Chapter XXXIV

7.9K 459 9
                                    

Chapter XXXIV: Memories(4)

Nang makaalis si Kiden sa gusaling kinaroroonan ng silid ni Siryu, agad siyang naglakad pabalik sa kanyang dormitoryo. Gusto niyang magpahinga dahil sobra siyang napagod sa araw na yun. Marami ang nangyari at kahit na kumain na siya ng isang pambihirang gamot, hindi pa rin nito naalis ang pagod na nararamdaman ng binata.

Habang naglalakad, napansin ni Kiden na medyo sira na ang kanyang uniporme. Marami itong butas, sunog at wasak na bahagi. Ito ang bunga ng malalakas na atake ni Vella.

"Kailangan ko nang bumalik at magpalit agad... sasama ang imahe ko kapag nakita ako ng mga babae sa ganitong kalagayan," tumakbo si Kiden patungo sa lugar ng dormitoryo.

Sa sandali niyang paglilibot kanina, unti-unti nang naging pamilyar si Kiden sa ilang lugar sa Cloud Soaring Sect. Ang dormitoryo ng mga ordinaryong core member ay matatagpuan sa hilaga. Magkakasama ang dormitoryo ng kalalakihan sa iisang gusali.

Nang makarating si Kiden sa harapan ng gusali, napansin niyang may pamilyar na dalaga ang kumakaway sa kanya, si Delia. Ang dalagang nakausap kani-kanina lang ni Kiden.

"Kiden! Kamusta ka? Nasaksihan ko ang gulong nangyari kanina... sana lang ay ayos ka.." nag-aalalang sambit ni Delia.

Sandaling natigilan ang binata nang marinig niya ang sinabi ni Delia. Nailarawan niya sa kanyang isip ang kahihiyang nangyari kanina. Nabugbog siya kanina, at higit pa roon, isang magandang dilag ang bumugbog sa kanya.

Dahil sa kapal ng mukha ni Kiden, nagawa pa rin niyang matamis na ngitian si Delia at mapagmalaking nagpaliwanag, "Hindi lahat nang nakita mo kanina ay katotohanan. Alam mo, bilang maginoo at may respeto sa kababaihan, hinayaan ko lang ang binibining iyon na atakihin ako. Kita mo naman na hindi ako gumanti, hindi ba?"

Ito ay siyempre, isang malaking kasinungalingan lamang ni Kiden. Malinaw naman na wala siyang kakayahan na tapatan ang lakas ni Vella. Buwis-buhay na ang kanyang pag-iwas at pagtakbo, gayunpaman, hindi pa rin niya magawang takasan ng tuluyan kanina ang magandang dalaga. Isa pa, mayroon itong armament na hindi niya alam kung anong klase ng kalidad mayroon.

Ngumiti rin si Delia at napawi na ang pag-aalala sa kanyang mukha. Dahil mukha namang kapani-paniwala ang pagpapaliwanag ni Kiden, pinaniwalaan niya agad ang mga kasinungalingan ng binatilyo.

"Gano'n ba? Mabuti naman kung gayon," nakangiti na ring sabi ni Delia.

"Nga pala, talaga bang nagpunta ka pa rito upang kamustahin ako...?" biglang tanong ni Kiden na ikinamula ng mukha ni Delia.

"Ma..mali ang iniisip mo! Napadaan lang ako rito at nakita kita na parating kaya naman naisipan kitang bisitahin at kamustahin.."

Iwinagayway nito ang kanyang dalawang kamay at umiling nang umiling habang nagpapaliwanag. Malinaw na nahihiya siya habang nagsasalita.

"Mm. Naiintindihan ko naiintindihan ko," sabi ni Kiden pero makikita pa rin sa kanyang mata ang paghihinala.

"Ah.. ano, nahihiwagaan lang ako kung bakit nagalit ng gano'n na lamang sa'yo si Vella Vermillion. Iyon ang pangalawang beses na nakita ko siyang nagwala." Pahina nang pahinang sabi ni Delia.

"Marahil naakit siya sa kaguwapuhan ko kaya nagpapapansin siya sa akin?" sabi na lang ni Kiden. Natatakot pa rin siya sa banta ni Vella. Hindi niya pwedeng ipaalam sa iba kung ano ang totoong dahilan dahil kung hindi, siguradong magiging impyerno ang kanyang buhay sa lugar na ito.

Humalakhak naman si Delia at napahawak siya sa kanyang tiyan. Paulit-ulit niyang sinasabi na, "Magaling ka palang magbiro, Kiden. HAHAHAHA."

Siyempre, bilang hambog at mapagmalaki, ikinainis naman ito ni Kiden. Sinamaan niya ng tingin si Delia at suminghal.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now