Chapter XXXI

9.5K 611 78
                                    

Chapter XXXI: Memories(1)

Sa isang silid, isang matandang lalaki ang nakaupo sa upuan habang sa harap niya naman ay isang magandang dalagita. Ang dalagitang ito ay mayroong pulang buhok, pares ng pulang mata at magandang hubog ng katawan. Ang kanyang ganda ay hindi nababagay sa simpleng salita lamang.

Ang dalagitang ito ay walang iba kung hindi si Vella Vermillion, anak ng Pinuno ng Vermillion Bird Family na isang Noble Clan. Habang ang matanda naman sa kanyang harapan ay ang kanyang Guro, si Sect Master Siryu.

"Guro. Hindi niyo nasabi na nagbalik na pala kayo.. Mayro'n ba kayong ipag-uutos sa akin? Narinig ko kay Elder Faye na nais niyo raw akong makita," magalang na pagtatanong ni Vella kay Siryu.

Malumanay na ngumiti si Siryu kay Vella. Tumayo siya at umalis sa kanyang upuan. Humarap siya sa kanyang personal na estudyante at nagwika, "Nararamdaman kong nalalapit na ang pagtapak mo sa 3rd Level Scarlet Gold Rank. Ipinagmamalaki kita, Vella. Sa edad mong labimpito, halos lahat ng kaedaran mo ay nalampasan mo na."

Nagkaroon naman ng ngisi sa mukha ng dalaga. Nagmamalaki ang ekspresyon na nakaguhit sa kanyang mukha habang mayabang na tumugon, "Natural lang iyon, Guro. Napakagaling niyong guro at mataas ang aking talento kaya hindi na nakapagtataka na maabot ko ang ranggong Sky Rank bago ako magtatlumpung taong gulang."

Kahit na nagyayabang ang kanyang estudyante tungkol sa kanyang talento, nanatili pa ring nakangiti si Siryu. Nakakapanibago ito dahil madalas na pinapangaralan niya ang dalagita sa tuwing nagmamalaki ito.

Nanibago si Vella. Gusto niyang malaman kung ano ang dahilan sa reaksyong ito ng kanyang guro. Mapagmataas si Vella at alam ito ng karamihan sa miyembro ng Cloud Soaring Sect. Hindi niya hinahayaang may lumapit o makipag-usap sa kanya dahil hinahamak niya ang mahihina. Kahit ang mas malakas sa kanya ay tinitingnan niya nang may panghahamak. Bukod sa kanyang pamilya, tanging ang kanyang guro at ilang Elders lang ng Cloud Soaring Sect ang binibigyan niya nang paggalang.

"Vella. Iaanunsyo ko sana ito nang sabay sa inyong dalawa ni Noah pero nabalitaan kong nasa pagsasanay pa rin siya hanggang ngayon," bunyag ni Siryu. "Mayro'n akong importanteng sasabihin sa inyo sa pagbabalik ko sa Cloud Soaring Sect."

Napakunot ang noo ni Vella. Magalang siyang tumingin kay Siryu at nagtanong, "Ano 'yon, Guro?"

"Tumanggap muli ako ng bagong estudyante. Tatlo na kayong estudyante ko ngayon."

Sa lahat ng sasabihin ni Siryu, ito ang hindi inaasahan ni Vella. Nagbago ang ekspresyon ni Vella at mapapansin ang matinding inis sa kanyang mukha. Hindi niya matanggap na mayro'n na namang bagong estudyante ang kanyang guro.

"Pero Guro!" tugon ni Vella. "Akala ko ay sapat na kaming dalawa ng hambog na prinsipeng iyon bilang inyong estudyante? Bakit kailangan niyo pang tumanggap ng ibang adventurer bilang estudyante? Mas malakas ba siya sa amin o mayroon bang humingi na naman ng pabor sa inyo para tumanggap muli ng bagong estudyante?"

Hindi pabor si Vella sa pagtanggap ni Siryu ng bagong estudyante dahil sa simpleng rason; hindi niya gusto na may kahati na naman siya sa kanyang guro. Hindi niya gusto na mayro'ng paghihinayangan ng oras ang kanyang guro. Natanggap niya na kahati niya na ang ikatlong prinsipe pero para may muling makihati sa kanilang dalawa, hindi na siya makapagpigil pa.

"Mas mahina siya sa inyong dalawa ni Noah. Labing siyam na taong gulang na rin siya," malumanay na sagot naman ni Siryu.

"Kung gayon, anong nakita niyo sa kanya? Nagmula ba siya sa Noble Clan?" pabulong na tanong ni Vella.

Umiling si Siryu at muling tumugon, "Hindi. Pero nararamdaman kong mayro'ng espesyal sa kanya. Hindi ko rin gustong sayangin ang isang tulad niya kaya naman gusto ko siyang tulungan na lumakas."

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now