Chapter XXXIII

7.9K 491 29
                                    

Chapter XXXIII: Memories(3)

Sa kasalukuyan, kalmado na ang bawat panig. Nasa loob na ng silid ni Siryu at ang dalawa ni Kiden at Vella. Magkatabing nakatayo ang dalawa habang nakaharap kay Siryu na nakatayo naman sa harap ng kanyang upuan.

Humupa na ang galit ni Vella, gayunpaman, makikita pa rin sa kanyang pares ng mga mata ang matinding inis sa binatilyo. Binibigyan niya nang nakamamatay na tingin si Kiden na abala naman sa paghipo sa kanyang namamagang mukha.

Napakaraming sugat at galos ni Kiden sa katawan. Hindi malubha ang tinamo niyang pinsala pero hindi rin naman masasabing simple lang ang mga pinsalang ito. Mapapansin ding matindi ang nararamdaman niyang pag-aalala habang hinihipo-hipo ang kanyang mukha.

"Bakit may mga taong naaatim na manira ng magandang likha ni inang kalikasan? Wala silang konsensya!" mariing bulong ni Kiden sa kanyang sarili. Sinamaan niya rin ng tingin si Vella at sa kasalukuyan niyang hitsura, talagang nakakaawa ang namamaga niyang mukha.

Kahit na pabulong lang ang ginawang pagsasalita ni Kiden, nagawa pa rin itong maintindihan ni Vella ng malinaw. Namula muli siya dahil sa galit at akmang susugurin na naman si Kiden, "Hindi ka ba nasusuka sa mga sinasabi mo?! Kung wala rito si Guro, tutuluyan ko na talagang sirain iyang napaka pangit mong pagmumukha!"

Napaatras ang binatilyo dahil sa takot niya sa dalaga. Lumayo siya rito habang nanginginig ang kanyang tuhod. Naalala niya ang nangyaring pagapapahirap sa kanya ni Vella, at natrauma siya dahil dito.

Habang pinagmamasdan ang dalawa niyang estudyante, hindi mapigilan ni Siryu na mapahawak at mapamasahe sa kanyang sintido. Sumasakit ang kanyang ulo sa ginawang problema ng dalawang ito. Pakiramdam niya ay manlalagas na ang mapuputi niyang buhok habang pinapanood ang dalawa. Narinig niya na kung ano ang puno't dulo ng alitan sa pagitan ng dalawa. At sa pagkakataong ito, masasabi niyang tatlo ang may kasalanan sa nangyari.

Si Kiden, si Vella at siya mismo.

"Maaari bang manahimik muna kayong dalawa?" mariing utos ni Siryu sa kanyang dalawang estudyante. 'Mabuti na lang at abala pa si Noah sa pagsasanay, kung hindi..'

Napailing na lang si Siryu habang iniisip kung anong maaaring mangyari sa oras na malaman ni Noah ang nangyari. Siguradong mas malaking gulo ang kahahantungan nito.

Huminto ang dalawa sa pagtatalo. Bumaling ang dalawa sa kanya ngunit magkaibang tingin ang ibinibigay ng dalawang ito kay Siryu. Isa ay may paggalang habang ang isa naman ay may matinding galit. Tiningnang mabuti ni Siryu si Vella bago bumuntong hininga at bumaling kay Kiden. Taimtim ang emosyon sa kanyang mata at problemado ang kanyang ekspresyon.

"Sa pagkakataong ito, talagang gumawa kayo ng malaking gulo sa Cloud Soaring Sect. Napakaraming miyembro ang huminto sa kanilang mga ginagawang trabaho dahil sa inyong dalawa. Bukod pa roon.." nakasimangot si Siryu na nakatingin kay Vella at muling nagsalita, "Sinira niyo pang dalawa ang malaking bahagi ng taniman ng sect! Ang taniman ng herbs ang isa sa pinagkakakitaan ng ating Sect at ngayong sinira niyo ito, malaki ang epekto nito sa ating faction!"

Napayuko si Vella habang taas noo namang tumingin si Kiden kay Siryu. Mas lalong nainis si Siryu sa pagmamalaking ekspresyon ni Kiden sa kanyang mukha kaya naman pinukpok niya ito sa ulo.

BAM!

"Anong iniisip mong bata ka?! Naggala ka sa sect kahit na bago ka pa lamang dito?! Hindi ka man lamang nagtanong o humingi ng tulong sa iba! Nagawa mo pang manghimasok at manilip kay Vella, sa iyong kapwa estudyante!" nanggagalaiting pangaral ni Siryu kay Kiden.

"Guro! Puwede bang h'wag mong isigaw ang bagay na 'yan?!" namumulang reklamo ni Vella.

Napahawak naman si Kiden sa kanyang ulo at mapapansing iniinda niya ang pukpok na natanggap niya mula kay Siryu. Mas lalo niya itong binigyan ng masamang tingin.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Kde žijí příběhy. Začni objevovat