ABAKADA

91 3 0
                                    


Murang isipan mga matang kababakasan ng kainosentihan
Tanging hangad ay laruang baril barilan
O makakain sa Jollibee kahit minsan lang
Palaging umaasam ngunit kailanman ay hindi mapagbigyan

Dala ng kahirapan kahit hindi dapat, kumakayod upang maging sapat
Pagkain sa hapagkainan na papawi panandalian sa kumakalam na tiyan
Tuwing umaga babangon ng maaga, hindi upang pumasok sa eskwela
Kundi upang magtinda ng sampaguita o mangalakal ng basura

Mapapatingin sa isang pamilyang masaganang kumakain
Sa loob ng mamahaling kainan na madalas madaanan
Butil butil ang pawis sa dumi ay nanlilimahid
Ilang beses mapapalunok sa sobrang pagkatakam at pagod

Madalas matigilan habang pinagmamasdan mga batang kaidaran
Malilinis ang kasuotan habang masayang naghahabulan patungong paaralan
Mapapayuko ng ulo hindi makatingin ng diretso
Sa kadahilanang.. Pilit ikinukubli munting panibugho sa puso

Pangarap na makapag aral tulad ng ibang bata
Na kay ilap makamit, nawawalan na ng pag asa
Mithiing matutong sumulat at bumigkas ng mga letrang...
A BA KA DA

A ...

Awit ng buhay sa panig niya'y kay lumbay

Ba..

Batang yagit na salat sa pamumuhay

Ka..

Kailanman ay hindi tumitigil mangarap

Da..

Dalangin nya sa maykapal...
Kumita ng maraming salapi upang makapag aral

Marunong magpahalaga sa bawat butil ng kanin
At sa maliit na sentimong kikitain
Edukasyon ay kayamanan, batid ng isipan
Hindi malabong sa isang pagkakataon kung magkakaroon lamang

Munting yagit ay lalabong tulad ng isang mayabong na puno
Huwag lamang madurog ng paulit ulit sa pagkabigo ang batang puso
Ngunit sino ba ang makatutulong sa kinakapos?
Kung wala man lang isang lilingon dito sa batang musmos

POEM LOVERWhere stories live. Discover now