King & Queen Of Hearts

5.2K 135 20
                                    


GANOON na lang ang pagsisikap ni Besille na pigilin ang sarili na sugurin ng yakap si Robert. Pinipigilan din niya ang sarili na mapaiyak sa bugso ng labis na kaligayahan.
He looked so handsome smiling at her like that. Ayaw niyang ialis ang tingin sa guwapong mukha ni Robert. Ni ayaw niyang kumurap sa takot na panaginip lang ang lahat at bigla na lang itong mawala.
Parang idinuduyan sa ulap ang kanyang mga paa habang nasa bisig siya nito at nagsasayaw sila. Nakakaramdam siya ng masarap na kilabot… ng masarap na init. Init na sa taong ito lang niya gustong maramdaman.
Did I dream that we danced forever
In a wish that we made together
On a night that I prayed would never end…
His voice haunted her even in her dreams. Dalawang taon bago niya muling narinig ang boses ni Robert at nakita ang guwapo nitong mukha.
I’m the King and you’re the queen of hearts…
Gustong magprotesta ni Besille nang pagkatapos ng kanta ay ibalik na siya ni Robert sa daddy niya. Bumati lang sa kanya at nawala na ito sa paningin niya.
Nang magkaroon siya ng pagkakataon, hinanap niya si Robert sa lahat ng sulok ng bulwagan. Pero nakarating na siya sa labas ng bahay ay hindi pa rin niya ito makita. Bumalik siya sa loob at nilapitan si Lola Eufemia. “Nagpaalam po ba sa iyo si Robert, Lola Fem?”
“Aba’y hindi. Nakita ko lang kanina na kausap ni Bethsaida pagkatapos niyang kumanta.”
Masama ang kutob ni Besille. Baka pinagsabihan na naman si Robert ng masasakit na salita ng mommy niya.
Lalapitan niya sana ang ina para usisain nang hatakin siya ni Minnie sa isang tabi. “Nakita mo ba si Robert?” tanong niya agad bago ito makapagsalita.
“Tungkol nga sa kanya ang sasabihin ko kaya kita gustong makausap.”
“Nagkausap kayo? Nasa’n siya?”
“Besille,” sabi nito na tila tinatantiya ang pagpa-panic niya. “Nadinig ko ang pinag-usapan nila ng mommy mo.”
Nahuhulaan na niya kung ano ang mga sinabi kay Robert ng kanyang ina. Nanghihina na napaupo na lang siya sa isang silya. Pinisil ni Minnie ang isang balikat niya sa tahimik na pangongonsola. Biglang sumungaw ang luha sa mga mata niya.
“Ayokong ma-spoil ang party mo, friend. Mamaya ko na lang ikukuwento sa iyo ang lahat.”
“No! Na-spoil na ang party mula nang mawala na si Robert. Sabihin mo na sa akin ngayon. It doesn’t make any difference, Minnie. Nawalan na ako ng gana.”
Nag-aalangan man ay itinuloy ni Minnie ang pagkukuwento. “Narinig ko na pinagbabawalan niya na magpatuloy makipagkita sa iyo si Robert. Kahit kailan daw, hindi siya makakapayag na mapunta ka sa lalaking ‘yon. Madami pang masasakit na salita na sinabi ang mommy mo kaya siguro umalis na lang nang walang paalam si Robert.
“Pati nga ako pinagalitan niya. Bakit daw isinama ko sa program ang pagkanta ni Robert. Hindi na nga lang ako sumagot sa kanya. Ginawa ko lang naman ‘yon para ka sumaya.”
Niyakap niya si Minnie. Tuloy-tuloy nang pumapatak ang luha niya. “I was. Minnie. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya kaninang makita ko siya. Salamat. Maraming salamat sa efforts mo. Sobrang napasaya mo ‘ko.”
“Wala ‘yon. Sayang nga lang at lumungkot ka na naman.”
Tumayo na si Besille, sinisikap na patatagin ang loob. “Papasok na ‘ko sa room ko. Ikaw na sana ang bahala na magpaliwanag kay Daddy at sa mga bisita. Kapag si Mommy ang nagtanong sa ‘yo, sabihin mo na ayokong paistorbo sa kanya.”
“Besille,” tawag ni Minnie hindi pa man siya nakakalayo. “Don’t do anything foolish.”
Malungkot na ngumiti siya. “I won’t. Gusto ko pa na magkita kami ulit ni Robert.”
Pagpasok ni Besille sa kanyang silid, nakita niya ang isang malaki at kabubukadkad na rosal sa ibabaw ng kanyang kama. Bumilis na naman ang tibok ng dibdib niya. Kinuha niya iyon at sinamyo. Noon niya nakita na may kasama palang note at singsing ang bulaklak. Binasa niya ang note.
I shall wait and collect my due of a proper kiss…
Inilagay siguro iyon ng nobyo niya bago ito kausapin ng kanyang ina. Robert… I wanted to kiss you, too. Dinampot niya ang singsing.
Nakangiti kahit lumuluha na isinuot niya ang emerald-cut diamond ring na ang band ay gawa sa platinum gaya ng unang ibinigay sa kanya ni Robert.
Dinala niya ang ring finger na may singsing sa kanyang mga labi gaya ng tiyak niyang gagawin ni Robert kung ito mismo ang nagsuot niyon sa kanya.

“ANO PO ang mga ito, Lola Fem?” nagtataka na tanong ni Besille nang isang araw ay nilapitan siya nito. Iniabot nito sa kanya ang isang katamtaman ang laking flat na supot.
“Bigay sa iyo ‘yan ni Roberto. Pasensiya ka na, nieta, nagselos lang naman ako sa pansin na ibinibigay niya sa iyo.”
Nalito at nagulat siya sa sinabi nito. “Ano po’ng ibig n’yong sabihin, Lola?”
“Paano, nagagawa ka niyang sulatan samatalang ako, kahit sulat na kasing-iksi ng telegrama, hindi niya magawang sulatan. Pero tumawag siya sa akin. Kung hindi pa niya ako nabisto na ipinagkakaila ko lang ang mga ‘yan, nunca na ibigay ko sa iyo.” Pagkatapos ay nagmartsa na ang matanda pabalik sa bahay nito.
Nasundan na lang ito ng tingin ni Besille. Nag-uulyanin na yata si Lola Eufemia.
Nang buklatin niya ang supot, naroon at selyado pa ang tatlong sulat sa kanya ni Robert na nawawala mahigit dalawang taon na ang nakakaraan.

Besille & Robert COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon