Part 15

2.7K 105 1
                                    

PINILI ni Lenlen na sa sariling kuwarto na lang maglatag para sa regular na paglalaro ni JD. Lampas alas tres na ng hapon iyon. Nakaupo ang alaga sa harap niya, abala sa maliit na laruang batman na 'pinag-aaway' at ang maliit na dog stuffed toy.

Si Lenlen ay pasulyap sulyap kay JD habang nag-o-open ng data connection sa kanyang cellphone. Kung hindi lang kay Ate Shaleng, hindi siya maglo-log in sa Facebook. Sinadya talaga niyang ilayo ang sarili sa mga dating kaklase at kaibigan. Hindi niya gustong sumagot ng maraming tanong. Tanda niya noon, pinakamahirap sagutin ang tanong na: Kumusta ka na, Len? Hindi niya alam kung paano sabihin ang 'Hindi ako okay' na hindi niya maaalala lahat ng masakit na nangyari. Inisip na lang ni Lenlen noon na alam naman ng mga kaklase, kapitbahay at kaibigan na hindi siya okay mula nang mamatay si Tito Nello, hindi na siguro kailangan sagutin pa ang tanong.

Bago lumipat sa condo ni Sir JC, nagpalit na rin ng cellphone number si Lenlen. Hindi rin niya gustong makabasa ng 'Kumusta ka, Len?' text messages. Wala siyang ibang iniisip noon kundi lumayo sa lahat ng magpapaalala sa kanyang mag-isa na lang siya. Kay JD sa nag-focus at sa mga utos at bilin ni Sir JC. Sobrang tahimik niya noon, kung hindi tanungin ay hindi siya sasagot. At kapag mag-isa na lang, iyak na siya nang iyak. Unang Pasko at Bagong taon rin ni Lenlen mag-isa, sa bahay ng parents ni Sir JC. Pagkatapos ng celebration, umiyak siya nang tahimik sa kuwarto habang mahimbing ang tulog ni JD. Sa pang-anim na buwan, saka pa lang naramdaman ni Lenlen na nababawasan na ang sakit at sobrang lungkot.

Ngayon ay heto siya, nagbabalik Facebook para makasagap ng impormasyon. Baka may clue sa timeline ni Ate Shaleng.

Napanganga na lang si Lenlen sa dami ng notifications. Pati private messages ay lampas twenty rin. Dati naman, paisa-isa lang ang nagpi-pm sa kanya. Alam na niya kung bakit dumami—mga nag-aalala sa kanya, mga curious kung ano na ang nangyari sa kanya, mga nakikisagap ng tsismis tungkol sa buhay niya. Hindi na muna niya bubuksan lahat iyon. Wala siyang oras na sumagot. Saka na kapag puwede siyang magbabad sa FB.

Mas importante ang 'research' niya kay Ate Shaleng.

Nag-search agad siya: Shamara Pagui.

Bumulaga sa kanya ang mga selfie ni Ate Shaleng kasama ang isang lalaking kalbo, maitim na maskulado, ang laki ng katawan pero bakit parang hindi proportion sa ulo? Maliit ba ang ulo ni Kuya para sa ganoong katawan o sa anggulo lang? Hindi rin matangkad. Maskulado lang talaga. May abs din. At ang mukha, medyo hawig ni Bentong. May bigote lang si Kuya na parang kay late Rudy Fernandez. Nakangiti sa lahat ng pictures si Ate Shaleng, ang lalaki ay panay flex ng muscle na kunwari ay hindi alam na kinukuhanan ng picture. Walang naka-tag sa lalaki, hindi tuloy ma-check man lang ni Lenlen ang timeline Kuya.

Scroll pa rin si Lenlen habang busy rin si JD sa paglalaro. Tumigil mayamaya ang daliri niya. May comment si Ate Shaleng sa sariling uploaded photo.

Happy birthday, bebs ko Paqz Yonac! Labyu, bebs ko! Mahal na mahal kita. Muwaaah! Na-pm ko na regalo ko.

Napatitig si Lenlen sa pangalan. Ibang nationality? Kaya siguro maitim. Baka African? O galing Nigeria si Kuya?

Deadma ang 'bebs'. Wala man lang sagot o kahit like sa picture.

Nag-search agad si Lenlen. Nakita naman agad niya ang FB account ni Paqz.

Paqz Yonac (Paqyo) ang Facebook name. Napanganga siya ng makitang ang public photos nito ay iba't ibang babae ang kasama. Share lang ang option. Hindi puwedeng mag-comment ang wala sa friends list nito. Mga tipo ng babaeng super kapal ng foundation, shocking red ang lipstick at blond ang buhok or parang mais at may highlights. Wala si Ate Shaleng ni isang picture sa mga puclic photos nito. 'Canoy' ang tawag rito ng mga nagco-comment na mga lalaki rin na puro hubad ang profile pictures.

Sarap niyan, Canoy! Huwaw, sisid na, boy! Peram niyan isang gabi lang, paps! Ikaw na ang pogi, Canoy! Unli kain! Wapak! Wasak na bukas 'yan, haha! Lupaypay si Canoy! Ilan lang sa mga comments na nadaanan ng mata ni Lenlen. Hindi na niya tinapos ang pag-scroll. Hindi niya kinaya. Nag-screen shot siya ng ilang pictures.

Mayamaya ay may napansin ni Lenlen.

Wala kaming mutual friend?

Ibig sabihin, hindi friends si Ate Shaleng at si Kuyang may bigote? May iba bang account si Ate Shaleng at doon friends ang mga ito?

Isa pang scroll sa comments sa isang public photo. Napailing si Lenlen, hindi na itinuloy pa. Binabastos ang babae sa comments at mukhang tuwang-tuwa si Paqyo. Bumalik na lang siya sa profile nito para alamin kung ano ang trabaho.

Self employed at Model with abs.

Nakangiwi na si Lenlen. Ang company ay 'Eh, di sa puso mo!' at ang brief Bio ay: Magandang lalaki. May abs. Masarap. Mahaba. Matatapos kang tirik mata 'pag minahal kita. At nakalagay ang cellphone number nito for booking daw. Napahagod sa buhok si Lenlen.

Husko, Ate Shaleng! Ano'ng ginusto mo sa isang 'to?

Ini-screenshot niya uli ang profile. Magla-log out na sana pero naisip niyang tingnan ang lahat ng public photos. Nag-search siya: Paqz Yonac Photos at kasunod niyang clinick ang 'see all'. Baka may kuha naman na kasama si Ate Shaleng, hindi lang niya nakita. Nag-scroll si Lenlen—at tumigil ang mga daliri ng makita niya ang parang pamilyar na relo?

Profile picture ng lalaki wala pang one week?

Gift sa sarili, ang caption at may feeling blessed. Ini-screenshot ni Lenlen ang post bago siya bumalik sa timeline ni Ate Shaleng.

Wala na rin siyang makuha sa timeline ni Ate Shaleng. Ang mga status nito ay lahat tungkol sa pagmamahal kay Paqyo. May isang status pa na ipag-pray daw ang boyfriend nito kasi may trangkaso. Ang isang status naman at naka-tag ang isang Jeppie Su, nagra-rant si Ate Shaleng na huwag daw makikialam ang mga walang naiintindihan. Magpasalamat na lang daw sa tulong at hayaan ito na maging masaya. Sumagot sa comment si Jeppie. Concern lang daw at hindi nito gustong masaktan lang sa huli si Ate Shaleng. Saka lang naalala ni Lenlen na Jeppie ang binanggit ni Sir JC na pamangkin ni Ate Shaleng.

Isa hanggang lima lang ang likes ng status at photos ni Ate Shaleng. Wala rin ni isang nagko-comment. Parang sasakit na ang ulo ni Lenlen kaya nag-log out na siya.

Tamang-tama naman, nagpapakarga na si JD.

Len's Love (PREVIEW ONLY)Where stories live. Discover now