Part 12

2.7K 114 6
                                    

BUONG araw na walang sigla si Lenlen. Mula pagkaalis ni Sir JC—ilang minuto iyon matapos makita ang relo sa kanyang closet—hindi na niya inimikan si Ate Shaleng na panay ang parinig.

Saan daw siya kumuha ng kapal ng mukha para pagnakawan ang mabait nilang amo? Kung kailangan daw niya ng pera para sa luho, sana 'nagbale' na lang, hindi iyong nanakawan pa niya si Sir JC. Ano daw ang akala niya, maitatago niya habang-buhay ang krimen?

Mas pinili ni Lenlen na manahimik na lang. Wala siyang makukuha patulan man niya ang pambibintang ni Ate Shaleng. Hindi siya makapaniwala talaga. Hindi pa rin siya nakakabawi sa pagkagulat. Pati sa parang transformed ate Shaleng ay gulat siya. Para kasing biglaan ang pag-iiba nito. Mas nakaka-sorpresa pa ang twist sa kuwentong-relo. Kahit sa panaginip, hindi niya naisip na siya ang madidiin na nagnakaw ng relo ni Sir JC. Ni hindi nga niya sigurado kung alin sa mga relo nito ang rolex.

Pero ang talagang iniisip ni Lenlen ay kung bakit siya ang idinidiin ni Ate Shaleng. Bakit parang bigla ay may galit sa kanya ang cook? Buong araw na siyang nag-iisip ng mga posibilidad. Nakatulog na't lahat si JD, nakatitig pa rin si Lenlen ng tagusan sa dingding. Iniisip niya ang posibleng rason ni Ate Shaleng para pagbintangan siya. May lihim bang galit ba sa kanya ang cook at ngayon lang ipinakita? Kung meron, bakit? Ano'ng ginawa niya o hindi nagawa?

At ang relo, paanong napunta iyon sa closet niya? Hindi naman nakita ni Lenlen na pumasok sa kuwarto si Ate Shaleng. Pero noong umalis sila papuntang hotel, nasa unit pa si Ate Shaleng at tinatapos ang labada. Hindi ba suot ni Sir JC nang araw na iyon ang relo?

Binalikan ni Lenlen sa isip ang eksena mula nang tanungin sila pareho ni Sir JC. Unang tanong pa lang, nagsinungaling na si Ate Shaleng. Pinalalabas ng cook na siya lang ang nag-iisang pumasok sa kuwarto ni Sir JC. Hindi siya nakapagsalita para itanggi iyon. Nagulat kasi siya at nawalan din ng chance.

Nakuha ang relo sa mismong closet niya. Kung may CCTV sa unit, may patunay sana na inosente siya. Walang CCTV kaya ang basehan lang ni Sir JC ay salita niya laban sa salita ni Ate Shaleng. Hindi nagsalita ng kahit ano si Sir JC pagkakita sa relo. Kinuha lang at isinuot. Mag-uusap pa raw silang tatlo pag-uwi nito.

Naiwan si Lenlen na parang estatwa. Nalilito pa rin siya sa mga nangyari. Ni hindi niya napansin ang rolex watch na iyon, paanong nasa closet na niya?

Magnanakaw na siya bigla sa paningin ni Sir JC. Parang scene sa teleserye. Gawain ng mga kontrabida na may galit sa bida—pinagbibintangan na lang. Alam na niya ang pakiramdam ng inosenteng nadidiin sa isang kasalanan na hindi ginawa.

Kanina pa nag-iisip si Lenlen habang ayaw rin paawat ang parinig ni Ate Shaleng. Apat lang sila sa unit—si Sir JC, Ate Shaleng siya at si JD. Deleted na agad si JD sa list. Si Sir JC ang biktima kaya sila lang ni Ate Shaleng ang suspect. Plus si Ellah na pumasok din sa unit nang araw na iyon. Nasa harap nga lang niya ang kaibigan at hindi umalis para magpunta kahit saang parte ng bahay. Kahit sa banyo ay hindi. Nakikipag-kulitan lang kay JD sa buong oras na pumasok sa unit—kaya kailangan din niyang i-delete sa suspect list si Ellah.

Dalawa na lang sila ni Ate Shaleng. At dahil hindi siya ang kumuha ng relo, iniisip ngayon ni Lenlen na ang cook ang kumuha at sa kanya ipapasa ang kasalanan.

Nilingon niya ang cook na sige pa rin ang salita. Binasag na rin niya ang katahimikan "Alam nating pareho, 'Te, kung sino sa 'ting dalawa ang nagsinungaling kay Sir JC. Hinayaan lang kita kanina kasi nagulat talaga ako. Wala akong alam na ginawa kong masama para siraan mo ako—"

"Siraan?" balik nito at tumawa nang walang laman. Bigla ay parang ibang tao na ang cook. Parang iba na ito sa babaeng nakasama niya ng maraming buwan."Nakita sa ibabaw ng damit mo ang relo ni Ser, Lenlen! Alin ang paninira sa mga sinabi ko? Nagsabi lang ako ng totoo kay Ser!"

"Hindi ko kinuha ang rolex watch ni Sir," matigas na rin na sabi ni Lenlen. "May ipon ako Ate Shaleng. More than half ng suweldo ko bawat buwan, naka-save. Hindi ko kailangan ng rolex watch para ibenta at maging cash. Makakabili ako ng luhong sinasabi mo nang hindi ko kailangang pagnakawan si Sir JC. Wala rin akong lalaking kapamilya na puwede kong pagbigyan ng mamahaling relo. At wala rin akong 'jowa' na baka gusto ng sosyal na relo." may sobrang diin sa jowa at sosyal na relo. "Eh, ikaw?"

Inaasahan na ni Lenlen na mapipikon si Ate Shaleng. Inihanda na niya ang sarili para makipag-argumento. Pero mas malala pala ang gagawin ng cook na parang instant ang pagkawala sa katinuan. Parang biglang nasaniban—sinugod siya at sinabunutan. Ang kapal daw ng mukha niyang mambintang. Huwag daw niyang madamay damay ang jowa nito. Hindi naka-set si Lenlen na makipag-away ng pisikal kaya hindi siya lumaban. Nasampal pa siya nito. Hinila uli ang buhok niya at halos isalya siya sa sofa.

"Huwag mo akong kakantihin, gaga ka," mariing sabi nito, dinuro pa siya. Parang aswang lang na nang-corner ng biktima. Naging parang pugad ng manok ang magulo, makapal at kulot na buhok. Halos manlisik na rin ang mga mata nito. "Kayang kaya kong patalsikin ka," banta pa nito. "Ang tagal ko na kina Madam Cerena bago ako nalipat dito. Kilala nila ako. Ako ang kakampihan ni Madam hanggang sa huli. Ikaw, sino'ng kakampi mo, ha? Ni wala ka ni isang kapamilya? Sino'ng hihingan mo ng tulong? Wala, Lenlen, kaya umayos ka!"

Nagulantang si Lenlen. Unang beses niyang nasalang sa ganoong away. Natakot rin siya. Para kasing hindi magdadalawang isip si Ate Shaleng na saktan siya. Nakakapagtaka lang na hindi naman niya ito kinakitaan ng senyales ng pagiging bayolente dati. Pinilit niyang maging kalmado pa rin. Hindi siya makikipagsabayan sa pisikal na away pero alam niyang lumaban sa ibang paraan.

"Wala nga akong kapamilya pero alam ko ang mga karapatan ko, Ate Shaleng," sabi ni Lenlen, kalmado pa rin. "Palalampasin ko 'to ngayon pero sa susunod na saktan mo ako, kukuha ako'ng medicolegal certificate at ipapupulis kita. 'Wag mo rin subukan kung hanggang saan ang kaya kong gawin nang mag-isa." deretso siyang tumingin sa mga mata nito, walang kakurap-kurap.

Nakuha nito ang mensahe. Parang binuhusan ng tubig. Mayamaya ay dumistansiya. Natakot rin sa banta niya.

Nag-ring ang landline phone. Nagulat si JD sa tunog. Mayamaya lang, nagigising na ang bata. Agad kumilos si Lenlen, binuhat mula sa kuna ang alaga at inalo. "Kahit saan tayo makarating, sure akong walang fingerprint ko ang relo ni Sir JC." dagdag pa niya. "Sana lang talaga, hindi nakalimutang magsuot ng guwantes ng totoong magnanakaw no'ng inilagay niya sa gamit ko ang relo." Karga si JD, sinagot niya ang tawag. Si Sir JC ang nasa kabilang linya. Hindi niya inalis kay Ate Shaleng ang tingin. "Opo, Sir JC," sabi niya matapos sabihin nitong kunin niya ang message ng kung sinumang tatawag at hahanapin ito. Alam na ni Lenlen iyon dati pa, bakit kaya naisip ni Sir JC na biglaang mag-remind?

Kitang-kita ni Lenlen ang pag-awang ng bibig ni Ate Shaleng kasunod ay nawalan ng kulay ang mukha. Hindi na kailangan ng dalaga ng CCTV para i-confirm ang kutob niya.

Wala pang five PM, tinapos na nito ang pagluluto ng dinner. Umalis na lang ng unit na walang paalam.

Si Sir JC naman ang unexpected ang maagang pag-uwi...

Len's Love (PREVIEW ONLY)Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu