CHAPTER 10

1.8K 56 1
                                    


"Tigilan mo nga ang kakatukso sa amin ni Roland," sabi ni Kyle kay Janet habang nakaupo sila sa papag sa gilid ng bahay nila at kumakain ng siopao na libre ni Janet. "Nakakapikon ka na talaga."


Binigyan siya ni Janet ng masamang tingin. "Bakit hindi mo ba crush si Roland? Denial Queen ang isang ito."


"Crush kung crush pero alam naman nating ikakasal na sila ni Ate Mary Jane."


"Ikakasal daw? Wala pa ngang napag-usapan eh. Siguro baka nalilito pa si Roland. Pagkatapos ba naman ng gulong ginawa niyong dalawa, siguro naman magdadalawang-isip rin 'yong lalake."


Natahimik siya. Sabagay, may punto si Janet. Hindi talaga maganda ang ginawa ng pinsan nila. Mabait nga si Roland at hindi nanunumbat.


"At pasalamat ang bruha nating pinsan dahil walang nagsumbong ng tungkol sa DJ. Dahil kung meron, goodbye Philippines talaga 'yan kay Roland," patuloy ni Janet.


Minsan nangangati nga rin siyang magsumbong kay Roland, pero kasi si Mary Jane kasi ang kadugo niya. Kahit masama ang ugali ng pinsan paminsan-minsan ay marami rin naman silang magandang pinagsamahan. Kapag umuuwi eto galing sa trabaho ay palagi naman silang may pasalubong na magkakapatid mula dito. At sa unang suweldo noon ni Jane, binigyan siya nito ng isanglibo, tulong daw nito sa pangbili niya ng libro.


Maya-maya ay dumating si Jaime na may dalang isang cake.


"Bakit nandito ang suwail?" tanong ni Janet sa kakarating.


Nagbigay ng nahihiyang ngiti si Jaime. "Gusto lang bumisita. Masama ba?"


"Masama." Binigyan niya ang lalake ng nangdidiring tingin.


Umupo eto sa gilid niya at nang-akbay. "Sorry na, babe. Trip lang 'yon."


Iniwas niya ang balikat dito at nag-excuse sandali. Pagbalik niya ay dala niya ang isang itak. "Aalis ka ngayon din o tatagain kita."


"Babe naman."


"Isa!" sigaw niya. Tinusok-tusok niya eto sa saging na nakatayo sa malapitan.


Walang imik na umalis ang lalake.


Napahalakhak sila ni Janet. Hindi talaga ma-drowing ang takot sa mukha ni Jaime.


Pero kung akala niya ay tuluyan na siyang layuan ni Jaime, nang sumunod na araw ay bumalik na naman eto. Ang nanay nga niya ang niligawan para mapaamo siya. Deadma. Pumunta siya sa bahay ng lola niya at doon nakilaro ng tong-its kasama si Janet, Ramon at Roland sa ilalim ng mangga.


"Paano kami hindi matatalo niyan, nagpapakitaan kayo ng baraha sa isa't-isa," sabi ni Janet sa kanila ni Roland.


Napahalakhak siya. Nilalambing nga niya ang piloto na ibigay sa kanya ang mga kailangan niyang baraha.


"Palit ng upuan!"sabi ni Janet. "Baka mamaya magkandungan na ang dalawang 'yan eh!"


"Oo nga. Ang daya ng mga eto," sabad naman ni Ramon. "Tawagin nga si Mary Jane doon para bantayan ang baraha ni Roland."


Binigyan niya ng masamang tingin ang dalawa sabay tulak kay Ramon para palit sila ng upuan. Napakamalisyoso! Si Janet nga nakikipaghuntahan din kay Roland minsan at wala naman siyang reaksiyon pero kapag sila ni Roland magbiruan, isyu na. Nakakainis!

The Fake CorpseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon