Part 10

2.8K 106 3
                                    

PAKIRAMDAM ni Lenlen, nagkakaisa ang ang puwersa ng universe para madagdagan ang timbang niya. Hindi pa man nagsisimula ang plano niyang magbawas ng kain, hayun at parang gusto na siyang busugin ng mga tao sa paligid niya.

Una si Sir JC sa lunch.

Pagdating ng lampas alas tres ng hapon, kumatok si Ellah na may bitbit na pizza, special cheese bread at monggo bread. Tulungan daw niyang umubos o sisisihin siya kapag tuluyan na itong naging balyena. Natawa na lang si Lenlen. Pareho pala sila ng problema. Gusto rin daw nitong magbawas ng kain pero hindi magawa. Mas nagiging marami pa daw ang kain dala ng stress. Mabait siyang kaibigan kaya tinulungan nga ni Lenlen na kumain si Ellah. Pagkatapos ng halos isang oras na kuwentuhan, lumipat na rin agad sa kabilang unit si Ellah. Nasalubong pa nito si Ate Shaleng na bagong dating naman.

Ang bad news, may dalang bibingka at pansit si Ate Shaleng—para daw sa kanya. Nagtaka man kung bakit bigla ay may 'pasalubong' sa kanya ang cook ay nagpasalamat na lang si Lenlen. Mas madalas kasi, ang mga dala nito lagi na galing probinsiya daw—saging saba, gabi, saging senorita, ubod ng niyog—ay para kay Sir JC at JD lang. Gusto tuloy sumigaw ni Lenlen ng 'hustisya!' Hindi pa man nagsisimula ang plano niyang bawas timbang, dagdag timbang na agad ang nangyayari.

"Ang lupit mo universe!" pag-emote niya habang karga si JD. "Ano'ng nagawa ko sa 'yo para subukan nang ganito ang tatag ko?"

"Hindi ka tataba sa bibingka at pansit lang, Lenlen!" si Ate Shaleng na kulang na lang ay umirap. "Isa pa, wala ka namang jowa. Ayos lang hindi magpaganda ang mga walang jowa!"

Napalingon siya rito. Ang lupit yata ni Ate Shaleng nang araw na iyon. Na-feel na naman tuloy niya na parang lihim na naiinis si Ate Shaleng sa kanya. Pero dahil wala namang masamang ginagawa ang cooks sa tagal nilang magkasama sa unit—except kung nilalason siya nang unti-unti, na naniniwala siyang hindi naman nito magagawa sa kapwa—itinaboy na lang niya ang pakiramdam na parang hindi siya nito gusto. Heto nga at may dala pang pansit at bibingka para sa kanya.

Nitong mga huling ilang araw, napapansin niyang parang may pinoproblema ang cook nila. May mga tulala moment ito sa kusina na hindi na lang pinapansin ni Lenlen. Pati yata si Sir JC, may napapansin kay Ate Shaleng. Nag-text kasi ito noong minsan sa kanya at nagtanong kung may alam daw ba siyang problema ni Ate Shaleng.

Walang alam si Lenlen kaya wala rin siyang naipasang impormasyon kay Sir JC. Ngayon heto na, parang laging hindi maganda ang mood nito pagpasok at siya yata ang napagbubuntunan. May problema nga siguro ang cook.

"Ah, diyan naman ako hindi agree sa 'yo, Ate Shaleng," sabi ni Lenlen. "Hindi lang ang may mga boyfriend ang may karapatang magpaganda. Dapat ang pagpapaganda, ginagawa para sa sarili, hindi para sa iba. Walang kinalaman sa desisyon kong maging sexy ang kawalan ng boyfriend—"

"O, eh, 'di ikaw na naman ang tama," putol agad ni Ate Shaleng, hindi na siya pinatapos. Gustong matawa ni Lenlen na umirap na talaga ito. "Ikaw na ang magaling, ikaw na ang maganda, ikaw na lahat! Ikaw na!" at iniwan na siya nito para hanapin daw ang naiwang wallet sa kuwarto ni Sir JC. Noong nag-ayos daw ito ng mga lalabhang damit. Ang naiwang wallet ang dahilan kaya ito pumunta ng condo kahit day off.

"Ang init ng ulo ni Ate Shaleng baby, o?" pagkausap na lang niya kay JD na mas gustong magpakarga kaysa maglaro. Kumakain si JD ng saging na senorita.

Ilang minuto lang, lumabas na si Ate Shaleng ng kuwarto. "Kainin mo 'yang pasalubong ko nang magkabilbil ka man lang!" sabay irap. Dumiretso sa pintuan at walang paalam na umalis.

"Salamat sa pansit at bibingka, ate Shaleng!" pahabol niya kasabay lang ng paglapat nito sa pinto. "May sumpong si Ate Shaleng, JD. 'Buti na lang ikaw, ang bait bait mo!" at nakarami na naman siyang kiss kay JD.  



Len's Love (PREVIEW ONLY)Where stories live. Discover now