang napala mo sa kakababad sa banyo,” sermon ng kanyang ina. “Uminom ka ng gamot at magpahinga ka.
Sinunod naman niya ito. Siguro, sa lahat ng pagkakataon na nasipon siya, noon lang niya iyon ikinatuwa. Walang iistorbo sa kanya sa silid. Tahimik siyang makakapag-daydreaming sa kanyang bagong crush—si Robert.

IPINASASAULI kay Besille ang VCDs na ni-rent ng kanyang ama sa Video City nang umagang iyon. Kaya pagkatapos mag-almusal ay inilabas niya agad ang bike niya. Pero hindi agad siya nakatuloy. Palabas na siya ng gate nang dumating sina Jackie at Mig sakay ng kotse.
“Besille, huwag ka munang umalis!” sigaw ni Jackie na sumungaw mula sa bintana ng passenger side. May sampung araw na mula nang tumulak ang mga ito patungo sa El Nido, Palawan para sa honeymoon.
Tuwang-tuwa na kinawayan niya ang mga ito. Ibinalik niya ang bike sa garahe.
“Madami kaming pasalubong sa iyo,” sabi ni Jackie nang makababa na ito at si Mig ng kotse. Sa excited na yakap nito sa kanya ay halatang nag-enjoy nang husto sa honeymoon. Magkakasabay na silang pumasok sa loob ng bahay. Bakas sa mukha at kilos ni Jackie ang labis na kaligayahan.
“Kumusta ang honeymoon?”
“Marvelous!” Duet pa sa pagsagot ang mag-asawa.
“Kahit lagi lang akong kinukulong sa kuwarto nitong pinsan mo,” pilyong dagdag ni Mig.
“Honey, baka kung saan pa mapunta ang kuwento mo. Mamaya niyan, marinig ka ni Tita Beth,” nakangising paalala ni Jackie kay Mig na ikinahalakhak nito.
“Wala naman si Mommy, nag-grocery.”
“Doon tayo sa room mo. Madami akong ikukuwento sa ‘yo.” Binalingan ni Jackie ang asawa. “Honey, doon ka muna kay Tito Juancho.”
“Hon, paalala lang, huwag mong i-pollute ang isip niyang pinsan mo. Sabi nga ni Tita Bethsaida, bata pa si Besille.”
Binale-wala lang ni Jackie ang pambubuska ng asawa. Hinatak siya nito at tumuloy silang dalawa sa kanyang silid.
Sa mga pinsan niya, kay Jackie siya pinaka-close kahit malaki ang age gap nila. Twenty-three na ito.
“Spill it out, cousin,” walang pasakalyeng sabi ni Jackie nang nasa loob na sila. Basta na lang nito inihagis ang bitbit na malaking shopping bag sa ibabaw ng bean bag na nasa isang sulok at sumalampak ito sa kanyang kama. Tumabi siya sa pinsan.
“Ang alin?” nalilitong tanong niya.
“Ang dahilan ng kakaibang glow sa mga mata mo. Kilala kita, ngayon ko lang ‘yan nakita sa iyo. Nakakapanibago.”
“Wala naman, ah,” sagot niya pero nag-iinit ang kanyang mukha.
“Anong wala? Ayan ang ebidensiya.” Itinuro ni Jackie ang mukha niya. “Bigla kang nag-blush. So guilty ka nga.”
“Eh… ahm… huwag mo pala akong isusumbong kay Mommy.”
Pumalatak si Jackie. “Sabi ko na nga ba. Ano, boyfriend mo na?”
“Ano? Grabe ka naman. Minsan ko pa nga lang nakita.”
“Sino ba?”
“’Yong… ‘yong singer sa kasal n’yo,” medyo nahihiya pang pag-amin niya.
Nanlaki ang mga mata ni Jackie. “Si Robert?”
Nahihiya pa rin na tumango si Besille.
“Pambihira. Akala ko pa naman ‘yong escort mo na ang na-crush-an mo. Eh, kasing edad na ng asawa ko si Robert, ah.”
“Kakilala siya ni Mig?”
“Close friends pa ‘kamo sila.” Hinawakan siya ni Jackie sa braso. “Besille, twenty-six na si Robert. Ibig sabihin no’n, twelve years ang age gap n’yo.”
“Puwede bang piliin kung sino ang gusto mong maging crush?”
Nagkibit ito ng balikat. “’Sabagay, crush lang naman.”
“Hindi mo naman ako naiintindihan, eh.”
Pinandilatan siya ni Jackie. “Sobra pa sa crush?”
“Ewan ko ba kung ba’t ganito ang nararamdaman ko sa Robert na ‘yon,” sabi niyang nakayuko. “Gusto ko laging naririnig ang boses niya. Kung puwede lang lagi ko siyang makita. Pero nahihiya naman ako ‘pag tinitingnan niya. ‘Paggising ko pa lang sa umaga, naiisip ko na siya. Bago ako matulog sa gabi, siya pa rin ang nasa utak ko. Pati mga panaginip ko nai-invade niya na.” Huminga siya nang malalim at muling tumingin sa pinsan. “Tell me, Jackie, ano bang dapat kong gawin? Nahihirapan na ako.”
Nakatulala lang ito sa kanya na parang hindi makapaniwala.
Dinunggol niya ito sa balikat. “Ano ba? Kailangan ko ng tulong mo. Expert ka sa mga ganito, di ba?”
Napailing-iling si Jackie. Napasuklay sa buhok at napabuntong-hininga, sabay eksaheradong pinagalaw ang mga balikat. “My God, Besille! Lethal ang dumapo sa ‘yo.”
Siya naman ang napatunganga rito. Wala rin yata itong magagawa sa kanyang mabigat na problema. Oo, problema para sa kanya ang ganitong feeling. Apektado siya nang husto twenty-four-seven. Helpless na nangalumbaba siya habang hawak ng isang palad ang siko.
“Kung tama ang pagkaka-diagnose ko, pinaghalo-halong puppy love, love at first sight at first love ang nangyayaring ‘yan sa iyo.”
“And?” helpless pa rin na sabi niya.
“Ikaw siyempre ang magde-decide. Gusto mo bang mawala ang feeling na ‘yan o gusto mong magpatuloy?”
Hindi agad nakasagot si Besille. Ayaw niyang mawala na lang basta si Robert pero nahihirapan naman siya sa nararamdaman para dito.
“Mas maganda siguro kung hindi mo muna siya makikita. Hayaan mo munang mag-subside ang initial impact ng puppy love na ‘yan.”
“Pero ngayon pa nga lang nami-miss ko na siya…”
“And you have to suppress the feeling para hindi makahalata si Tita Beth,” sympathetic na dugtong ni Jackie.
“Yeah…”
“I-busy mo muna ang sarili mo sa ibang bagay. Meet some friends. Find something new to do. Humanap ka ng kahit anong activity na puwede mong maging hobby para mabaling doon ang pansin mo.”
“Sa palagay mo makakatulong ‘yon?”
“Kahit konti siguro, oo.”
Siya naman ang nagbuntong-hininga.
“Alam mo, kung nasa legal age ka lang, kabaligtaran ng mga sinabi ko ngayon ang ia-advice ko sa ‘yo. Kahit pa saksakan ng higpit sa iyo sina Tita Beth at Tito Juancho.”
“Bakit kasi huli na ‘kong pinanganak?” himutok ni Besille.
Humagikgik si Jackie. “’Yan, ganyang-ganyan din ang sentimyento ni Sharon sa pelikula nila ni FPJ.” Tumayo na ito at kinuha ang shopping bag na binitiwan kanina. “Come, kalimutan mo muna ang digmaang rosas d’yan sa dibdib mo. Tingnan mo kung magugustuhan mo ang mga pasalubong ko sa iyo.”

Besille & Robert COMPLETEDWhere stories live. Discover now