Chapter XLIX

10.8K 800 174
                                    

Chapter XLIX: Fury

Nanlalaking mata na pinagmasdan ni Demi ang nangyayari sa kapaligiran. Nangilid ang kanyang luha at pinilit niyang kumawala mula sa mahiwagang tali na nakapulupot sa kanyang katawan. Buong sikap ang kanyang pagpupumiglas pero lahat ng ito ay napunta lang sa wala. Konektado ang armament na ito kay Kage at masyadong malakas si Kage para sa kanya kaya kahit ano pang gawin niya, hindi siya makakawala mula kay Finn Doria.

Umagos ang luha ni Demi. Gusto niyang magsalita pero pinipigilan siya ng tapal na nakatakip sa kanyang bibig. Napansin ito ni Kage kaya naman hindi niya mapigilan ang hindi mapailing. Lumambot ang puso ni Kage nang makita niyang umiiyak si Demi.

Inilapit ni Kage ang kanyang kamay sa mukha ni Demi at dahan-dahang tinanggal ang tapal nito sa bibig. Pagkaalis na pagkaalis ni Kage ng tapal sa bibig ni Demi, napaubo muna ito bago agad na nagsalita at nagmakaawa.

"Pakawalan mo ako Kage! Nakikiusap ako... kailangan kong pigilan si Lord Syr sa kanyang ginagawang kasamaan!" nagmamakaawang bulalas ni Demi.

Dinudurog ng kasalukuyang nangyayari ang puso ni Demi. Walang laban na namamatay ang libo-libong adventurers dahil sa pagkalat ng hibla ng ugat ni Syr sa buong lungsod. Nakikita at naririnig ni Demi ang paghingi ng tulong ng mga nanghihinang adventurers pero heto siya, nakatali at walang magawa.

Sa bawat segundo, nadaragdagan nang nadaragdagan ang mga namamatay. Mas malupit pa ito sa digmaang inaakala ni Demi.

Napabaling si Selena kay Demi bago kay Kage. Pinagmasdan niya sandali si Kage bago nagkibit-balikat. Pinanood lang ni Selena ang nangyayari habang nakaguhit sa kanyang mukha ang kalmadong ekspresyon. Makikita rin sa kanyang mga mata na wala siyang balak na tumulong sa nangyayaring pagpaslang ng Crimson Blood Family.

Sa kabilang dako, seryoso namang tumingin si Kage kay Demi at umiling. Bumaling siya sa mga miyembro ng Crimson Blood Family at sinabing, "Hindi mo sila mapipigilan, Demi. Kung susubukan mo silang pigilan, papatayin ka nila at gagawing pataba para sa kasumpa-sumpang technique ni Syr."

Natigilan si Demi. Matalim siyang tumingin kay Kage at tumugon, "Anong gusto mong gawin ko?! Manood na lang habang ang mga inosente ay namamatay?! Uubusin ni Lord Syr ang mga mahihinang adventurers sa lugar na ito!"

Umiling ulit si Kage at marahang nagsalita, "Wala kaming magagawa sa bagay na 'yan. Malinaw ang utos ng Adventurers Guild sa aming dalawa. Kailangan naming protektahan si Finn Doria mula sa Crimson Blood Kingdom. Tungkol naman sa pagtulong ng lubos sa Sacred Dragon Kingdom at pagpigil sa ginagawang kasamaan ng Crimson Blood Family, labas na kami sa bagay na 'yan."

Walang pakialam si Kage sa nangyayaring pagpaslang ni Syr. Dalawa lang naman ang mahalaga sa kanya sa kasalukuyan, ang gawin ang misyon na ibinigay sa kanya at ang protektahan si Demi.

"Paano mo nasasabi ang bagay na 'yan?! Buhay ng libo-libong adventurer ang pinag-uusapan dito Kage! Paano mo naaatim na hindi gumawa ng hakbang habang nakikita mong maraming namamatay?!" nanggagalaiti si Demi. Pinilit niyang kumawala mula sa nakapulupot na tali sa kanya pero hindi niya magamit ang kanyang enerhiya, "Kung ayaw mong tumulong, puwes ako gusto ko kaya nakikiusap ako na pakawalan mo ako ngayon din!"

Hindi niya kayang magkibit-balikat lamang sa nangyayari habang pinapanood ang pagkamatay ng mga walang kalaban-labang adventurers. Kailangan niyang gumawa ng paraan upang makatulong, kailangan niyang pigilan si Syr at ang Crimson Blood Family sa ginagawa nilang kasamaan.

"Patawarin mo ako Demi pero hindi ko magagawa ang sinasabi mo," iling-iling na sabi lang ni Kage. "Hindi kita hahayaan na mapahamak."

Mahinang tumawa si Selena kaya napatingin sa kanya ang dalawa. Pagkatapos tumawa ni Selena, tiningnan niya ang dalawa at huminto ang kanyang tingin kay Kage. Makahulugan siyang ngumiti rito at sinabing, "Mukhang nahihirapan ka sa babaeng iyan, Kage. Gusto mo bang patulugin ko muna ang iyong kasintahan para naman hindi ka na mahirapan?"

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now