Chapter XLV

11K 711 121
                                    

Chapter XLV: Planted Adventurers by Adventurers Guild(1)

"Bakit kailangan pa nating magsayang ng laway at mga salita? Simulan niyo na lang ang digmaang ito nang hindi na tayo nagtatagal sa marumi at mabahong lugar na ito," sabi ni Artem, ang Palace Mistress ng Moonlight Palace.

Naging handa ang mga adventurers ng Sacred Dragon Kingdom. Ang mahigit daanlibong mga adventurer na nasa lupa kasama ang kanilang mga alagang halimaw ay masamang tumingin sa mga kalaban. Inilabas nila ang kani-kanilang mga sandata at naging alerto sa maaaring mangyari. Nang makita nila ang kanilang mga kalaban, hindi sila masyadong umaasa na mananalo sila, gayunpaman, hindi ito dahilan para umatras at sumuko sila.

Ang lugar na ito ay kanilang bansang sinilangan, ito ang kanilang tahanan at sa harap ng mga pangahas na nanghihimasok, wala silang takot na makikipagdigmaan para ipaglaban ang kanilang bayan. Mas marami sila sa kalaban pero mas mahina ang kanilang kabuuang pwersa, ito ay dahil sa malalakas na Faction Master ng kabilang panig.

Nagkaroon ng matinding tensyon sa magkabilang panig, nakangisi ang mga adventurers ng Crimson Blood Kingdom habang ang mga adventurers ng Sacred Dragon Kingdom ay handa at alerto. Habang nagiging tensyonado ang paligid, isang maganda at malumanay na tinig ng magandang babae mula sa panig ng Crimson Blood Kingdom ang nakakuha ng atensyon ng lahat.

"Bakit kailangan nating magkaroon ng madugong digmaan?" malumanay at nakangiting sambit ni Demi habang tinutugtog ang kanyang harpa. "Mga kapwa adventurers mula sa Sacred Dragon Kingdom, maaari nating iwasan ang digmaan na ito kung susuko na lang kayo. Dapat nating pahalagahan ang bawat buhay, hindi ba?"

Maging si Finn Doria ay napabaling kay Demi at sa kanyang tinutugtog na harpa. Nakaramdam siya ng kapayapaan habang nakatuon siya sa musikang tinutugtog ni Demi. Napansin din ng binata na hindi ordinaryong harpa ang hawak ni Demi, isa itong Top-tier Excellent Armament.

Payapa at kalmado si Demi, gayunpaman, isa rin siyang delikadong adventurer dahil isa siya sa mga Faction Master mula sa Crimson Blood Kingdom.

Isang kalahating tao't kalahating ahas na lalaki mula sa Crimson Blood Kingdom ang humalakhak nang marinig niyang magsalita si Demi. Ito si Rigor, ang Sect Master ng Soul Serpent Sect. Isa si Rigor sa kanina pa lingon nang lingon na para bang may hinahanap. Nang marinig niya ang sinabi ni Demi tungkol sa pag-iwas sa gulo, napatigil siya sa paglingon at nanggalaiti siya sa galit.

"Tama si Palace Mistress Demi. Dapat nating pahalagahan ang buhay at para sa akin, ang buhay ay kapalit din ng buhay," napatuloy si Rigor sa paghahanap at labas-pasok ang dila niya sa kanyang bibig. "Asan ang pangahas na si Finn Doria at ang Vermillion Bird Family?! Ilabas niyo sila ngayon din!"

"Ilabas niyo rin ang Azure Wood Family at Golden Lion Family, ang mga pangahas na pumaslang sa aking mga tauhan!" dagdag nang nanggagalaiting si Ramon.

Alam na nina Rigor at Ramon ang nangyari sa kanilang mga tauhan. Kaya hindi nila natapos ang misyon at nakabalik sa kanilang panig ay dahil namatay na sila, at detalyado nila itong nalaman mula sa kanilang mga mensahero.

Siyempre, ang unang pumasok sa kanilang isipan nang malaman nila ito ay ang paghihiganti. Nalagasan sila ng malalakas at maraming tauhan, isa itong malaking dagok sa kanilang mga Faction. Siguradong sa mga susunod na taon, ang katayuan ng kanilang Faction sa Crimson Blood Kingdom ay bababa sa pinaka mababa.

Galit at poot ang naramdaman nila sa mga lumahok sa pagpaslang sa kanilanv mga tauhan. Gusto nilang paslangin si Finn Doria at ubusin ang Vermillion Bird Family at Azure Wood Family. Pero hindi nila maiwan ang kampo nila dahil sa mahigpit na utos ni Syr, na kailangan nilang maghintay kaya naman kahit nanggagalaiti sila sa galit, nanatili silang sumusunod sa utos ni Syr.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now