Of Revelation and Firsts

6.3K 161 27
                                    

ORAS NA ng uwian. Nagpaalam si Dey kay Besille. Hindi raw ito sasabay sa kanya dahil ihahatid daw ng kaklase na kabungisngisan nito. Hinayaan na ni Besille na mauna sa kanya ang mga ito.
Nagugutom na talaga siya at nauuhaw pa kaya dumaan muna siya sa canteen. Hindi talaga niya bet na sumabay sa agos ng maraming estudyanteng lumalabas tuwing uwian.
Milkshake lang ang in-order ni Besille. Baka hindi siya makakain sa tanghalian kapag nagpakabusog siya.
Pagkaubos ng milkshake ay lumabas na siya ng campus. Nagtiyaga siyang maghintay ng tricycle. Wala na noon ang mga nakapilang tricycle sa tagiliran ng school.
Hindi pa siya gaanong natatagalang maghintay nang may tumawag sa pangalan niya. “Besille!” sabi ng malamyos na boses.
Si Robert pala ang tumatawag sa kanya. Nakangiti ito. Ngiti na nagpakislot na naman sa dibdib niya.
“Sabay na tayo sa pag-uwi.”
“S-sige… Sir.”
“Wala talagang choice kundi tawagin mo akong “sir” kapag ganitong nasa campus tayo.” Nabawasan na ang ngiti nito. Nagsilbing reminder iyon na hindi sila magkapantay ni Robert. Hindi sila magkaedad.
“Hindi mo nasabi sa akin na teacher ka pala, na dito ka sa school na to magtuturo.”
Hindi nito pinansin ang panunubat niya. Sa halip, giniyahan siya nito sa papalapit na tricycle. Sumakay na siya at tumabi naman ito sa kanya.
Ang saya-saya niya kahit hindi sila makapag-usap ni Robert dahil maingay ang motor ng nasakyan nila. Wish niya na sana araw-araw silang magkasabay kahit na sa uwian lang.
Isang simpleng “sige” lang ang sinabi sa kanya ni Robert bilang pamamaalam nang bumaba na sila ng tricycle. Pakiramdam ni Besille, daig pa nito ang nagtapat ng pag-ibig nang saglit nitong hinuli ang mga mata niya bago siya pabaunan ng matamis na ngiti.
Mainit na naman ang pakiramdam ng mukha niya na tiyak niyang namumula. Hindi siya nag-iwas ng tingin. Super sweet smile din ang ipinabaon niya kay Robert.
“Anong nginingiti-ngiti mo d’yan?” sita ng mommy niya nang nasa loob na siya ng bahay.
Bigla siyang nag-alala. “W-wala po, Mommy.”
“’Oy, Besille, baka naman ngayon pa lang umaalembong ka na.”
“Naku, hindi po, Mommy. Sabi n’yo nga bata pa ‘ko.”
“Hala, kumain ka na. First day pa lang ng klase, tinanghali ka na agad ng uwi,” sabi nitong parang nagdududa.
Naisip tuloy ni Besille, na dapat pala siyang mag-ingat nang husto. Habang tumatagal, lumalala ang kahitpitan ng kanyang ina. ‘Hirap naman ng ganito, himutok niya. Tinatago ko na nga ang feelings ko kay Robert, ngayon naman, mas dapat ko ding itago kay Mommy.
Ganoon nga ang ginawa niya. Kahit kay Dey hindi niya magawang ipagtapat ang tungkol sa secret feelings niya sa Chemistry teacher nila. Takot na takot siya na makalabas ang kanyang lihim. Kapag nahihirapan na siya, ang pinsan niyang si Jackie ang kanyang pinagsasabihan.

“ANG GANDA!” Bulalas ni Besille nang makita ang bagong biling tuta ni Robert. Isang puting poodle iyon na tila bulak ang balahibo.
Sumapit ang kaarawan ni Lola Eufemia nang hindi ito naghanda. Ayon kay Robert, ganoon daw talaga ang matanda mula nang mamatay ang asawa. Kaya naman nagpagawa na lang siya sa kanyang ina ng flower arrangement sa isang basket at iyon ang ireregalo niya sa matanda.
“I’m glad you like it. Lalaki ito. Kapag nakakita ako ng isa pang ganito, bibili uli ako, ‘yong babae naman. Para puwedeng mag-breed.” Kinuha nito ang tuta sa doghouse at iniabot sa kanya.
“He’s so soft. I love him already.” Natutuwa na idinikit-dikit niya sa pisngi ang mabalahibong katawan ng tuta. Idinikit pa niya ang ilong dito. Dinilaan siya ng tuta sa mukha at napahagikgik siya. Pinagsawa muna niya ang sarili sa paghimas sa tuta bago niya ibinalik kay Robert.  “I’m sure natuwa si Lola Fem sa regalo mo.”
“Yeah. Napaka-appreciative na tao si Lola. Lahat ng ibigay ko sa kanya, ikinakatuwa niya. That reminds mo, wala pa nga palang pangalan itong puppy. Puwede bang ikaw na ang magpangalan sa kanya?”
Lumapad ang ngiti niya sa katuwaan. “Why, it’s an honor for me.” Sa dami ng mga araw ng pagde-daydreaming niya kay Robert, naisip na niya noon pa kung ano ang magiging pangalan hindi lang ng magiging mga anak nila kundi pati na ng magiging pets nila. “How about ‘Silver’?”
“Silver,” napapatangong sabi ni Robert. “That’s nice. Kahit puti ang kulay niya, bagay pa din siyang tawaging ‘Silver’.”
“Ang totoo, ang “silver” ay coinage ng kanilang mga pangalan. Kinuha niya ang “sil” sa Besille at ang “ver” sa katunog na ber ng Robert.
“So you are now ‘Silver Zafra,” sabi nito sa tuta. Nagkatawanan tuloy sila.
Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan at nalibang sila sa oras. Kung hindi pa nito iniabot sa kanya ang basket ng mga bulaklak na inilapag niya sa tabi ng doghouse, marahil nalanta na iyon bago pa makarating kay Lola Eufemia.
Pag-alis niya sa bahay nito, nagtuloy agad siya sa kanyang silid at kinuha ang librong hiniram niya kay Mr. Banaag. Deadline na niya bukas sa matanda kaya dapat na niyang isauli iyon.
Bago siya magtuloy sa malaking bahay, dumaan muna siya sa isang photocopying outlet at ipina-photocopy ang ilang bahagi ng libro na nagustuhan niya.
Napansin niya ang pananamlay ni Mr. Banaag nang makarating siya sa bahay nito. Nakaupo ito sa tumba-tumbang narra sa balkonahe at nakatanaw sa labas. “May masakit po ba sa inyo?” nag-aalalang tanong niya sa matanda.
Wala man lang pagbabago sa facial expression nito nang tingnan siya. “Dinaya mo ako. Ang Sonnets From The Portuguese pa rin pala ang dinala mo imbes na ‘yong librong iniabot ko sa iyo,” sumbat nito sa halip na sagutin ang tanong niya.
“Sorry po.” Nahihiya na nagbaba siya ng tingin. “Isosoli ko na po ito ngayon. Kung ayaw n’yo na po akong pahiramin ulit, maiintindihan ko po.”
Tumingin lang ito sa kawalan. “Ibalik mo ‘yan sa dati mong pinagkuhanan. Kunin mo uli ang The Cry Of The Children at iyon ang basahin mo. Ke bata-bata mo pa…”
Ilang saglit na nakatunganga lang siya rito bago siya kumilos patungo sa mini-library.

Besille & Robert COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon