CHAPTER TWO

290 19 17
                                    

KASALUKUYAN . . . 

MATAMAN siyang nakatitig mula sa madilim na kalsada at kitang-kita niya ang lalaki na palihim na sumusunod sa dalagang may kausap sa hawak nitong aparato. Nasa itaas siya ng puno ng narra kung saan kasalukuyan siyang nakatayo at pinagmamasdan ang bawat galaw ng lalaki na tila may masamang binabalak sa babaeng sinusundan.

Sa isang mabilisang galaw ay agad na nakalapit ang lalaki sa babae. Hindi ito agad nakasigaw dahil mabilis na tinakpan ng lalaki ang labi nitong mamula-mula pa dahil sa lipstick. Nagpumiglas ito ngunit bigla itong nanigas dahil agad itong tinutukan ng lalaki ng patalim sa beywang.

"Huwag ka nang pumalag kung ayaw mong isaksak ko itong hawak kong patalim sa ‘yo!" marahas at may lakip ng gigil na anas ng lalaki. Nagpalinga-linga pa ito, upang masigurong walang tao.

"P-Para mo nang awa, K-Kuya, kunin mo na ang lahat sa a-akin. . . huwag mo lamang ako sasaktan!" impit nitong pagsusumamo sa lalaki, kasabay ng pag-uumpisa na nitong maiyak. Ngunit tila bingi ang lalaki at agad siyang kinaladkad papunta sa madilim na parte ng kalsada kung saan ang daan papunta sa abandonadong lote. Nagpapalag na ang babae sa labis na takot. Nakikinita na nito ang malagim na dadanasin niya sa lalaki.

Napasadsad sa lupa ang babae habang patuloy ang pagtangis at pagmamakaawa nito. Tigma-tigma na ang luhang pumapatak sa malabanos na mukha nito at unti-unting naghulasan ang make-up nito. Halos masuka ang lalaki sa Nakita. Makapal lang pala ang make-up nito kaya napagtakpan nito ang naglalakihang pimples. Maski ang blackheads nito. Ngunit no choice siya dahil tigang na tigang na siya. Wala siyang kita ngayon sa pagbebenta ng droga dahil lalong humigpit ang seguridad sa kanilang lugar.

"Maawa ka, K-Kuya, please? May pamilya pa akong binubuhay!"

"Tumahimik ka at ako'y libog na libog na! Tang ina mo!" pinanlakihan niya ito ng mga mata at agad itong nag-alis ng mga kasuotan. Pagkatapos ay agad niyang sinunggaban ang babaeng labis na sinakmal na ng takot at pag-aalala sa sarili na sasapitin niya sa rapist.

Ngunit sa isang iglap ay mabilis na naibato sa gilid ang lalaki. Agad ang pagkawala nito ng malay. Tulalang napatitig ang babae sa nilalang na nakatayo sa mismong harapan niya. Nakasuot ito ng itim na jacket na may hood kaya hindi niya magisnan ang mukha nito. Mabilis na naglakad ito palapit sa lalaking nais bumiktima sa kaniya. Sa isang kisapmata'y mahigpit ng sinakal nito ang lalaki at agad nitong iniangat upang tuluyan itong mabitin sa ere. Agad na napadilat ang lalaki kasabay ng pagkawag-kawag nito. Pilit nitong inaalis ang kamay na ngayon ay humahawak sa kaniyang leeg. Ngunit masiyadong mahigpit ang pagkakahawak nito sa kaniya.

Unti-unting pinangapusan ang lalaki hanggang sa tuluyang tumirik ang mga mata nito at mawalan na ng hininga. Binitiwan naman agad ito ni Kendra kasabay ng paglapit niya sa babaing muntik nang mapagsamantalahan sa gabing iyon. Nanginginig pa rin ang babae matapos niya itong malapitan. Agad na pinagpupulot ni Kendra ang mga gamit ng babae at saka marahan nitong ibinigay sa babae na tigagal pa rin sa nangyari dito.

Naaawa siya rito pero mas lamang ang inis na naramdaman niya. May kasalanan din naman kasi ito. Kung sana magsuot man lang sana ito ng mas disenting damit ay tiyak na hindi ito mapapahamak. Saka dis-oras na ng gabi pero heto at pagala-gala pa sa labas. Tanga lang ba? Pero hindi na niya dapat pang sisihin ito. Siguro naman ay nabigyan na ng leksyon ito upang 'di na ito umulit maglakad sa dilim na halos kadangkal lang ang iksi ng damit sa katawan.

Napapiksi pa ang babae matapos na iabot nito ang mga gamit na pinulot niya.

"S-salamat. . ." nauutal pang bigkas ng babae sa kaniya. Tinulungan niya itong tumayo kaya kahit paano ay napagmasdan saglit ng babae ng mukha niyang itinatago niya sa itim na hood. Biglang nanlaki ang mga mata nito habang nakatunghay sa kaniyang pulang pares ng mata. Nagkatitigan sila at bigla ay naging tuod ito. Biglang naging lutang ito sa mga sandaling iyon.

"Umuwi ka na sa inyo. Ang nangyari sa iyo ngayong gabi ay tuluyan mong makakalimutan. . ." mahinang utos ni Kendra. Nag-umpisang tumalikod ito sa kaniya at agad nang naglakad palayo. Halos hindi kumukurap ang mga mata ng babae. Tuluyan itong napasailalim sa hipnotismo ng dalaga.

Matapos tapunan ng maiksing sulyap ang babae ay mabilis ng binalikan nito ang lalaki. Mabilis niya itong pinasan mula sa likuran at agad siyang tumalon paitaas. Patuloy ang pagdapo niya sa matataas na puno at bubungan na kaniyang nadadaanan. Sa isang iglap ay naroroon na siya sa bahay nila at agad niyang pinagana ang isip upang tuluyan mabuksan ang pinto. Idinaan niya ito mula sa likuran kung saan naroon ang silid kung saan siya nag-eembalsamo.

Iyon ang pangunahing ikinakabuhay nila ng Mama niya at ng Tita Trinity niya. Mabilis niyang ibinagsak sa lamesang bakal ang katawan ng lalaki. Agad niyang inalis ang suot na jacket. Bumagsak ang malago at mahaba niyang buhok. Nakita niyang may kasalukuyan ini-embalsamo ang Tita Trinity niya.

Agad siyang naghugas ng kamay. Naghilamos na rin siya para kahit paano ay magising ang diwa niya. Madami silang aasiksuhin na bangkay ngayon. Nakita niya ang pagpasok ng Mama Aliyah niya na may tangan na tatlong kape. Alam na alam talaga nito kung ano ang oras ng uwi niya.

"Mukhang ginabi ka yata masiyado, hija?" agad na bungad ng Tita niya. Nagpunas na siya ng kamay saka agad ang pagkuha niya ng kape na dinala ng Mama niya.

"Tita, naman! Alam mo naman ang dahilan kung bakit ginagabi ako minsan," iiling-iling na sagot ng dalaga rito.

"Hoy, malay ko ba kung may boyfriend ka na at nakipag-love make ka na!" balik-sagot nito sa kaniya upang matigilan siya sa pagsusuot ng gloves.

"B-boyfriend? Manliligaw nga wala, eh! Syota pa kaya!" natatawang sabi niya. 

"Imposible! Iyang ganda mong iyan? Wala?" tila hindi naniniwalang sabi ni Trinity dito. Patuloy lamang ito sa ginagawang pag-aalis ng dugo sa bangkay.

"Itigil mo na muna iyan, Tita. Lantakan mo muna itong bago kong huli para sa iyo, Tita. Habang sariwa pa."

Masigla namang napangiti ito ata agad na nitong hinubad ang suot na gloves. Mabilis itong lumapit sa lalaking kapapatay niya lamang. Agad na nagsilabasan ang matutulis na pangil ng Tita niya kasabay na pagkagat nito sa leeg ng lalaki. Tila hayok na hayok. Hinayaan lang naman nilang mag-ina iyon. Kahit paano ay nakikinig na ang Tita Trinity niya sa kaniya. Dati-rati'y naghahanap pa ito ng mabibiktima. Hilig nito dati ang mga bata. Mas sariwa raw kasi ang dugo ng mga ito.

Sa ngayon, ang dinadali na lamang ng dalaga para ibigay sa Tita niya ay ang mga tao na wala nang silbi at salot sa mundo ng mga tao. Ngunit hindi siya katulad ng Tita Trinity niya na may purong dugo ng bampira. Kapatid ito ng ama niya. Wala pa siya sa mundo ay matagal na itong namalagi sa mundo ng mga tao. Hanggang ngayon hindi pa rin niya alam kung bakit mas pinili nitong mabuhay nang mag-isa.

Ang tanging alaala lang niya sa mundong pinagmulan ay ang pilat na kalmot ng Hari ng mga Lobo sa kaniya noong sanggol pa lamang siya. Nararamdaman niyang muli siyang babalikan ng mga alaala ng nakaraan kung saan patuloy siyang tumatakas sa mga kamay ng kalaban. 

✔️HUNTING KENDRA(The Last Vampire)COMPLETEDWhere stories live. Discover now