Chapter III

11.7K 860 81
                                    

Chapter III: Forcing to submit

"Sino ka at anong ginagawa mo sa teritoryo ng aming Azure Wood Family?" seryosong tanong ni Finn Doria sa lalaking nasa hindi kalayuan sa kaniyang kinatatayuan.

Masama ang pakiramdam ni Finn Doria sa biglaang paglitaw ng misteryosong taong ito sa loob ng kanilang teritoryo. Isa pa, malinaw namang hindi kabilang sa Azure Wood Family ang lalaking ito. Nakasuot ito ng kakaibang asul na roba at ang disenyo nito ay ngayon niya lang nakita. Nang taimtim niyang pakiramdaman ang antas ng lakas ng lalaking ito, agad na nanlamig ang ekspresyon ng binata.

'5th Level Sky Rank!' sa isip ni Finn Doria.

Malinaw na hindi ito nagmula sa Sacred Dragon Kingdom kaya naman nakaramdam ng pangamba ang binata. Hindi niya inaasahang makakaharap niya agad ang isang 5th Level Sky Rank matapos niyang makatuntong sa 2nd Level Sky Rank!

Hindi malaman ni Finn Doria kung malas o swerte ba siya ngayon. Kakatuntong niya lang sa 2nd Level Sky Rank ngunit isa agad malakas na adventurer ang kaniyang kahaharapin.

Gumuhit din ang gulat sa mukha ng lalaki ngunit mabilis din itong napalitan ng makahulugang ngiti. Taimtim niyang pinagmasdan ang kabuuan ng binata habang bahagyang tumatango-tango.

"Sa aking nakalap na balita, isa ka ng ganap na 1st Level Sky Rank... Pero ngayon personal na kitang nakikita, mukhang masyado nilang minamaliit ang talento mo. Wala pang isang buwan matapos ang matagumpay mong pagtungtong sa Sky Rank pero heto ka ngayon, isa ng ganap na 2nd Level Sky Rank. Talagang kahanga-hanga hindi lamang ang iyong talento sa larangan ng Alchemy... maging ang iyong talento bilang Adventurer ay hindi dapat balewalain. Ang henerasyong ito talaga ang pinakatumatak sa kasaysayan ng Ancestral Continent. Ang mga talentadong batang Adventurers ay nagkalat na sa buong kontinente." Nakangiting sambit ng lalaki habang patuloy na pinupuri ang talento ni Finn Doria. Mayroong biglang sumagi sa kaniyang isipan kaya naman agad siyang nagpatuloy sa pagsasalita, "Nakalimutan kong magpakilala."

"Ako nga pala si Sect Master Morgan na nagmula sa Alchemy God Sect. Isa akong 2 Star Alchemy Grandmaster at nagtataglay ako ng pambihirang Blue Alchemy Flame." Pagmamalaking dugtong pa ni Sect Master Morgan.

Kahit na nakatatanggap si Finn Doria ng samu't saring papuri mula kay Sect Master Morgan, hindi pa rin makaramdam ang binata ng kaligtasan sa presensya nito sa kanilang teritoryo. Mas lalo lang naging malamig ang kaniyang ekspresyon habang taimtim na tinititigan ang nagmamalaking Alchemist na nagmula sa kalabang kaharian.

'Ipinagmamalaki mo ang iyong Alchemy Rank sa aking harapan...?' sa isip ni Finn Doria.

Hindi niya mapigilang hindi hamakin ang nagmamalaking Alchemist sa kaniyang harapan. Sa totoo lang mas mataas pa ang Alchemy Rank ni Finn Doria kaysa kay Sect Master Morgan. Ito ay dahil matapos ang kaniyang matagumpay na pagtungtong sa 2nd Level Sky Rank, sa kaniyang tantya, isa na rin siyang 5 Star Alchemy Grandmaster!

Ang kaniyang Alchemy Rank ay mayroon ding kaugnayan sa kaniyang antas ng lakas. Ito ay dahil upang makabuo ng Pill, bukod sa Alchemy Flame, kakailanganin pa rin ng Soulforce para masustentuhan ang enerhiyang kinakailangan sa pagkontrol sa Alchemy Flame.

Ito ang tumatakbo sa isipan ni Finn Doria ngunit hindi niya ito balak ibunyag sa kahit na sino man. Sa totoo lang, hindi niya na naman kailangang bumuo ng Pill dahil napakarami niya na nito sa kaniyang Myriad World Mirror. Magagamit niya lang ang mga impormasyon at alam niya sa pagtuturo sa ibang tao kung ano ang mga dapat gawin.

Malamig pa rin ang mga tinging ipinupukol ni Finn Doria kay Sect Master Morgan, direkta siyang tumingin sa mata nito at marahang nagwika, "Kung hindi ako nagkakamali, isang kang Faction Master mula sa Crimson Blood Kingdom... Kung gayon, bakit ka nanghihimasok sa teritoryo ng aming angkan? Hindi mo ba alam na malaking kalapastanganan ang iyong panghihimasok sa aming Azure Wood Family?"

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now