Diverged

5.2K 128 2
                                    

11
NAGSIMULA nang magbukas ang bagong semestre. Nakilala ni Besille si Minnie, isang bagong kaklase na agad niyang nakagaanan ng loob.
Mula nang umalis noon si Dey ay wala na siyang naging kaibigan na kagaya ng closeness niya rito.
Masayahin din si Minnie gaya ni Dey noon. Kikay rin. Pero ang pagiging kikay ni Minnie ay hanggang pagbibiro lang. Mas conservative ito kaysa kay Dey. Mas nagkakaintindihan sila ni Minnie. Marami silang pagkakapareho, sa paniniwala man o sa mga interes. They traded secrets. Naging malapit din agad si Minnie sa pamilya nila at maging kina Jackie.
“Ano, sumulat na ba?” tanong nito isang araw na nagkasabay sila sa gate ng university na pinapasukan nila. Si Robert ang tinutukoy ni Minnie. Naikuwento na niya rito ang tungkol sa boyfriend niya.
“Hindi pa nga, eh.”
“Pero tinawagan ka na?”
Nagbuntong-hininga siya. “Hindi ‘yon tatawag. Baka nga naman kasi si Mommy ang makasagot ng tawag niya.”
“Alam mo, ang corny ng mommy mo. Eh, ano naman kung makipagrelasyon ka kay Robert? Sa mga kuwento mo naman, mukhang nice catch siya. Ano ba ang ayaw ng mommy mo sa kanya?”
“Hindi lang si Robert ang ayaw ng mommy ko. Lahat ng lalaki. Walang lalaki na papasa sa kanya hanggang hindi ako nakakapagtapos ng college.”
“Over naman siya. Hindi na uso ngayon ‘yon. Nasa elementary pa nga lang ngayon, nagkaka-syota na, ikaw pa kaya na nasa college?”
“Wala naman akong magagawa. Hindi ako puwedeng sumuway kay Mommy. Minor pa ako.”
“Loka, may magagawa ka. Bakit hindi ikaw ang unang sumulat o unang tumawag kay Robert? Natatakot lang siguro 'yon na maharang ng mommy mo kaya hindi siya sumusulat sa iyo hanggang ngayon.”
“Ang problema nga, bago maibigay ni Robert ang address at phone number niya, nahuli na kami agad nina Mommy.
“Akala ko ba kapitbahay n’yo lang ang lola niya?”
“Ayaw nga ding ibigay sa ‘kin, eh. Wala daw sinasabi sa kanya si Robert. Ayaw din daw niya na maging traydor kina Mommy.”
“Hay naku, paano na? Maghihintay ka na lang kung kailan ka maaalala ng Robert na iyon na tawagan ka o sulatan. Medyo nagdududa na tuloy ako. Mahal ka ba talaga no’n?”
Nasaktan siya sa sinabi ni Minnie. Kombinsido siya sa sinseridad na nakita niya sa mga mata ni Robert noong huli silang mag-usap. At dahil iyon ang basehan niya, nakapagtataka kung bakit magtatatlong buwan na pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakikipag-communicate muli.
“Pupunta na lang siguro ako sa bahay nina Jackie. Baka may balita do’n since common friend namin sila ni Robert. Baka sakali lang na may balita do’n.”
Nang Linggo ngang iyon ay dumalaw siya sa bahay nina Jackie. Dumating siya na nagsambulat ang mga laruan at gamit hindi lang sa silid ng anak nito kundi pati na sa den; naglalaro ang dalawa.
“Hi, Tita Besille! Long time no see, ah. Bakit ngayon ka lang nagpakita dito?” bati sa kanya ni Jackie habang nakikipaghilahan sa anak.
“Hello, little rascal.” Kinuha niya ang malikot na pamangkin at pinaghahalikan. Na nagpilit na makaalpas sa pagkakahawak niya habang tawa nang tawa.
“Tumawag si Robert kay Mig. Kinukumusta ka. Nagtataka daw bakit hindi mo sinasagot ang mga sulat niya.”
Hinayaan niya ang nag-uumalpas na paslit sa ina nito. Ipinasa naman ni Jackie ang bata sa yaya at inakay siya patungo sa sala.
“Paano ako sasagot sa mga sulat niya? Wala naman akong natatanggap kahit isa. Kaya nga pumunta ako dito ngayon. Hoping ako na may balita sa kanya.”
“Ang sabi nga ni Mig, baka daw may humarang sa mga sulat.”
“You mean, sa bahay namin niya pinabagsak ang mga sulat?”
“Hindi, do’n kay Lola Eufemia.”
“Imposible naman na hindi ibibigay ‘yon sa akin ni Lola Fem. Napaka-understanding ng matandang ‘yon sa relasyon namin ni Robert. Binigay ba niya kay Mig ang phone number niya sa Cebu?”
“Oo. Wait lang, kokopyahin ko sa phone book namin.” Iniwan siya nito at pagbalik dala na ang kapirasong papel na kinasusulatan ng phone number ni Robert. Maingat na isiniksik niya iyon sa wallet matapos basahin nang ilang ulit. Kailangang masaulo niya ang phone number.
Hindi siya nagtagal kina Jackie. Hindi na rin niya napagbigyan ang pag-aaya nito na mag-merienda. Kahit na gusto niyang gamitin ang pagkakataon na doon na tumawag, nagpasya siya na bumili na lang ng phone card. Long distance call ang gagawin niya at nakakahiyang makipagbabaran sa telepono.
May telephone booth malapit sa binilhan niya ng phone card kaya nakatawag siya agad. Magkahalo ang kanyang kaba at antisipasyon habang pinakikinggan ang pag-ring ng telepono sa kabilang linya.
May sumagot pagkatapos ng limang ring pero babae. Nagkakaingay pa sa background. Parang may party.
“H-hello?” sagot niya. “Puwede po ba kay Robert?”
“Sino ‘to?”
“Si Besille po.”
“Sinong Precille.” Sa kaingayan yata ng background kaya nahihirapan itong intindihin siya.
“No, it’s Besille, k-kaibigan po niya dito sa Manila.”
“I’m sorry, kaaalis lang kasi ni Robert. May inihatid sa Mactan Airport. Baka mamayang gabi pa ‘yon makabalik.”
Laglag ang mga balikat ni Besille. Nandoon na, eh. Nakakonekta na siya. Ang saklap lang na wala si Robert. “Gano’n po ba? Sige po, salamat. Pakisabi na lang po sa kanya na tumawag si Besille from Manila.”
Naiiyak siya sa nararamdamang frustration ng mga oras na iyon. Sumubok na si Robert na sulatan siya pero hindi naman niya natanggap. Siya naman ang sumubok na tawagan ito pero nagkataon na wala ito sa bahay.
At sino ang babaeng nakasagot ng tawag niya? Nag-iisang anak lang naman si Robert. May ibang girlfriend pa ba ito bukod sa kanya? Lalo siyang naghimutok.
Nang makauwi, sa bahay ni Lola Eufemia siya tumuloy sa halip na dumiretso nang uwi sa kanila. Tinanong niya ang matanda kung may sulat na natatanggap kay Robert para sa kanya.  Itinanggi iyon ni Lola Eufemia. Wala raw itong ipinadadalang sulat. Hindi raw nito inaasahan iyon dahil tamad itong sumulat.
Bigo na naman siya.
Dahil hindi naman siya makakapuslit sa kanila kung gabi, kinabukasan na ng umaga siya nagkaroon ng pagkakataon na muling tawagan si Robert. Babae na naman ang nakasagot pero parang may edad na ang boses. “Good morning po. Puwede po bang makausap si Robert?”
“Sino ba ‘to?”
Parang hindi friendly ang isang ‘to. Si Besille po, from Manila.”
“Anong kailangan mo sa anak ko?”
Napakagat-labi siya. Naisip dapat niya na ito ang mama ni Robert. Sa pagkakatanda niya rito, hindi ito nahuhuli sa katarayan ng kanyang ina. “Ahm, eh… m-mangungumusta lang po.”
“Natutulog pa siya. Sasabihin ko na lang ang pangungumusta mo.”
“Salamat p—” Nawala agad ito sa kabilang linya.
Parang gusto nang sumuko ni Besille. Tila kahit ang tadhana ayaw rin silang magkatuluyan ni Robert.

Besille & Robert COMPLETEDDonde viven las historias. Descúbrelo ahora