Part 23

3.4K 137 17
                                    

Author's Note:
Sa mga gusto ng book version nito, available pa sa Phr store, Phr online, ebook store at online sellers. Thank you! :) 

SA MGA GUSTONG MABASA ANG REMAINING CHAPTERS, GO KAYO SA DREAME AND HANAPIN SI VICTORIA AMOR. 

THANK YOU! :)


HINDI alam ni Lenlen kung ilang oras na siyang nakaupo sa sofa at tagusan ang tingin. Yakap niya ang isang throw pillow. Parang sirang CD na umuulit ang mga boses na naririnig niya—nag-eecho ang boses ni Ate Betty. Pinukaw ng mga boses na nagre-replay sa isip niya ang eksena bago siya naging yaya ni JD. Isang babae ang tumawag sa kanya at nagpakilalang Madam Cerena, amo daw ng Tito Nello niya at kailangan niyang lumuwas ng Maynila para magkita sila.

Hindi sa bahay o sa restaurant sila nagkita—sa backseat ng kotse nito na naka-park sa tapat ng isang restaurant. Mula sa kinaroroonan nila, tanaw ang highest floor ng isang residential building—ang building na kinaroroonan ng condo unit ni Sir JC.

Nagtakaka man kung bakit kailangan siyang makausap ni Madam Cerena ay pinili ni Lenlen na pakinggan ito. Pagbaba niya ng taxi, sinalubong siya ng isang lalaki, ang driver ni Madam Cerena. Binanggit ng driver na naghihintay ang Madam sa backseat ng isa sa mga naka-park na kotse.

Pagdating nila sa tapat ng isang kotseng silver-platinum, binuksan ng driver ang pinto ng backseat. Isang babaeng pormal ang anyo, tuwid ang upo at naka-chin up ang nakita niya. Nakaangat na ang isang kilay nito hindi pa man siya tinatapunan ng tingin. Pagkasara ng driver sa pinto, saka pa lang bumaling sa kanya ang babae, tinitigan ang buong mukha niya pababa sa mga paa. Hindi niya kinaya ang tingin. Parang biglang nanliit si Lenlen. Tiningnan siya nito na parang dumi lang siya sa malinis nitong daan.

Nagsimulang magsalita si Madam Cerena. Description sa nag-iisang anak ang inilahad nito. Perfect son na isang beses lang sumuway sa mga magulang—nagpapakasal sa babaeng hindi nito pinaboran. Description na ng manugang ang sumunod nitong binanggit, kasama sa huling linyang sinabi ang hindi daw nagbago ang opinyon nito sa babae hanggang nagka-apo na. Hindi daw deserve ng manugang ang anak nito.

Ang sumunod na mga narinig ni Lenlen ay description na ng kanyang Tito Nello noong naging driver daw ng pamilya nito. Paboritong driver daw si Tito Nello ng asawa nito pero pinakawalan para pagbigyan ang manugang. Hindi daw ito pabor sa desisyon ng asawa pero walang nagawa.

"Nagawang sirain ni Nello ang tiwala naming lahat kapalit ng katawan ng magaling kong manugang at pera ng anak ko," Kung kanina ay mas maraming English sa paglalahad nito, pagdating sa kanyang tiyuhin ay sinadya yatang tagalugin lahat para mas maintindihan niya.

Parang bombang sumabog sa tapat ni Lenlen ang impact ng sinabi nito.

"Hindi ako nagkamali ng judgment kay Jonna. Walang kuwentang babae. Napakalaking pagkakamali ni JC ang mas piliin siya kaysa sa amin noon..." Patuloy nito, pantay ang tono pero ramdam niya ang bigat. Ang lamig lamig din ng ekspresyon nito.

Si Lenlen ay parang nakadikit na ang likod sa upuan. Wala siyang kakilos kilos.

"Hindi pa na-kontento sa lihim na kataksilan, binalak nilang tumakas—nang gabing iyon ng aksidente."

Napasinghap si Lenlen, sabay ng pagtakip ng kamay sa sariling bibig. Tatakas si Tito Nello kasama ang...ang may asawang amo na karelasyon nito? Umiling si Lenlen, paulit-ulit. Hindi ganoong klase ng tao ang kilala niyang Tito Nello. Hindi matanggap ng puso at isip niya. Mayamaya pa ay may mga umalpas nang luha sa kanyang pisngi na agad niyang tinuyo.

"Naiwan ngayon ang anak kong mistulang bato na," ang sumunod na sinabi nito. "At ang kawawang apo kong si JD..." nag-pause ito at tumingin sa labas ng bintana.

Tahimik na tahimik lang si Lenlen.

"Maniningil ako, Leanelle," ang sumunod nitong sinabi. "Kabayaran sa sinirang tiwala ni Nello—at sa lahat ng perang inilabas ko para maayos siyang mailibing." Ang staff ng punerarya na naghatid ng bangkay ni Tito Nello sa Angeles ang nagsabi kay Lenlen na sinagot na ng isang tao ang lahat ng gastos. Wala na siyang dapat isipin pa.

Saka lang ibinalik ni Madam Cerena ang tingin sa kanya. "Pagsilbihan mo ang anak at apo ko hanggang sa iutos kong tumigil ka na."

Napakurap-kurap siya, hindi agad nakuha ang ibig nitong sabihin.

"O babayaran mo lahat ng nagastos ko kasama ng danyos—sa buong pamilya ko."

Sobrang magulo na noon ang utak ni Lenlen at hindi na siya talaga alam ang gagawin. Pati kung paano siya magsisimula mag-isa ay hindi nga niya alam tapos heto na naman, may bagong dagdag na pabigat pa sa dibdib niya.

"Gagawin ko po lahat ng gusto n'yo, Madam," mahinang mahinang sabi niya. "Kung ikatatahimik n'yo rin na isama na ako kay Tito Nello, okay po sa akin. Pasasalamatan ko pa kayo..."

Naramdaman niya ang titig nito nang yumuko siya habang naglalaglagan ang mga luha.

Dalawang linggo pagkatapos ng pag-uusap na iyon, inihatid siya ng driver ni Madam Cerena sa condo ni Sir JC.

Sa unang pagtatama pa lang ng mga mata nila ni Sir JC nang buksan nito ang pinto habang karga si JD, alam na ni Lenlen sa sarili na hindi na babalik sa dati ang buhay niya pagkatapos nang araw na iyon...



"LEN?"

Napapitlag si Lenlen. Naputol ang eksena sa isip. Sa pintuan nagmula ang boses kaya doon siya tumingin. Naroon si Sir JC, kapapasok lang. Maingat na ibinaba nito si JD na agad siyang nakita.

"JD..."

Nang paisa-isang humakbang si JD na nakalahad ang mga braso sa anyong nagpapakarga, tumaas na naman ang emosyon ni Lenlen na hindi pa humuhupa. Naglalaglagan ang malalaking patak ng luha na sinalubong niya si JD, kinarga at mahigpit na niyakap.

"I'm sorry," anas niya, nabubulagan ng mga luha. "I'm sorry, baby..." Nagso-sorry siya na nawalan ng chance si JD na lumaking may buong pamilya, na nawalan ng chance na lumaking kasama ang ina—dahil sa nagawang pagkakamali ng tiyuhin.

"May nangyari ba, Len?" boses ni Sir JC. Hindi na malinaw ang mukha nito dahil sa mga luha niya. Umiling lang si Lenlen. Yakap niya nang mahigpit si JD na nakayapos naman sa kanyang leeg. "Hindi mo gustong sabihin?" naramdaman ng dalaga na nasa tabi na niya si Sir JC. Tumayo lang ito sa tabi nila nang mahabang sandali. Mayamaya, naramdaman ni Lenlen na kinabig siya nito palapit.

Mas napaiyak siya nang maramdaman ang maingat na yakap nito. Niyakap sila ni JD. Hindi na siya tuminag. Hinayaan niyang maramdaman ang comfort, ang warmth ng yakap nito.

"Shhhh," naramdaman yata nito na umiiyak pa rin siya nang tahimik. Naramdaman ni Lenlen na dumampi sa noo niya ang labi nito at hinigpitan ang yakap. Wala na sa kanilang dalawa ang kumilos. Maging si JD ay tahimik lang sa yakap niya. Naging mahaba ang katahimikan na nasa ganoon lang silang posisyon. Hindi siya pinakawalan ni Sir JC, hindi rin binawi maging ang halik.

Ang sandaling iyon ang naging pinakamasarap na katahimikan para kay Lenlen—yakap niya ang inosenteng si JD na gugustuhin niyang laging protektahan at yakap naman silang dalawa ni Sir JC.

Len's Love (PREVIEW ONLY)Where stories live. Discover now