Chapter XLII

9.7K 695 88
                                    

Chapter XLII: Acquaintance and Pill that Defy the Heavens

Nanatiling tahimik ang buong silid. Seryosong nakatitig lang si Tandang Shue sa mga mata ni Finn Doria na para bang binabasa nito ang iniisip ng binata. Hindi niya mapigilang hindi magulat sa ipinapakitang reaksyon ng binata, nananatili itong kalmado sa kabila ng pagtitig niya. Isa siyang 8th Level Legend Rank at presensya niya pa lang ay nakalulunod na.

Hindi nagpatinag si Finn Doria. Ibinalik niya ang titig na ibinibigay sa kanya ni Tandang Shue. Hindi siya natatakot sa matanda, gayunpaman, hindi niya rin mapigilan na hindi kabahan sa loob-loob niya. Ipinapakita niya lang na kalmado siya sa panlabas niya.

"Pwede mo namang hindi sagutin ang tanong ko. Hindi mo naman kailangang sagutin," nakangiting basag ni Tandang Shue sa katahimikan. "Isa lang akong matanda na gustong magtanong dahil sa aking kuryusida-"

"Mayroon nga akong kakayahan na gamutin ang mahal na Hari," seryosong putol ni Finn Doria sa sinasabi ni Tandang Shue.

Ang tungkol sa bagay na ito ay masyadong sensitibo hindi lang kay Finn Doria, kundi sa kanyang buong angkan. Nagdadalawang-isip ang binata kung ipapaalam niya ba ang tungkol sa mga bagay na makapagpapagaling sa hari. Mahina pa siya ngayon at ang kanyang sikreto ang maaaring maging dahilan ng pagbagsak niya.

Sandaling nagulat si Tandang Shue. Mabilis naman siyang nakabawi at ngumiti sa binata, "Kung nag-aalala ka, hindi mo naman kailangang sabihin sa akin kung paano o anong gagawin mo. Gusto ko malaman kung may paraan ka, yun lang wala ng iba."

Ibinalik ni Finn Doria ang ngiti at makikita sa kanyang mukha ang pasasalamat sa matanda, "Kung gayon, maraming salamat sa inyo."

"Ha ha ha. Para saan ang pasasalamat na 'yan?" halakhak na hayag ng matanda. Huminto siya agad sa kanyang paghalakhak at agad na tumingin kay Finn Doria, "Masuwerte ang kahariang ito dahil mayroon silang Finn Doria na handang tumulong. Kahit na nakaranas ang iyong angkan ng paghihirap, handa ka pa ring tumulong sa kanila."

Bumuntong hininga si Tandang Shue. Nanghihinayang siya hanggang ngayon dahil hindi niya napasali si Finn Doria sa kanilang pwersa. Kung mapapasali lang sana nila ang binata, lalaki ang lamang nila sa Ancestral Family. Magkakaroon na sila ng tsansa na tuluyang talunin ang kanilang mahigpit na kaaway.

Nakangiti pa rin si Finn Doria nang tumugon siya kay Tandang Shue, "Isa lang naman ang rason ko kung bakit ko ginagawa ang mga bagay na ito, dahil sa ugnayan ko sa kahariang ito. Sa pamilya, angkan at mga kaibigan. Hindi ko kayang makita na bumagsak ang kahariang ito kasama ang mga mahal ko sa buhay. Mayroon akong kakayahan na tumulong kaya gagawin ko ang magagawa ko para tumulong."

"Sana lang ay kasama ako sa mga kaibigan mo..." sinabi ito ni Tandang Shue nang may sinsiredad.

Tumango si Finn Doria at matamis na ngumiti, "Ang magkaroon ng kaugnayan sa Adventurers Guild ay isang malaking karangalan sa akin. Isa pa, ikinokonsidera ko na rin kayo bilang tagapag-ligtas ng aking angkan, sana lang ay matulungan niyo kami na harapin ang Crimson Blood Kingdom at Ancestral Family."

"Panghawakan ko ang aking mga sinabi, hindi ako magsisinungaling sa'yo," nakangiting tugon ni Tandang Shue. Pagkatapos niya itong sabihin, mayroon siyang naisip na itanong sa binata, "Ano sa tingin mo ang kalagayan ng inyong hari? Maaari mo ba akong bigyan ng ilamg opinyon mo?"

Tumango muli si Finn Doria, "Ang kalagayan ng hari ay talaga namang hindi basta-basta. Para sa isang ordinaryong Alchemist, hindi magiging madali ang paggamot sa kanya. Gaya nga nga ng sabi niyo, pumasok na sa buto at kalamnan ng hari ang lason, hindi na madali para iligtas siya. Hindi rin ito magagamot gamit ang ordinaryong pills at potions lamang. Kahit na magamot pa ang hari, hindi rin magtatagal ang kanyang buhay dahil unti-unti ng nauubos ang kanyang lifeforce."

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now