Kabanata 3: Plano

236 34 145
                                    

|| Erika's POV ||

[Taong 1891]

Nakaupo ako ngayon sa tapat ng salamin at pinagmamasdan ang mukha ni Ysabella. Hindi ako makapaniwala na nasa katauhan ako ng great-great-grandmother ni Rhys. Inilibot ko ang paningin sa buong kwarto. Nakatira ako ngayon sa isang mansyon na daraanan ng ilang henerasyon at mananatiling nakatayo ng daang taon.

Tumayo na ako at kinuha ang pamaypay na nasa ibabaw ng drawer table. Tinotoo talaga ni Ate Estella ang sinabi nya kahapon na magpapaalam kaming mamasyal kaya ngayon ay nakasuot ako ng magarbong baro't saya.

Binuksan ko ito at ipinaypay sa sarili ko ng mahinhin, ala Maria Clara. Isang beses lang akong nakapagsuot ng ganito bilang Erika, noong nag-perform kami ng cariñosa sa subject na MAPEH. At dahil feel na feel ko ngayon ang costume ko, unti-unti ko nang iginalaw ang katawan ko para sumayaw.

Pinapanood ko ang sarili ko sa salamin habang sinasabayan ang tugtog sa isip. Sumusunod din sa galaw ko ang maalon na buhok ni Ysabella na abot hanggang balakang. Ang galing nyang mag-alaga ng buhok. Hanggang lagpas balikat lang kasi ang gupit ko palagi dahil tamad akong magsuklay.

"Ysabella?"

Kumakatok si Ate Estella. Humarap pa muna ulit ako sa salamin para damhin na ako si Ysabella bago naglakad at pinagbuksan sya ng pinto. Bigla naman akong kinabahan kasi nakatitig lang sya sa akin. Sumabay pa yung pagtulo ng pawis sa noo ko.

"B-Bakit?" kabado kong tanong.

"Wala naman." Sinilip nya ang loob ng kwarto at nagtaka siya nang humarang ako sa kanya. Bakit nga ba ako humarang? Wala naman akong itinatago. "Naririnig ko kasi mula rito sa labas ang tunog ng iyong bakya. Ano ang iyong ginagawa sa loob? Nagsasayaw ka?" sabay labas ng nang-eechos na ngiti.

"Ahh... nagpa-practice lang." Nagsalubong ang mga kilay nya. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ang sinabi ko at naihampas sa bibig ang pamaypay na hawak. "A-Ang ibig kong sabihin, nag-eensayo lang ako, hehe." Tumango-tango na lang sya, pagkatapos ay inaya na akong umalis. Wews.

Pagbaba namin ng hagdan ay naabutan naming nakaupo sa salas si Donya Eleanor at nagbabasa ng nobela. Mas tasa rin ng tsaa sa lamesita.

Kaninang agahan ko lang sya nakita dahil nakatulog na ako kagabi bago sila nakauwi ni Don Joaquin. Nagduda pa ako kung nanay ba talaga sya nina Ysabella at Ate Estella dahil ang bata nya pang tignan. Mid-forty na sya pero hindi halata. Mula sa libro ay umangat ang tingin nya sa amin.

"Aalis na kayo?"

"Opo, Ina. Hindi mo po ba talaga nais na sumama sa amin?" tanong ni Ate Estella.

"Hindi na. Baka mapagkamalan akong isa pa ring binibini kung kasama ko kayo."

Natawa kami ni Ate Estella. Hindi ko naman magawa ang normal kong tawa na labas ang ngalangala dahil kailangang mahinhin na gawin iyon dito.

Natigilan kami nang marinig ang pagbaba ni Don Joaquin sa hagdan. Nakasuot sya ng itim na americano at sumbrero, mukhang paalis din.

"Maghiwalay na tayo ng kalesang gagamitin. Si Dante ang maghahatid sa inyo," wika nya habang isinasara ang butones ng coat.

"Sige po, Ama."

Tumingin si Ate Estella sa akin at sumenyas gamit ang ulo na umalis na kami. Sumunod ako sa kanya, pero bago tuluyang makalabas ng bahay ay lumingon ako sa loob at nakitang tinutulungan ni Donya Eleanor si Don Joaquin sa pag-aayos ng suot. Hindi ko maiwasang maalala sina Papa at Mama.

* * *

"May nais ka bang bilhin o kainin?"

"W-Wala, Ate."

A Vivir Mi Vida ContigoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon